top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 28, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Dolly na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Natatakot ako sa panaginip ko. Lumabas ako ng bahay, tapos bumili ako ng maraming sitsirya para may pagkaabalahan ako sa bahay.


Tapos nang umuwi ako, may pumunta sa amin na naka-PPE at sabi niya, huwag akong lalabas ng bahay within two weeks dahil ‘yung tao sa tindahan na pinagbilhan ko ay positive sa COVID-19. Ano’ng kahulugan ng panaginip ko, magkaka-COVID-19 ba ako?


Naghihintay,

Dolly


Sa iyo Dolly,


Alam mo, ang mga positive sa COVID-19 ay hindi naman na ginagamot, kumbaga, nasa bahay lang sila ay naghihintay na gumaling. Ang mga balita sa TV at iba pa na akala mo ay sobrang busy ang gobyerno para sa kapakanan ng mga tao ay mukhang hindi naman totoo.


Parang ikaw na mismo ang puwedeng nagsabi kung ano ang katotohanan sa ground o sa mismong mamamayan. Puwede ka namang magtanong d’yan sa inyo o sa barangay para malaman mo kung ano nga ba ang ginagawa kapag may COVID-positive sa bayan, siyudad o barangay.


Nasa bahay lang ang COVID patient dahil ang dinadala lang sa hospital ‘yung mga hindi na makahinga o malala ang kondisyon. Kung positive pero hindi naman nakakaranas ng hirap sa paghinga, sa bahay lang sila. Ito ay sa dahilang umaapaw na ang mga ospital, as in, wala nang paglagyan ang mga pasyente, lalo na kung ia-admit pa ang mga positive na hindi naman nahihirapang makahinga o mild ang kondisyon.


Kahit naman sino ay matatakot sa panaginip mo. Ito ay masamang panaginip at hindi biro ang managinip kung saan ang nanaginip ay napabibilang sa taong may exposure sa COVID patient.


Pero ang magandang balita ay nagsisinungaling ang mga positive na walang problema sa paghinga, kaya lang, hindi pa rin naman kakalma ang isang tao dahil nakakatakot magka-COVID. Kapag nagtanong ka sa barangay n’yo, alamin mo na rin kung ano ang ginagawa ng mga nakarekober at ‘yun mismo ang gawin mo kahit hindi pa sure na positive ka.


Halimbawa, kumain ng mga prutas ang mga nakarekober, kumain ka rin nu’n. Kapag may nagsabi sa iyo na hindi gamot ang mga prutas sa COVID-19, dedmahin mo lang. Wala namang masama kung kumain ng prutas dahil ang totoo, masama sa tao ang hindi kumakain ng prutas. Kapag sinabi ng mga nakarekober na uminom sila ng luya, uminom ka rin nito kahit hindi ka positive dahil may COVID-19 man o wala ang tao, mabuti para sa kanya ang luya o salabat.


Kapag may nasabi sa iyo na hindi gamot sa COVID-19 ang luya, huwag mong pansinin dahil wala namang masama kung salabat ang iinumin ng tao sa maghapon sa halip na kape.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 27, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Angela na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Namimitas ako ng mga prutas sa isang maganda at malaking halamanan, tapos ang mga napipitas ay babayaran kada kilo. Marami akong napitas, pero kulang ang pera ko kaya nagalit sa akin ‘yung may-ari dahil nga napitas ko na.


May isang babae roon, tapos sinabi niya na siya na ang magbabayad para maiuwi ko na ‘yung mga prutas. Nagulat ako dahil habang naglalakad ako, nakasunod siya, tapos bigla siyang naging lalaki at nagkuwentuhan kami na parang matagal na kaming magkakilala. Ano’ng ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Angela


Sa iyo Angela,


Ang namimitas ng mga prutas o kahit isang prutas lang ay nagbababalita na kung wala pang asawa ang babae o lalaking nanaginip, siya ay mag-aasawa na.


Kaya mas magandang ihanda mo na ang iyong sarili sa darating na buhay may-asawa mo. Marunong ka na bang magluto? Kung hindi pa, magsanay ka. Magsaing, marunong ka ba? Dapat marunong ka. Maglaba, magtupi ng mga damit at maglinis ang bahay, lahat ng ‘yan dapat mong matutunan.


Hindi nagbibiro ang panaginip at ang namimitas ng prutas o mga prutas ay muli, nagbabalita na hindi na magtatagal at ang nanaginip ay mabubuhay sa malalimang pakikipagrelasyon na siya mismong relasyon ng mga mag-asawa.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 26, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Matet na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Bakit ko napanaginipan ‘yung ex-boyfriend ko? Sa totoong buhay, masaya naman ako sa asawa ko at may dalawang anak na kami. Sa panaginip, parang kami pa rin ng ex ko. Namasyal kami sa mall, tapos binilhan niya ako ng bagong pantalon at iba pang personal kong pangangailangan. Gayundin, kumain kami, tapos umuwi na.


Naghihintay,

Matet


Sa iyo Matet,


Palagi namang ganu’n ang sinasabi ng mga may asawa na – “Masaya ako sa asawa ko.” Ang ganitong mga salita ay parang letra lang sa musika na masarap pakinggan, pero hanggang doon lang ‘yun.


Paano nga ba huhusgahan kung masaya si misis sa asawa niya? Siyempre, kapag may pera. Kapag walang pera si misis, kahit sabihin niyang siya ay masaya, hindi ‘yun totoo.


Okey ba ang financial needs na basehan na masaya si misis? Kung oo, puwede na ring sabihin na ikaw nga ay masaya. Pero sabi nga, hindi na sa pera o sa dami nito nakasalalay ang saya at ligaya. Marami ka ngang pera, pero wala namang lambing si mister, siyempre, mapapaisip ka, masaya ka nga ba o hindi?


Kapag ang babae ay nagtanong kung siya ba ay masaya o hindi, hindi na kailangan ang sagot dahil sa pagtatanong pa lang niya sa kanyang sarili, sure na may lungkot siyang dala-dala sa kanyang puso.


Kaya muli, ‘yung totoo, masaya ka ba sa mister mo? Ang panaginip mo na ang sasagot at ito ay nagsasabing hindi ka masaya.


Ito ang tunay na tagong dahilan kung bakit napapanaginipan ang mga “ex.” Pero hindi naman ito agad-agad na nagsasabing magbabalikan kayo ng ex mo.


May pagkakataon na natatauhan si mister na bukod sa pera, kailangan din pala ni misis ng lambing at atensiyon. Kumbaga, paminsan-minsan, kailangan nilang lumabas ni mister at ibibili siya ng kanyang personal na gamit.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page