top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 29, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lovely na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Natakot ako sa panaginip ko dahil bumaha sa amin, tapos pumasok sa bahay ‘yung tubig at umakyat sa kuwarto ko. Nalunod at nagsisigaw ako, tapos ‘yung tubig baha ay biglang nawala.


Sa totoo lang, laging bumabaha rito sa ‘min kahit tinaasan na ‘yung kalsada. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Lovely


Sa iyo, Lovely,


Alam mo, wala namang solusyon ang mamamayan sa pagbaha sa kanilang lugar, partikular sa kani-kanilang bakuran o bahay. Dahil ang solusyon na ginagawa ng mga lokal na pamahalaan ay ang taasan ang kalsada, kaya naman ang mga bakuran o kabahayan ay naiiwanan. Kumbaga, ang mga kalye ay hindi na babahain dahil tinaasan na, pero hindi naman tumaas ang mga bakuran kaya baha pa rin at ang masaklap, sa bawat pagtaas ng kalye, mas tumataas ang baha sa mga kabayahan.


Nakakalungkot pero ito ay isang katotohanan na nararanasan ng mamamayan. Pero ang iyong panaginip naman ay nagbabalita na dapat kang magsaya dahil ang buhay mo ay babahain ng magagandang oportunidad kung saan ang bawat iyong mapipili ay magbibigay sa iyo ng magandang buhay.


Kaya ang payo ay maging positibo ka dahil sa pagiging positibo, ang tao ay mabilis na umaasenso.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 27, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Ayesha na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano’ng kahulugan ng panaginip ko na nasa ospital ako, tapos biglang nanilaw ang buo kong katawan at nag-palpitate ako?


Naghihintay,

Ayesha


Sa iyo, Ahesha,


Ang isa sa mga sintomas ng sakit sa liver o atay ay ang paninilaw ng katawan. Minsan naman, kaya nanilaw ay nasobrahan sa pag-inom ng vitamins, pero ang ganitong paninilaw ay hindi ikinokonsiderang sakit dahil mabilis din namang bumabalik sa dating kulay ang balat.


May isa pang sanhi ng paninilaw ng balat at ito ay ang nasobrahan sa pagkain ng papaya. Ang nakatutuwa na nakagugulat dito ay ang taong nanilaw dahil sa pagkain ng papaya ay nagiging kulay dilaw din ang anumang bagay na mahawakan ng kanilang kamay.


Sa iyong panaginip, ang nakitang dahilan ay maaring pagkakamali ng doktor, nurse o bantay at hindi tama ang napainom na gamot sa iyo. Idagdag pa ang pagpalpitate mo na isa ring senyales ng hindi tamang pagpasok sa katawan ng maling gamot.


Dahil dito, iha, ang panaginip mo ay nagbababala na kapag nagkasakit ka, dapat ay alam mo kung ano ang gamot na ipaiinom sa iyo. Karapatan ng bawat pasyente na malaman kung ano ang pinaiinom o ginagawa sa kanya ng doktor.


May pagkakataon na ang babala na nasabi ay hindi para sa iyo dahil puwedeng ito rin ay para sa mahal mo sa buhay na magkakasakit at madadala sa hospital.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | October 26, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Aurea na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan kong nag-away kami ng mister ko. Nagalit ako sa kanya, tapos pinagpupukol ko siya ng mga pinggan kaya nabasag ang mga ito. Tapos hindi naman galit sa akin ‘yung mister ko sa panaginip.


Sa totoong buhay, nag-aaway kami pero paminsan-minsan lang at hindi ko naman inihahagis ang mga kasangkapan namin. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Aurea


Sa iyo, Aurea,


Sa buhay may-asawa, normal na nag-aaway, kaya masasabing hindi normal kapag walang away. Kumbaga, dumarating sa buhay nila na sila ay hindi nagkakaunawaan.


Minsan, ang pag-aaway ay grabe tulad ng nangyari sa iyo sa panaginip na pinaghahagis mo ang mga plato at nabasag ang mga ito. Pero ang totoo, sa buhay ng mga Pinoy, parang normal lang din ito noong hindi pa nauuso ang mga pinggang plastic.


Pero ngayon, uso na ang mga kasangkapang plastic at bihira na sa mag-asawa ang grabe kung mag-away. Bakit kaya? Minsan, ang sagot pero puwedeng hindi totoo ay mas pinipili na lang ng mag-asawa na magplastikan.


Halimbawa ay hindi galit, ‘yung kunwari ay okey lang at nauunawaan ang asawa, kumbaga, mas marami ngayon ang nabubuhay sa pagkukunwari.


Kaya lang, masama ang naging epekto ng buhay na kunwarian lang dahil dumami ang bilang ng mga nagkakasakit. Ito ay ayon sa mga sikolohista na ang madalas na sanhi ng pagkakasakit ng mga Pinoy ay nag-uugat sa kanilang pagkukunwaring sila ay okey lang.


Ang panaginip ay nagsasabing matagal na kayong hindi nag-aaway ng mister mo kaya paniwalaan mo man o hindi, miss na miss mo nang awayin ka ng mister mo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page