top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 4, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Dholie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Namimitas ako ng talbos ng kamote dahil iuulam namin. Habang namimitas ako, naririnig kong umaawit ang mga ibon, tapos nilingon ko kung saan sila nakadapo. Nakita ko na mayroong nasa puno at ‘yung iba nasa kable ng kuryente sa kalsada.


Muli akong kumuha ng talbos, pero laking gulat ko dahil may nakita akong mga itlog na kasing liit ng itlog ng pugo. Inuwi ko ‘yung itlog sa bahay at isinama ko sa ulam namin. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Dholie


Sa iyo, Dholie,


Ang namimitas sa panaginip ay nagbabalitang may aanihin na magandang kapalaran. Kaya isa sa magagandang bagay na mapanaginipan ang namimitas.


Ang namimitas naman ng gulay sa panaginip ay nagbabalitang lumalakas, lumulusog at ligtas sa anumang karamdaman ang nanaginip, at kung siya ay nagkataong may sakit, sinasabi ng kanyang panaginip na siya ay gagaling na.


Ang umaawit na mga ibon ay isa rin sa magandang mapanaginipan dahil ang ibig sabihin nito ay payag ang langit sa mga pangarap na gustong makamit ng nanaginip.


At higit sa lahat, kapag ang itlog ay nakita sa panaginip, ibig sabihin, susuwertehin sa anumang klase ng pakikipagsapalaran ang nanaginip.


Sa kabuuan, ang panaginip mo ay nagsasabing gaganda na ang iyong buhay. At dahil ang lulutuin mong ulam ay para sa inyo o sa buong pamilya mo, ibig sabihin, kabilang sila sa magkakaroon ng magandang kapalaran.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 3, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Nina Sisa na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na dinalaw ako ng lola ko, pero sa totoong buhay ay patay na siya at 11-anyos lang ako nang nangyari ‘yun. Sa panaginip ko, sinabi niya na alagaan ko ang mama ko at huwag akong pasaway. Maganda naman ang pagkakasabi niya, as in, hindi pagalit. Wala na kong papa dahil may ibang pamilya na siya, pero minsan ay nagkikita pa rin kami at kumakain sa labas, pero hindi na siya umuuwi sa bahay namin.


Naghihintay,

Nina Sisa


Sa iyo, Nina Sisa,


Malinaw na malinaw sa panaginip at kuwento ng buhay mo na kailangan ng mama mo ng makakasama habang siya ay nabubuhay at ito ay ikaw dahil ito na rin ang mensahe ng lola mo na idinaan sa iyong panaginip.


Kaya ngayon, habang ikaw ay wala pang asawa, dapat laging nasa tabi mo ang iyong mama at kapag nag-asawa ka, dapat ay kasama mo pa rin siya.


Ang iyo ring panaginip ay nagbabalita na hindi na mag-asawa ang mama mo sa pangalawang pagkakataon, kaya marapat lang na hindi kayo magkahiwalay. Gayundin, ang iyong panaginip ay nagbabalita na ang papa mo ay malabong bumalik sa inyo ng mama mo.


Ang tanong, paano kung ayaw ng iyong mapangasawa na kasama mo ang iyong ina? Ang sagot ay sinabi na rin ng panaginip mo at ‘yun ay hindi puwede kaya maghihiwalay kayo ng iyong asawa na tatangging makasama ang mama mo.


Maganda man o hindi ang maging dating sa iyo ng kahulugan ng panaginip, hindi na rin ito magbabago dahil ito ang interpretasyon ng panaginip mo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 2, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Joanna na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Namimitas ako ng mga bunga ng mangga, tapos ‘yung mangga ay nasa harapan ng bahay namin. Pero bakit kaya ganu’n ang panaginip ko, wala namang mga bunga ang mangga namin gayung hindi na panahon ng mangga? Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Joanna


Sa iyo, Joanna,


Oo, iha, ang mga prutas ay pana-panahon, as in, may panahon ang pamumunga kaya hindi araw-araw ay may mga bunga ito. Ganundin ang pamimitas ng mga suwerte sa buhay, hindi laging may mga suwerteng dumarating, kaya kapag may magagandang oportunidad sa buhay ng tao, dapat ay “pitasin” niya ito at huwag palampasin.


Ang panaginip mo ay nagsasabing dumating na ang takdang panahon na ang maraming suwerte ay lalagay sa iyong harapan, kaya pitasin mo kung ano ang maganda sa paningin mo.


Huwag kang mag-alala kung higit sa isa o marami ang mga oportunidad na aangkinin mo. Ang totoo nga, mabuti sa tao na mas maraming oportunidad ang kanyang mapili.


Aangkinin mo pa lang naman, aariin at mamahalin. Ibig sabihin, puwede namang hindi mo pa galawin dahil ang mahalaga ay alam mo na ang oportunidad na ito ay puwedeng-puwede sa ibang panahon at kapag kailangan ay gagamitin mo na.


Kaya ang panaginip mo ay nagsasabing ipakikilala o ihaharap sa iyo ang mga pagkatao na puwede mong mapakinabangan para sa katuparan ng iyong pangarap.


Ang mga pagkakataong makikita mo ay iyong tandaan at huwag mong kalilimutan dahil ang mga ito ang magbibigay sa iyo ng tagumpay.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page