top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 5, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Rosalyn na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Napanaginipan ko na namumulot ako ng mga barya. Naglalakad ako, tapos napayuko ako at nakakita ng P5. Dinampot ko ‘yun, tapos nakakita ako ng marami pang barya. Napuno na ‘yung bulsa ko kakapulot, tapos umuwi na ako. Ano ang kahulugan nito?

Naghihintay,

Rosalyn

Sa iyo, Rosalyn,

Ang pagnenegosyo ay sinisimbolo ng mga barya, kaya malinaw na malinaw na ito ay suwerte sa negosyo. Gayunman, kumuha ka pa rin ng ilang magagandang ideya mula sa iyong panaginip.

Ang yumaman sa pagtitinda ng itlog ay yumaman nang dahil sa mga baryang kita nila sa bawat itlog. Barya-barya lang ang idinaragdag ng mga matinong negosyante sa kanilang paninda, kaya tinatalo nila ang kanilang mga kakumpitensiya.

Napansin mo ba ang mga presyuhan sa mga produkto? Nakita mo ba na mga halaga ay hindi lang buo kundi dapat ay may sukling barya? Kumbaga, hindi eksakto ang presyo ng produkto dahil palagi kang may makukuhang sukli kahit sentimo.

Ito ay nagsasabing kapag may barya, ang negosyo ay uunlad pa. Kaya hindi nakapagtataka ang tradisyon ng matatanda na maglagay ng barya sa wallet. Ang tinatawag na “pangati” ay mga barya. Ibig sabihin ng “pangati” ay pampasuwerte sa negosyo o sa aspeto ng pananalapi.

May barya ka ba sa bulsa? Dapat mayroon dahil ang laging may barya sa bulsa ay hindi mawawalan ng pera kahit kailan.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 5, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Leroy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Naglalaro ako ng sabong ng gagamba. Sa totoong buhay, noong bata ako, talagang nagsasabong ako ng gagamba laban sa mga kababata ko. Pero ngayong 28-anyos na ako, wala na sa isip ko ‘yun. Gayundin, wala namang gagamba rito sa amin. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Leroy


Sa iyo, Leroy,


Ngayon ang panahon ng sabong ng gagamba dahil ang mga ito ay nasa todong-lakas at laki. Nangyari ito dahil nagsilaki na rin ang mga kulisap, at ito naman ang pagkain ng gagamba.


Pero ngayon ay wala nang gaanong gagamba sa mga probinsiya dahil napapatay sila ng insecticide na ginagamit ng mga magsasaka. Ang mga gagamba ay nasa malalayong lugar na walang gaanong sakahan o bukid na taniman ng palay at gulay.


Mas sikat ang sabong ng gagamba kaysa sabong ng mga panlabang lalaking manok. Ang sabong ng manok ay tuwing Linggo lang, pero ang sabong ng gagamba ay makikita mo sa iba’t ibang lugar sa mga bayan at barangay araw-araw.


Umaabot din ng libu-libong piso ang pusta sa sabong ng gagamba. Alam mo ba, Leroy, na dahil bawal ang cock fighting o sabong dahil sa COVID-19 pandemic, ang mga sabungero ay lumipat na sa sabong ng gagamba. Pero bawal din ang sabong ng gagamba, kaya lang may pinapayagan dito sa mga lokal na pamayanan dahil hindi rin naman malalaman ng mga awtoridad kung saang lugar ito ginagawa.


Sa mga kanto, puwedeng magsabong ng gagamba, pero puwedeng-puwede rin sa bahay, kaya mas mahirap kontrolin ang sabong ng gagamba kaysa sa sabong ng manok.


Ang panaginip mo ay nagsasabing kumuha ka ng aral sa buhay base sa mga kilos ng panabong na gagamba nang magtagumpay ka sa anumang layunin mo sa buhay.


Ang panlabang lalaking manok ay makikitang galit na galit at ang gusto ay patayin agad ang kalaban. Habang ang gagamba ay makikitang kalmado dahil pinag-aaralan muna kung kailan susugod at inaalam ang kahinaan ng kalaban.


‘Yan ang aral sa buhay na ang sabi ng panaginip ay alam mo rin naman dahil mahilig ka sa sabong ng gagamba. Isabuhay mo ito at hindi ka mabibigo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 3, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Shiela na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Naghihintay na lang ako ng visa at sa Japan ang place of work ko. Lately, napanaginipan ko na masaya akong nagtatrabaho sa isang parlor sa Japan, tapos nagustuhan ako ng isang Hapon na guwapo at mabait.


May magkakagusto nga ba sa akin sa Japan?


Naghihintay,

Sheila


Sa iyo, Sheila,


Kapag nagtatrabaho ka na sa Japan, may magkakagusto sa iyo. Pero sa buhay ng tao, dapat mong malaman na normal na kahit saan ay puwede silang magustuhan. Kumbaga, maaaring may magkagusto sa iyo kahit saan ka mapunta.


Ito ay nararanasan ng kababaihan at kalalakihan na bata pa, medyo may edad na o may edad na, pero napanatili ang personal na ganda.


Hindi dapat maging basehan ang ganda, lalo na kung love life ang pag-uusapan dahil baka ang ending, ito na lang ang unahin ng mga tao at mahuli ang pagmamahalan.


Totoong ang pag-ibig ay nagmumula sa pagkakagusto, pero hindi ito sapat. Ibig sabihin, maghihintay pa ng ilang panahon para magkaroon ng layunin na mapangasawa o makasama habambuhay ang babae o lalaking nagustuhan.


Ibig sabihin, iha, may pagkakagusto na ang gusto lang ay sex. Ang ganitong sitwasyon ay para sa sex life at hindi sa love life.


Ipinauuna ng iyong panaginip na may magkakagusto sa iyo sa Japan at ang payo ay dapat mong paganahin ang iyong isipan at hindi ang damdamin.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page