top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 4, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Clark na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Nagulat ako sa panaginip ko dahil tumugtog ako ng piano, pero hindi naman ako marunong mag-piano sa totoong buhay. Nanonood ‘yung mama ko, as in, nakikinig talaga siya sa musika ko. Hangang-hanga siya sa akin at ang lakas ng kanyang palakpak. Ano’ng ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Clark


Sa iyo Clark,


Maaaring hindi ka marunong mag-piano ngayon, pero kung pag-aaralan mo ang pagtutog nito, puwedeng-puwede kang matuto. Subukan mo.


Ang panaginip mo ay nagsasabing may itinatago kang galing at husay, hindi man sa pagtutog ng musika sa piano, sa ibang bagay ay puwedeng malayo ang iyong marating.


Kaya hanapin mo ang iyong nakatagong galing at husay at tiyak, madidiskubre mo na ikaw ay mayroon ng natatanging mga kaalaman.


Alam mo ba kung bakit nasa panaginip ang mama mo na hangang-hanga sa iyo at todo-palakpak? Ito ay nagsasabing ikaw ay mahiyain, kakaunti ang mga kaibigan at ayaw sa pakikipagsosyalan, kaya masasabing kabilang ka sa mga taong “introvert.”


Ang payo ay nagsasabing magdagdag ka ng mga kaibigan at ang una mong idagdag ay ang mga masayahin, palabiro at medyo maharot. Mas maganda kung opposite sex mo ang mga magiging bagong kaibigan mo.


Sundin mo ito at magugulat ka dahil sa susunod ay hindi ka na introvert o mawawala na ang pagiging mahiyain mong tao.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 3, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Mercy na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Napanaginipan ko na tinamaan ng COVID-19 ang kapitbahay namin. Namamasukan siya sa isang remittance agency sa bayan. Pumunta siya sa barangay namin, tapos sabi ng aming kapitan, huwag na kaming lalabas ng compound dahil may COVID-19 ang isa sa amin.


Sa panaginip, pumunta ako sa kanila, tapos may dala akong mga prutas at pagkain na binili ko sa fastfood. Takot akong mahawa kaya nakasuot ako ng suot ng mga doktor, tapos nagising na ako.


Natakot din ako sa panaginip ko dahil baka magka-covid-19 ako. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Mercy


Sa iyo Mercy,


May mga panahon na sabi ni Haring Solomon na nararanasan ng bawat tao. Minsan lang mabuhay ang tao at minsan lang din dumating sa buhay niya ang ilang espesayal na pagkakataon.


Mahirap mang maunawaan, dumating na ang takdang panahon na ang mga tao ay dapat ipakita ang kanilang pagmamahal sa kapwa.


Lahat ng dakilang guro ng ating kasaysayan, paulit-ulit na sinasabing mahalin natin ang ating kapwa, tulungan ang mga nangangailangan, mahihina at may sakit. Kailan ang panahon ng pagtulong sa mga nasabing tao?


Ngayon na, iha! At maaaring sa buhay mo at sa buhay ng marami ay hindi na babalik ang panahong ito na dapat ipakita o sundin ang sinasabi ng ating mga guro.


Mahirap mang maunawaan, pero huwag mong sayangin ang espesyal na pagkakataong ito. Tumulong ka sa mga nangangailangan, mahihina at may sakit.


Huwag kang matakot dahil hindi sinasabi ng iyong panaginip na ikaw ay magkaka-covid-19, pero ang binibigyang-diin nito na muli, dumating na ang takdang panahon ng pagtulong sa kapwa o sila na mahihina.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 2, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Joanne na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Simple lang ang panaginip ko at ako ay nasa ibang bansa. Ano ang ibig sabihin nito?

Naghihintay,

Joanne


Sa iyo Joanne,


Alam ng panaginip kung ano ang mabuti sa isang tao, tulad mo mismo kaya napanaginipan mong nasa ibang bansa ka dahil gaganda ang buhay mo sa pangingibang-bansa.


Gayundin, alam ng panaginip ang nangyayari sa tao, kaya mo napanaginipang nasa ibang bansa ka dahil ang katotohanan ay hirap na hirap ang buhay mo rito sa bansa natin. Kaya ang payo ng panaginip mo ay mag-abroad ka.


Maaaring hindi mo agad makuha ng mensahe ng iyong panaginip pero darating ang araw na matatauhan ka at sasabihin mo sa iyong sarili na kailangan talaga na mag-abroad ka na.


Sa ngayon, malabong magawa mo ito dahil may COVID-19 pandemic pa. Habang hinihintay mo ang pagkakataong makapag-abroad ka na, magtiis ka lang muna, pero ang ilagay mo sa isipan mo ay gaganda rin naman ang iyong buhay.


Hindi naman gaanong katagalan pa ay magkakaroon na ng bakuna laban sa COVID-19, kaya nalalapit na rin naman ang araw na ikaw ay magkakaroon ng magandang buhay.


Ang isa pa sa maganda sa panaginip ay dahil ito ay nagsasabi ng totoo, ang magiging pagtitiis mo at paghihintay ay positibo, as in, masarap magtiis at maghintay nang may magandang mangyayari sa buhay.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page