top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 15, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Helen na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Nakapulot ako ng maraming pera sa kalsada. Naglalakad ako papunta sa palengke para bumili ng bigas at ulam nang biglang may nakita akong P100. Tapos, habang naglalakad ako, may napupulot ulit akong P100 hanggang sa umabot sa P800 ang nakuha ko. Umuwi ako at hindi na bumili ng bigas at ulam. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Helen


Sa iyo, Helen,

Nagpapayo ang mga panaginip at ang payo ng panaginip ay tapat at totoo. Hindi tulad ng ibang payo na hindi tapat dahil may ibang nakatagong dahilan at ang ibang payo ay hindi naman totoo kung saan madalas ay pagkunsinti lang sa pinapayuhan.

Sabi ng iyong panaginip, huwag kang susuko sa pagtahak mo sa landas ng buhay kung saan nasa sa dulo ang katuparan ng iyong mga pangarap. Gayundin, pinanghihinaan ka ng loob dahil ayon sa iyo, wala kang pera o mahirap ka lang kaya wala kang pag-asa na matupad ang mga pangarap mo sa buhay.

Ipinapayo rin ng iyong panaginip na ipagpatuloy mo ang pagsisikap mo dahil hindi ka pababayaan ng langit at tatanggap ka ng mga biyaya. Gayundin, gaganda ang buhay mo habang tinatahak mo ang landas ng iyong pangarap.

Ayon sa iyong panaginip, malaki ang tsansa na dahil sa pagganda ang buhay mo, makalilimutan mo ang tunay mong pangarap at hindi ito dapat mangyari sa iyo dahil ang katuparan ng pangarap mo ay nasa dulo at wala sa unahan o kalagitnaan.

Kaya kung hihinto ka dahil sa pagganda ng buhay, maaaring hindi mo paniwalaan na ikaw ay mapabibilang pa rin sa mga taong bigo sa kanilang mga pangarap.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 14, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Tere ng Teresa Santos na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Ayaw akong papasukin sa palengke. Sabi ng bantay, bawal mamili dahil sarado ‘yung palengke, pero nakita ko na bukas dahil may mga namimili. Ano ang ibig sabihin nitong panaginip ko, may kaugnayan ba ito sa COVID-19?


Naghihintay,

Tere


Sa iyo, Tere,


Totoong marami ang mapa-praning kapag nagtagal pa ang lockdown dahil hindi kayang sustentuhan ng gobyerno ang pagkain ng lahat ng tao. Kahit ang tao ay may pagkain, ang buhay ay nakakapraning din dahil ang tao ay hindi lang sa tinapay nabubuhay kundi sa iba pang mga bagay.


Tulad ng dapat ay nagbabago ang kanyang kapaligiran dahil kapag ang kanyang paligid ay hindi nagbabago, mapapaisip siya kung siya ay nakakulong at ang pagkakakulong ay talagang nakakapraning.


Kapag ang tao ay puro de-lata ang kinakain, maaaring magkasakit sa balat at ang sakit na ito ay nakakapraning din. Kasama sa relief goods ang mga noodles, pero nakalimutan yata ng mga namamahala rito na hindi ipinapayo na kumain ng noodles ang mga tao, lalo na kung halos araw-araw itong kakainin.


May kaibigan akong abogado at nakita ko sa FB niya na dapat daw ay samahan ng seeds o buto ng mga gulay o halaman ang mga ipinamimigay na relief goods nang sa gayun ay may gulay na maitanim at makain ang tao. Tulad ng masarap at masustansiya na petchay kung saan sa loob ng 14 days ay may aanihin na at puwede pang maibenta sa mga kapitbahay. Ang iba pang mga tanim na gulay ay maaari namang mapakinabangan sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.


Ang iyong panaginip ay bagama’t, may senaryo nang bawal mamalengke dahil sa COVID-19 ay nagsasabing kung binabalak mong mag-asawa o magpakasal ngayong taon, sabi ng iyong panaginip ay hindi ito matutuloy, as in, hindi ngayon ang best time for marriage para sa iyo.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 13, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Ailene na ipinadala sa Facebook Messenger

Dear Professor,


Napanaginipan ko na lumubog sa baha ang bahay namin. Umapaw ‘yung ilog, tapos mabilis ang pangyayari. Lubog agad ang bahay namin, pero nakapunta kami sa bubong, tapos may helicopter na kumuha sa amin.


Pabalik-balik ‘yung mga helicopter sa paglilipat ng aming mga kapitbahay. Sa evacuation center, maganda naman ang trato sa mga tulad naming biktima ng baha. Maraming pagkain at kahit ano’ng oras ay puwedeng kumain dahil palaging may lutong kanin at ulam.


Ano ang kahulugan ng panaginip ko? Matutulad ba kami sa Marikina tulad noong bagyong Ondoy? Sana ay masagot n’yo. Maraming salamat!


Naghihintay,

Ailene


Sa iyo, Ailene,


Dito sa atin sa ‘Pinas, kung ating babalikan ay tila sunud-sunod ang mga negatibong kaganapan. Sa pagpasok ng Bagong Taon, sa pagputok na Taal Volcano ay nagkagulo na ang maraming tao.


Hindi pa natatapos ang paghihirap sa pagsabog ng bulkan, COVID-19 pandemic naman ang ating kinatakutan.


Nang alisin ang lockdown dahil humina na ang COVID-19, sunud-sunod ang mapaminsalang bagyo.


Sa ganitong katotohanan, ang maraming Pinoy ay hindi maiiwasang maging negatibo at mag-isip ng kung anu-ano pang mga puwedeng mangyari na nasa klase ng delubyo.


Kaya, iha, bilang pagtatapat sa iyo, sa ngayon ay hindi ka nag-iisa dahil ang iba ay nananaginip din ng baha at iba pang sakuna.


Lakasan mo ang loob mo, bagama’t marami ang mga nangyayaring hindi maganda, makikita rin na ang mamamayan ay walang sawang nagtutulungan.


Ito mismo ang mensahe ng iyong panaginip. Muli, lakasan mo ang iyong loob dahil sa gilid ng makakapal at maiitim na ulap, may kumikislap na mga liwanag.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page