top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 21, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Elsa na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na may sakit ako at nakahiga sa kama, tapos nakita ko na maraming prutas sa lamesa, bigay daw ng mga dumalaw sa akin.


Ano ba ‘tong panaginip ko? Ngayon ay wala naman akong sakit, pero nababala ako sa panaginip ko.


Naghihintay,

Elsa


Sa iyo, Elsa,


Sinasabi ng tao na wala siyang sakit, pero sabi lang niya ‘yun at base lang sa kanyang pakiramdam. Kapag ang edad ay 40 pataas na, tiyak na kapag nagpa-examine siya, may makikita sa kanya na karamdaman. Ibig sabihin, hindi sapat na basehan ang kanyang kasalukuyang pakiramdam kung may sakit ang isang tao o wala.


Bukod pa rito, ayon sa mga doktor, ang mikrobyo ay nasa tao na bago pa niya madama ang sintomas na siya ay may sakit na. Kumbaga, umatake na ang mikrobyo at naminsala, kaya lang, hindi pa alam ng taong may sakit. Ito ay dahil kadalasan, ang sintomas ay madarama lang 14 araw mula nang makapasok ang mikrobyo sa katawan.


Ang iyong panaginip ay nagpapaalala na ingatan mo ang iyong sarili dahil may posibilidad na ikaw nga ay dapuan ng karamdaman.


Kaya ang payo ay kumain ka ng masusustansiyang pagkain nang sa gayun ay magkasakit ka man, malaki ang tsansa na ito ay iyong labanan, as in, mabilis kang gagaling.


Bukod sa pagkain ng masusustansiya, huwag kang magpupuyat dahil kahit ang tao ay kumakain nang maayos pero lagi namang puyat, hihina rin ang kanyang katawan.


Gayundin, isabuhay mo ang tinatawag na proper hygiene na dapat ay laging malinis ang iyong katawan at kapaligiran.


Muli, may babala na puwede kang magkasakit, pero kung maisasabuhay mo ang mga payo sa itaas, hindi lalala ang iyong karamdaman at mabilis kang makarekober.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 20, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Mary Joy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Takot na takot ako nang magising dahil sa panaginip ko, may tatlong lalaki na pumasok sa kuwarto habang tulog ako. Hindi ko alam kung paano sila nakapasok, basta nakita ko sila na nakatayo sa harap ng kama ko at nakatitig sa akin. Tapos, bigla akong nagising. Natakot ako at hanggang sa ngayon ay ninenerbiyos ako.


Naghihintay,

Mary Joy


Sa iyo, Mary Joy,


Dito sa atin, kahit hindi aminin ng mga awtoridad, ang mga nagaganap ay nagbubunga ng takot sa mga tao, lalo na sa kababaihan.


Sa mga balita, may natutulog sa loob ng bahay, pinasok at pinatay. Mayroon ding araw na araw o maaga pa, pinasok din ang bahay ay pinagbabaril. May mga nang-agaw ng sasakyan at ang driver na babae ay natagpuang patay sa malayong lugar.


Hindi maiiwasang matakot ng mga tao dahil sa mga balitang ito. Ang takot ay nasa kanilang kaloob-looban na tinatawag din sa sikolohiya na unconscious self.


Sa gabi, kapag ang natakot ay nahimbing sa kanyang tulog, nagagawa ng kanyang unconscious self na maging aktibo, kumbaga, conscious na siya pero sa pamamagitan lang ng panaginip. Ito ang naranasan mo kung saan ang takot ay lumabas sa panaginip mo na may tatlong lalaking nakatayo sa harapan ng kama mo. Lahat ng babae, pero kahit pa mga lalaki ay matatakot sa ganito.


Hindi naman natin kayang alisin ang takot sa ating sarili kahit magtapang-tapangan tayo dahil kahit ang matatapang, kabilang sa may nananahang takot sa kanilang unconscious self. Kumbaga, ang takot ay kasama na sa buhay ng bawat tao. Ang magagawa lang natin ay magpatuloy sa pagpapaganda ng ating kinabukasan kahit may takot.


Kaya ang payo sa iyo ay hindi ka dapat maalipin ng takot kung saan hindi na tayo makagalaw o makapaghanapbuhay.


Minsan, alam mo, ang taong minamahal at nagmamahal ay makikitang natatakot pero mas nanaig ang pagmamahal sa kanyang buhay.


Kaya kung wala kang boyfriend, mag-boyfriend ka na dahil dito sa mundo, pagmamahal ang sinasabing most powerful.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 19, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Rosalyn na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Bakit nakita ko ang aking sarili na umalis sa katawan ko, pero hindi naman lumayo, kumbaga, nandu’n lang din sa silid-tulugan ko? Ano ang panaginip ko na ito? Natatakot kasi ako at labis na nag-aalala.


Naghihintay,

Rosalyn


Sa iyo, Rosalyn,


May problema ka bang sa tingin mo ay hindi mo kayang lutasin? Suriin mo ang buhay mo sa kasalukuyan at maging tapat ka sa sarili mo. Kung may problema ka na mahirap bigyan ng solusyon, ang panaginip mo ay nagsasabing gusto mong takasan ang iyong problema.


Ang naranasan mo ay kadalasan ding nangyayari sa mga may maraming utang na kailangan nang magbayad at kapag hindi nagbayad ay madedemanda o maiipit ang ilang kabuhayan.


Mayroon ka bang sakit na akala mo ay wala nang lunas? Kung mayroon, ang panaginip mo ay ganundin ang sinasabi, gusto mong takasan ang iyong sariling katawan.


May trabaho ka ba ngayon? Kung wala, masasalamin sa iyong panaginip na natatakot ka sa iyong kinabukasan na akala mo ay madilim ang iyong hinaharap at wala ka nang magandang buhay na inaasahan.


Kung nagkataon na ang sagot mo sa mga tanong sa itaas ay “Wala, okey naman ang buhay ko,” sa ganitong pagkakataon, ang panaginip mo ay nagsasabing nahihilig ka sa paranormal at ang pahabol na kahulugan ay gusto mo talagang maranasan na makaalis sa katawan mo o ang kaluluwa o espiritu ay hihiwalay sa katawan mo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page