top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 18 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Norie na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Pumunta ako sa bahay ng kapitbahay namin, tapos kinagat ako ng aso nila. Nilagyan namin ng bawang ‘yung kagat kaya hindi na sumakit. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Norie

Sa iyo, Norie,


Kapag hindi kilala ng aso ang isang tao, maaari siyang makagat dahil ang aso ay bantay ng bahay, kaya ang mga estranghero o dadayo na hindi naman niya nakikita sa bahay ng amo ay hindi niya basta-basta papapasukin.


Kaya sa iyong panaginip, ang sinasabi mong kapitbahay ay hindi mo tunay na kapitbahay dahil hindi ka kilala ng aso. Minsan, ang mga aso ng kapitbahay ay likas na mabagsik at kapag mabagsik, hindi basta-basta nakakapsok ang kahit na sino.


Pero sa iyong panaginip, pumunta ka na parang wala ka namang ipinag-aalala kung sila man ay may aso dahil kilala ka nito. Kaya muli, ang bahay na pinuntahan mo ay hindi mo kapitbahay.


Sino nga ba ang pinuntahan mo sa iyong panaginip?


Walang iba kundi ang crush mo at sa bahay niya, ikaw ay kinagat ng aso nila. Ang crush ng tao ay malapit hanggang sa sobrang malapit sa puso natin, at kapitbahay naman ay ang bahay na malapit sa atin, kaya ang crush at kapitbahay sa panaginip ay halos iisa lang.


Ang aso naman sa panaginip ay malamang na magulang na nagbabantay sa kanilang anak kung saan ang numero-unong binabantayan ang love life ng anak.


Kaya, kung sakaling may crush ka ngayon, huwag mong ipahalata sa ibang tao, maliban lang sa crush mo mismo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 17 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Tess na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Bago pa dumating 'yung mga bagyo, napanaginipan kong may bagyo na darating nang sunud-sunod. Akala ko, pangkaraniwang panaginip lang ito at hindi ko agad na-realize na mangyayari sa bansa natin ang sinasabi ng panaginp ko.


Sa isang panaginip ko, ganito ang nangyari. Naglalaba kami sa batis, tapos tumaas ang tubig at umuwi na kami. Akala ko, ang ibig sabihin nu'n ay alisin o linisin ko ang sarili ko kung saan ang aking mga kahinaan at kapintansan ay ibasura ko na.


Tapos, pag-uwi namin, kasama ko sa paglalaba ‘yung kapatid ko, kumain kami pero walang kuryente, kaya mainit sa kariderya at sabi ng may-ari, may bagong bagyo, tapos lumakas ang hangin at nasira 'yung transformer ng poste sa kanto.


Bago natapos 'yung panaginip ko, alam ko na may iba pang bagyo na nasa panaginip ko. Kaya pagkagising ko, sabi ko sa sarili ko na kailangang magkaroon ako ng personality changes para hindi ako dumating sa buhay na maraming bagyo.


Ano ang masaabi n'yo sa panaginip kong ito?


Naghihintay,

Tess

Sa iyo, Tess,


Tama ang akala mo na kailangan mo ng pagbabago sa iyong personalidad, at tama rin ang pananaw mo na kapag hindi inalis ng tao ang kanyang mga kahinaan at kapintasan, daranas siya ng hindi magagandang pangyayari sa buhay.


Ito ay dahil ang pagkakamali ay magbubunga ng isa pang mali, ganu'n nang ganu'n hanggang ang mali ay maitama na.


Pero tama rin na tumugma sa mga kaganapan sa ating bansa ang sunud-sunod na bagyo na nasa iyong panaginip. Ito ay nagsasabing sa laki ng problema mo o dahil sobrang masalimuot ang buhay mo ngayon, kusang lumabas –by means of dreaming– ang magaganap pa lang.


Hindi lang naman ikaw ang nakararanas nito, dahil lalo na ngayon na ang mga tao ay sobrang problemado, marami ang mananaginip tulad mo kung saan ang magaganap pa lang ay kanilang makikita sa mga panaginip.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 16 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Kim Sirvey na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nanaginip ako last last week na may lalaking nag-propose o nag-surprise sa akin, tapos tanggap ako ng pamilya niya, pero hindi pamilyar ‘yung mukha niya.


Kamakailan, nagpabinyag ‘yung kaibigan ko, tapos nakita ko ‘yung lalaki sa panaginip ko dahil ninong din siya nu’ng bata. Ano ang ibig sabihin nito?

Naghihintay,

Kim


Sa iyo Kim,


Ang napanaginipan mo ang lalaki na kalaunan ay nakita mo nang personal ay panaginip na nagbabalita ng magaganap pa lang. Ibig sabihin, may kakayahan ka sa pamamagitan ng mga panaginip kung saan maaga mong malalaman ang mangyayari. Gayundin, hindi lang ang iyong love life ang mapapanaginipan mo kundi ang iba pang mga bagay na muli ay magaganap pa lang.


Pero ang tanong, bakit naman tungkol sa love life ang napanaginipan mo? Ang sagot ay nagsasabing kaya ganu’n ang iyong panaginip ay dahil malungkot ang love life mo sa kasalukuyan, kumbaga, naghahanap ka ng ligaya dahil aminin mo man o hindi, hindi naman totoong masaya ang love life mo.


Sinasabi ng panaginip mo na ang lalaking napanaginipan mo ang magiging karelasyon mo at siya na rin ang makatutuluyan mo at ito ay “as of now”, ibig sabihin, puwede pa ring magbago ang takbo ng mga pangyayari, pero ang nakatutuwa ay bago maiba ang magaganap, mapapanaginipan mo rin ang magiging pagbabago.


Ito ay sa dahilang muli, may kakayahan kang mapanaginipan ang mangyayari pa lamang.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page