top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 29, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Dianne na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Gusto kong malaman ang kahulugan ng aking panaginip. Sa panaginip ko, ako si Alice ng Alice in Wonderland. Ibang-iba ang hitsura ko dahil naka-dress ako at brown ang buhok ko. Basta palaging Alice in Wonderland ang tema ng panaginip ko.


Naghihintay,

Dianne


Sa iyo, Dianne,


Ang mga babae ay hindi puwedeng hindi ma-in love sa istorya ng Alice in Wonderland, pero ito ay nangyayari sa panahon ng kanilang kabataan, partikular na sa kanilang pagiging dalagita o papalapit na sa pagiging ganap na dalaga.


Nangyayari ito dahil ang babae ay ayaw umalis sa kanyang kabataan o pagkabata. Ito ay sa dahilan na nakikita niya sa kanyang kapaligiran na hindi maganda ang naging adult life. Maaaring nakita niya ang isa sa kanyang kakilala o malapit sa puso kung saan ang ganap nang dalaga ay naging malungkot lang. Gayundin, siya ay bigo sa buhay at alipin ng kahirapan at sunud-sunuran lang sa mga nasa paligid niya.


Maaaring nakita niya na rito pala sa ibabaw ng mundo, ang malakas ay naghahari at ang mahina ay inaabuso. Para sa kanya, ang mahina ay ang kababaihan.


Sa ganitong kaisipan na mabubuo sa kanyang pagkatao, gusto niyang takasan ang malupit na mundo na walang saya at puro lungkot lang ang nadarama.


Dahil gusto niyang tumakas, ang kanyang gustong mapuntahan ay ang Alice in Wonderland. Dito masasalamin sa iyong panaginip na nabubuhay ka sa kalungkutan, kaya tulad ng nasabi na, ang gusto mo ay ang mundo na mala-wonderland.


Kathang-isip lang ang wonderland dahil ang tunay na mundo ay ang reyalidad at ito ay may dalawang larawan. Ang una ay ang negatibo at ang isa pa ay ang positibong reyalidad.


Dahil dito, piliin mo ang positibong reyalidad dahil kapag ito ang iyong napili, ang dilim ay iyong pasasalamatan dahil ito ay manganganak ng bagong umaga.


Ang lungkot ay iyo ring pasasalamatan dahil kailangang malungkot nang mabigyang-daan ang maliligayang araw.

Muli, piliin mo ang positibong mundo at huwag mong yakapin ang negatibong mundo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 28, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Ditse na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Namumulot ako ng mga dahon na nalagas sa mga puno. Marami-rami na rin ang nakuha ko, tapos pagyuko ko ulit, may nakita akong dahon na makislap, dinampot ko ‘yun at naging perang papel. Hindi ko naman matandaan kung ano’ng perang papel ‘yun.

Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin ang panaginip ko, ano ang ibig sabihin nito?

Naghihintay,

Ditse

Sa iyo, Ditse,

Ang nalalagas ang mga dahon ng halaman at punong-kahoy ay nagpapahiwatig ng pagtatapos ng isang bahagi ng kasaysayan. Sa tao, ito rin ay pagtatapos ng isang kabanata sa kanyang buhay.

Minsan, ayaw ng tao na matapos ang kanyang mga nararanasan, kaya lang, hindi kaya ng tao na hadlangan ang ikot ng kanyang kapalaran. Gayundin, minsan, ang ipinapanalangin ng tao ay magbago na ang takbo ng kanyang buhay, pero hindi niya kontrolado ang mga nangyayari sa kanyang buhay.

Sa ganitong katotohanan, sa ayaw o sa gusto ng tao, darating ang pagbabago ng kapalaran na sinisimbolo ng mga nalalagas na dahon ng halaman.

Hindi naman ito gaanong mahirap maunawaan dahil ang kalendaryo ay masasabing nalalagas din ang mga dahon dahil sa pagpapalit ng panahon.

Sa panaginip mo, ibinabalita sa iyo na ang mga bagong kabanata ng buhay mo ay isa-isang mapasasaiyo. Huwag kang mag-alala, dapat ay matuwa ka dahil ang nakuha mong perang papel ay nagsasabing ang bagong taon ng iyong buhay ay mapupuno ng kasaganaan, kaya malaki ang tsansa na matupad na ang iyong pangarap na yumaman.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 27, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Aurea na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na may pumasok sa bahay namin na hindi namin kilala. Sa tingin ko, magnanakaw siya, pero wala namang akong nakitang binubuksan niya. Tapos, sinigawan ko, pero natakot ako at naisip ko na baka patayin niya ako. Nang sinigawan ko siya, wala siyang reaksiyon.


Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin ang aking panaginip. Tulungan n’yo ako na malaman ang kahulugan nito. Maraming salamat!


Naghihintay,

Aurea


Sa iyo, Aurea,


Alisin mo ang iyong pag-aalala at ang pangamba ay bawas-bawasan mo. Hindi naman maaalis na matakot ka, pero ang iyong panaginip ay simpleng nagsasabi na may manghihimasok sa buhay mo.


Sinu-sino ang puwedeng manghimasok sa buhay ng may buhay?


● Ang mas matanda sa iyo na akala ay may karapatan siyang makialam sa buhay mo. Halimbawa, ang mga tito, tita at iba pang kamag-anak.

● Ang magulang ay hindi mapabibilang dito dahil sila ay may karapatan na panghimasukan tayo.

● Ang kaibigan na akala ay mas magaling at maalam kaysa sa iyo, kaya siya rin ang kaibigan na maliit at mababa ang tingin sa iyo.

● Ang mga kaibigan ng ating mga kaibigan. Sila ‘yung kung makapagpayo, akala mo’y sobrang matatalino.

● Minsan ay ang mga kapitbahay na sa totoo lang ay likas na mapanghimasok sa buhay ng may buhay.

Isa sa kanila ang napanaginipan mo na ngayon ay makikitang nakikialam sa buhay mo.

Huwag mo silang awayin o agad-agad na lalayuan dahil silang lahat ay bahagi rin naman ng iyong pakikipagsapalaran sa mundong ito kung saan ang mga pakialamera ay hindi nawawala.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page