top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 16, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lizabeth na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na naglilinis ako ng bahay, tapos pinalitan ko ‘yung kurtina sa mga bintana, tapos todo-linis ang ginawa ko. Ano ang ibig ipahiwatig ng panaginip ko?


Naghihintay,

Lizabeth


Sa iyo, Lizabeth,


Ang panaginip na naglilinis ng bahay ay senyales na darating na ang bagong kapalaran at kadalasan, ito ay magagandang kapalaran. Kailangang malinis ang bahay dahil sa bahay na ‘yun titira ang magagandang kapalaran. Kung hindi malinis ang bahay, aalis agad ang mga ito at maghahanap ng ibang matitirhan.


Kung ang nanaginip ay dalaga at nasa hustong gulang na pero wala pang asawa, ang naglilinis ng bahay ay sinasabing makapag-aasawa na. Ang pahabol na balita ay magaling, mahusay, matino at may sinasabi ang lalaking darating sa kanyang buhay.


Ang unang kahulugan na tungkol sa magagandang kapalaran ay kadalasang napapanaginipan ng isang kapos sa kabuhayan. Minsan naman, ito ay napapanaginipan ng indibidwal na kahit ano’ng gawin ay ayaw umusad ang buhay, gayundin ang mga inaapi ng kamag-anak, kapitbahay o taong mayayabang.


Ipinapayo na kapag sinuwerte na, ikaw ay dapat manatiling mapagpakumbaba, laging nakasayad ang mga paa sa lupa at huwag gantihan ang mga nang-api o umalipusta.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 14, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Theresa na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Hanggang ngayon ay binabagabag ako ng aking panaginip na ako’y hinabol ng isang lalaking balbas-sarado, tumatakbo siya mula sa damuhan habang may mga humahabol sa kanya. Sa eksena na ‘yun sa panaginip ko, nasa likod-bahay ako at nakaupo sa isang banyo na walang pader o tabing.


Biglang lumitaw ‘yung lalaki mula sa damuhan, tapos may hawak siyang itak. Bago pa ako makatakbo, bigla niya akong tinaga. Naramdaman ko ‘yung taga na parang totoo, pero kinain na ako ng liwanag, tapos nagising na ako.


Gulung-gulo ako kasi pabalik na ako sa trabaho sa Maynila. Gusto kong malaman kung ang kahulugan ba nito ay tungkol sa pagbalik ko sa aking trabaho?


Naghihintay,

Theresa


Sa iyo, Theresa,


Nagbabalik ang mga naranasan, lalo ng kababaihan na ang masasamang pangyayari kung saan siya ay mahina at ang nagkagusto sa kanya ay malakas. Sa ganu’ng kalagayan, siya ay takot na takot.


Halimbawa, may isang matanda na nakagusto sa babae at ang motibo ay sexual desire. Sa future ng babaeng ‘yun, mapapanaginipan niya na may masamang nilalang na humahabol sa kanya.


Minsan, ang babae ay napag-iinteresan ng isang malapit at mas matanda sa kanya.


Gayundin, ang babae ay mahina at mas malakas sa kanya ang lalaking nagkainteres. Sa future, siya ay mananaginip na pinagnanasahan ng isang lalaki.


Minsan naman, siya ay pinagsamantalahan noong bata pa siya, ang pangit na kaganapang ito ay magsisilbing multo na babalik sa kanyang mga panaginip.


Kung may naranasan kang tulad ng nabanggit sa Maynila, ikaw ay hindi na pinapayuhang bumalik sa iyong pinapasukan.


Makinig ka sa payo ng iyong panaginip dahil mas maganda ang nag-iingat kaysa sa binabalewala ang mga babala.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 13, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Precy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nahulog ako sa hagdan, pero wala namang hagdan ang bahay namin sa totoong buhay. Sa panaginip ko, nagmamadali akong umakyat dahil may kukunin ako sa bahay namin, pero dahil sa pagmamadali, nahulog ako. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Precy


Sa iyo, Precy,


Hindi lang sa mga bahay, building at matataas na bagay iniuugnay ang hagdan dahil ito ay inihahalintulad din sa pangarap ng isang tao na nagsasabing ang pangarap ay mataas kaya kailangan ang hagdan.


Ang totoo nga, walang pangarap na hindi aakyatin o hindi gagamitan ng hagdan. Gayundin, may baitang ang hagdan kaya walang pangarap na short-cut, at kapag umakyat sa mga baitang, dapat ay maingat.


Ayon sa iyong panaginip, okey sa iyo ang pangarap mo dahil kinumpirma nito na ang iyong pangarap ay mapasasaiyo. ‘Yun nga lang, sabi rin ng iyong panaginip, huwag kang magmadali dahil sa pagmamadali, maaari kang mabigo o maantala ang pagkuha mo sa iyong pangarap.


Alam mo, may mga taong nagsasabi na may pangarap sila, pero kapag hindi sila nakapanaginip ng hagdan, ang kanilang pangarap ay wala lang. Kumbaga, ito ay mapabibilang sa mga wishful thinking ng mga tao na ang ibig sabihin, wish lang at hindi tunay na pangarap.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page