top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 23, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Carol na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nanaginip ako ng bigas, kaya gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng bigas sa panaginip?


Naghihintay,

Carol


Sa iyo, Carol,


Simple lang ang ibig sabihin ng bigas sa panaginip mo, kaya narito ang ilang kahulugan ng bigas kapag napanaginipan.


  • Kung nagbabalak kang magnegosyo, bigas ang itinda mo.

  • Kung sa mga araw na napanaginipan mo ang bigas ay problemado ka sa buhay dahil maliit lang ang iyong kinikita, ang sabi ng panaginip mo ay unahin mo ang pagkain mo kaysa sa iba pang mga bagay na gusto mong magkaroon ka.

  • Kung nalilito ka sa pipiliin mo kung sino ang iyong makakarelasyon, ang sabi ng panaginip mo ay hindi paguwapuhan kundi ang may mapapakain ba sa iyo. Kaya unahin mo ang laman ng iyong tiyan kaysa sa iba pang bagay.

  • Kung sa mga araw napanaginipan mo ang bigas ay minamalas ka, ang sabi ng panaginip mo, huwag ka nang bumili ng kung anu-anong lucky charms dahil bigas lang ang iyong kailangan bilang lucky charm.

  • Magsaboy ka ng bigas bago pumasok sa pintuan ng bahay o entrance ng gate. Magsaboy ka rin ng bigas sa loob ng bahay.

  • Kumuha ka ng munting palayok o tasa na porcelana at lagyan mo ng bigas.

  • Bumili ka ng bigas na sobra sa kailangan mo, kumbaga, dapat ay hindi sagad na mauubos ang bigas sa lagayan nito.

  • Ang powder o pinulbos na bigas ay isa ring mabisang panlaban sa masasamang espiritu. Ilagay mo ito sa maliit na telang supot. Dalhin mo ito kahit saan ka pumunta nang sa gayun ay hindi ka lapitan ng mga negatibong puwersa.

Marami pang kahulugan ang bigas sa panaginip. Kapos sa detalye ang mensahe mo, kaya inaasahan na sa iyong muling pagliham ay maikuwento mo ang iba pang bagay sa iyong panaginip na may kaugnayan sa bigas.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo


 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 22, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Leah na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Ang panaginip ko ay magara. Tatlong gabi na akong nananaginip na may ginagawang mga building. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Leah

Sa iyo, Leah,


Kitang-kita ang mga pangarap ng bawat tao sa kanyang mga napapanaginipan. Tulad ng panaginip mo kung saan ang pinapangarap mo ay ang magkaroon ng hindi lang simpleng bahay kundi ng isang building.


Makikita rin sa panaginip ang isang sikreto ng tagumpay at ito ay ang “Aim high.” Oo, iha, “high” talaga dahil ang building ay mataas at ang munting bahay ay hindi.


Alam mo, nang dumating sa bansa natin ang mga Amerikano na may lihim na hangarin na alipinin tayo sa aspeto ng pang-ekonomiya, ‘yun bang aasa lang tayo sa kanila at tayo ay hindi na uunlad, pumili sila ng awiting bayan kung saan ang mismong mga letra ay matatanim sa ating kamalayan na magiging sanhi upang ang bansa at mamamayan ay hindi na mangangarap na yumaman. Mautak ang mga Amerikano dahil pumili sila ng kanta na mananatili na lang na mahirap ang mga Pilipino at hindi na uunlad o yayaman kalianman, kaya patuloy nila tayong maaalipin habang sila ang yumayaman at umuunlad.


Pero sila, ang mga Amerikano ay nagpapakasasa sa likas na kayamanan ng ating mahal na bansang Pilipinas at maging ang takbo ng negosyo ay nakokontrol nila noong mga panahong ‘yun. Kaya ang nangyari, para hindi na mangarap ang mga Pilipino at patuloy na maalipin ng mga mauutak na Amerikano, pinasikat nila nang todo ang awiting “Bahay Kubo.”


At ang totoo pa nga nito, mas kabisado ng mga Pinoy ang Bahay Kubo kaysa sa Lupang Hinirang at ang may kagagawan nito ay ang mga dayuhang mapagsamantala sa ating kabuhayan, partikular ang mga Amerikano.


Kaya ang mga Pinoy ay nahilig sa pagtatanim ng mga halaman sa paligid. Ito ang pinagkaabalahan ng mga Pinoy dahil ito ang itinanim sa ating kamalayan ng mga dayuhang mananakop. Kaya masasabing mababa ang pangarap ng mga Pinoy tulad ng simpleng buhay, kumain at matulog, kinabukasan ay magtanim ng gulay at matutulog at ganu’n ulit. Pero may ilang Pinoy na iba ang ginawa kung saan kinopya nila ang ginagawa ng mga Amerikano. Ang mga babae ay nagli-lipstick at ang mga lalaki ay nagsusuot ng leather shoes at gumagamit ng gel sa buhok at nangangarap yumaman tulad ng mga Amerikano.


Kaya ang iba ay nagsiyaman at maraming naiwanan sa probinsiya na nakatira sa “Bahay Kubo na kahit munti”.


Ayon sa panaginip mo, Leah, mataas ang pangarap mo kaya hindi ka matutulad sa karamihan ng mga Pinoy na naging “bahay kubo” ang pangarap. Mapalad ka dahil ang sukatan ng tagumpay ay ang pagkakaroon ng mga ari-arian at gaano kalaki ang halaga ng mga ito.


Lakasan mo ang iyong loob, Leah, dahil ang sabi ng isang Amerikano sa kanyang mga kapwa, “Be brave and have no fear. Success is simply bravery and courage!”


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo


 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 21, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Erick na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


‘Yung bata sa panaginip ko ay panay ang pagdumi at pagod na ako sa kalilinis ng dumi niya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Erick


Sa iyo, Erick,


Ganito ang sabi ni Lord Buddha, “Pagmasdan mo ang mga bata, lilinis ang iyong kaisipan.”

Sa katuruan kasi ni Buddha, ang tinatawag na “Eight-Fold Path” ay tumutukoy sa malinis na personalidad, kilos at isip.


Ang kalinisan ng isip, kilos at personalidad ay inilalarawan ng bata dahil ang mga bata ay may dalisay, wagas at malinis na kaisipan, kaya sila ay kumikilos din ng ganu’ng kalinisan.

Maging si Lord Jesus man ay nagpapahalaga sa mga bata, sabi Niya na may diin, “Tumulad kayo sa mga bata at makakapasok kayo sa pintuan ng kaharian ng langit.” Ito ay dahil

ang bata ay may malinis, wagas at dalisay na puso at isip.


Pansamantala, isantabi muna natin ang panrelihiyong pananaw o kasabihan. Sa halip, ang tutukan natin ay ang pang-araw-araw na galaw ng ating buhay kung saan nabubuhay tayo para maabot natin ang ating mga pangarap.


Kaya ang ilagay natin sa ating isipan ay kailangan ng bawat isa— lalo na ikaw— ang malinis, wagas at dalisay na puso at isip dahil ito mismo ang mensahe ng iyong panaginip.


Ang “dumi” ng bata ay tumutukoy sa mga suwerteng mapasasaiyo, mga suwerteng mula sa pagiging malinis ng iyong pagkatao.


Kaya ang pahabol na sabi ng iyong panaginip, kapag malinis ang iyong personalidad, sobrang matutuwa ka dahil ang dating ng mga suwerte sa buhay mo ay para na ring sinasabing tila ba wala nang katapusan.



Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page