top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 2, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Ne Cip na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nanaginip ako ng gorilla, ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Ne Cip


Sa iyo, Ne Cip,


Naku, baka natakot ka. Alisin mo ang iyong takot dahil ang gorilla ay ang mitolohiyang dragon na nasa lahat ng tao. Ikaw, ako, sila at muli, tayong lahat ay may personal na dragon sa ating pagkatao.


Mahirap paniwalaan, pero ito mismo ang katotohanan na may nakahimlay na dragon sa ating kamalayan na paminsan-minsan ay kailangan itong magising dahil dito nakasalalay ang ating tagumpay at kabiguan.


Kaya lang, hindi naman ito basta-basta nagigising, kumbaga, may ilang kondisyon para magising ang ating dragon. Tulad sa iyo, ayon sa iyong panaginip, mula sa matagal na pagkakahimlay, ang iyong dragon ay lalabas para makita ang tunay mong lakas o kapangyarihan.


Ibig sabihin, sa ngayon, makikitang ang isa sa kondisyon para lumabas ang dragon ay mapasasaiyo. Mahaharap ka sa malaking hamon ng iyong kapalaran, kaya ito ang makikipaglaban sa iyong mga kalaban.


Mapalad ka dahil kahit may dragon sa bawat tao, hindi naman ito napakikinabangan dahil ito ay mahimbing na natutulog sa ating malalim na kamalayan.


Dahil sa iyong panaginip, ngayon pa lang ay binabati na kita dahil iisa lang ang magaganap kung saan ikaw ang mananalo sa malaking hamon ng iyong kapalaran.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 1, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Jenica na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na kinagat ako ng aso ng kapitbahay namin. Sabi ni mama, lagyan ko ng bawang ‘yung kagat, tapos pumunta kami sa health center para sa bakuna kontra rabies at umuwi na kami.


Naghihintay,

Jenica


Sa iyo, Jenica,


Dapat kilala ng mga aso ng kapitbahay ang kanilang mga kapitbahay, pero sa panaginip mo, hindi ka kilala ng aso na nakakagat sa iyo. Ang ganitong panaginip ay nagbababala na may lihim na galit sa iyo ang ilang tao sa iyong paligid na akala mo ay mga kaibigan mo.


Madali lang naman mabisto kung sinu-sino ang mga ito.

● Ang nakikipag-usap pero hindi makatingin sa iyong mga mata. Minsan ay nakatingin din, pero mabilis na inaalis ang tingin.

● Sa pagsasalita, may mga nakalilimutang tamang salita na angkop sa pinag-uusapan na para bang siya ay makakalimutin kahit siya ay hindi pa gaanong katandaan.

● Ang mga taong kapag kinuwentuhan mo na sinuwerte ka o maganda ang buhay mo ay makikita mong hindi masaya ang kanilang mukha.

● Susundan pa na siya mismo ay mas magaling dahil may suwerte rin siyang darating.

● Ang iba naman ay ikukuwento ang masuwerteng buhay ng kakilala nila para lang matabunan ang kuwento mo na maganda ang sitwasyon mo sa kasalukuyan.

Kapag natukoy mo na sila, burahin mo na ang mga ito sa listahan ng iyong tunay na kaibigan. Wala naman silang hahangarin kundi pumangit ang iyong kapalaran.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | September 30, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Anne na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanagipan ko na ito two years ago, naalala ko lang dahil napanood ko ‘yung video niya. Kapareho niya ng built o pangagatawan ‘yung napanaginipan ko ngayon, tapos nagtaka ako dahil nag-Tagalog siya.


May isang lalaki na blurred ang mukha, nakasakay kami sa black Montero, pero siya ang nagda-drive at nasa backseat ako. Um-attend ako ng kasal, tapos sabi niya, hindi siya papayag na ikasal ako sa iba bago niya ako hinalikan. Tapos this year, may isang K-pop group akong hinahangaan, na-realize ko na parang ‘yung isang member ang nasa panaginip ko two years ago.


He’s wearing a white shirt underneath his leather jacket, siyang-siya ‘yun kahit medyo blurred. Pero hindi ko siya crush, ha? Guwapo siya pero ‘yung co-member niya ang crush ko.


Naghihintay,

Anne


Sa iyo, Anne,


Ang nakasakay sa sasakyan ay panaginip na may itinatagong kahulugan. Itinatago ito dahil hindi para sa lahat, lalo na sa mga kabataan at medyo maselan.


Dahil ang tunay na tinutukoy ng nakasakay sa sasakyan ay pakikipagtalik. Sa mga matured, ang pakikipagtalik ay normal lang, hindi naman ibig sabihin ay lahat ng matured ay naranasan na ito, bagkus, ito ay simpleng nagsasabi na nauunawaan na ng lahat ang kung ano ang pagtatalik.


Kaya naman ang ilang panaginip ay pagtatalik ang sinisimbolo dahil sa katotohanang sa pagtatalik, may salitang “sexual drive” at ang umaandar na sasakyan ay dina-“drive” rin.


May iba pang bagay na nasa pagmamaneho ng kotse at sexual drive, pero ang mga nasa itaas ay sapat na para maunawaan ang hiwaga ng iyong panaginip kung saan ang pagmamaneho ng sasakyan ay pagtatalik ang kahulugan.


Dahil dito, ayon sa iyong panaginip, ang dapat mong mapangasawa ay ang kaporma, kamukha, kaparehas ng pangangatawan at kahawig ng member ng K-pop group na napanaginipan mo.


Paano kung hindi ganu’n, kumbaga, iba ang napangasawa mo? Ang sagot ng iyong panaginip, dadayain mo ang iyong asawa at magkakaroon ka ng lihim na karelasyon na ang built ay katulad na nasa iyong panaginip.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page