top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 7, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lannie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nanaginip ako na may nagyaya sa akin na lalaking hindi ko kilala. Binigyan niya ako ng P500, tapos bibili ako ng damit para may masuot akong pang-alis, tapos ibinili niya ako ng tatlong blouse at pinasakay sa kabaong. Sabi ko, “Bakit kabaong? Ayaw ko rito.”


Ano ang kahulugan ng panaginip kong ito? Natatakot ako sa kabaong.


Naghihintay,

Lannie


Sa iyo, Lannie,


Nakakatakot talaga ang kabaong. Ang totoo nga, sa panaginip, hindi gaanong nakakatakot mapanaginipan ang patay o kaluluwa, pero kapag kabaong na ang napanaginipan, agad kang makadarama ng takot.


Hindi ba, sa kabaong nakalagay ang patay na ililibing? Kaya ang kabaong ay nagpapahiwatig ng kamatayan, pero sa panaginip, ang kamatayan ay hindi aktuwal na pagkawala ng buhay o talagang patay o namatay na.


Dahil ang kabaong sa panaginip ay nagsasabing ang mga dapat patayin ay ang mga ugali mong pangit o ang mga ito ay kailangan mo nang ilibing sa limot. Ang “limot” ay hindi simpleng paglimot kundi ililibing nang tuluyan o buburahin mo na sa iyong alaala at pagkatapos ay mabubuhay ka nang payapa, tahimik at may panatag at matiwasay na kalooban.


Minsan, iha, bilang pagtatapat sa iyo, sa panaginip, ang kabaong ay nagsasabi rin na ang ililibing o ibabaon sa limot ay ang mga karanasan mo na pagkapangit-pangit, masasaklap at mga pahirap sa kalooban. Gayundin, kabilang sa mga ito ang kabiguan.


Hindi kasi puwedeng magpatuloy ang tao na nasa kanya ang masasaklap na alaala ng lumipas at ang masasakit na kabiguan sa nakaraan dahil kapag dala-dala ang mga ito, hindi siya liligaya at magkakaroon ng kaganapan o ‘yung sinasabi ng marami na “move on!”


Dahil paano ka nga ba makaka-move-on kung patuloy mong niyayakap ang lungkot? Tunay ngang malabong maka-abante sa buhay ang taong pasan-pasan pa rin ang kanyang kabiguan sa nakaraan, kumbaga, ang pagsulong ay makakamit lamang kung ang tao ay malaya at maginhawang lalakad sa bagong landas ng buhay na kanyang tatahakin.


Napansin mo ba ang sinabi ko na “bago” sa bagong landas ng buhay? Ito mismo ang postibong kahulugan ng kabaong kung saan para mas malinaw, ito ay nagsasabing ang kabaong ay nagbabalita ng darating na bagong buhay. Ito ay makakamit lamang kapag ganap mong nalimot ang mga pangit na karanasan, ganundin sa sandaling naibaon mo na sa limot at tuluyang binura ang mga pangit mong katangian, kahinaan at bulok na nakaugalian.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 06 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Adelfa na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,

Nanaginip ako tungkol sa ex ko na nagkikita at nag-uusap kami, tapos naglalambing pa ako sa kanya habang sumasakay ng sasakyan. Magkatabi kami at nag-uusap na ipagpatuloy namin ang aming relasyon.

Pero ang sabi ko sa kanya, paano na lang ang bago niyang girlfriend, “Hihiwalayan mo na ba?” Pero ‘di siya nagsasalita, tinitigan niya lang ako hanggang bumaba na kami at naglakad sa bago kong pinasukan na paaralan at nakita ko ang mga kaibigan, schoolmate at kaklase ko na nag-uusap, habang dumaan kami at nakakapit pa rin ako sa braso niya.

Nang dumaan kami, narinig ko ang mga sinasabi ng schoolmate ko na boyfriend ko raw ba siya, pero hindi ako nagsasalita dahil naghihintay ako na magsalita siya. Habang patuloy pa rin kami sa paglalakad, hindi namin namalayan na sobra na ang kapit ko sa kanya, tinatanong ko pa rin siya kung hihiwalayan na niya ang girlfriend niya at ipagpatuloy nalang namin ang aming relasyon.

Tsaka hindi naman kami naghihiwalay, pero tiningnan niya lang ako, tapos naglalakad na kami at nang dumating kami sa aming paroroonan, bigla akong bumitaw at nagsalita siya na maghintay lang ako dahil may kakausapin siyang kaibigan, pero pagkatalikod niya ay bigla na lang tumulo ang luha ko.

Kapag tumitingin siya sa akin, pinipigilan ko ang pagtulo ng luha ko hanggang tumalikod na ako at umupo sa bench, kapag titingnan ko siya, nakita ko siyang nakikipaglaro sa mga kaibigan niya na masaya habang ako naman ay umiiyak sa bench.

Gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng aking panaginip dahil alam ko naman na may sarili na kaming karelasyon.


Naghihintay,

Adelfa


Sa iyo, Adelfa,

Madalas ikatwiran, lalo ng mga babae na kapag may karelasyon silang bago, wala nang pag-asa na magkabalikan pa sila ng ex nila. Pero ang katwirang nasabi ay alam din naman nilang mababaw na dahilan at ang isa pang alam nila ay puwede pa ring magkabalikan ang dalawang dating nagmahalan.


Kaya masasabing ang mga babae ay mahirap maunawaan, pero kahit naman sarili nila, alam din naman nilang nahihirapan silang maunawaan ang sarili o buhay nila. Mahirap din kasing tanggapin ang katotohanan na “The heart has its own reason, and that reason cannot be understand.”


Ang totoo nga, pero mahirap ding maunawaan ang mga babae na nagsabing may karelasyon na sila, kaya hindi na sila makikipagbalikan ay sila pa ang nakakaranas ng pagkakabalikan sa kanilang mga ex.


Pero bakit kaya ganu’n? Dahil hindi naman nagbibigay ng garantiya na maligaya ang magkarelasyon. Hindi rin ibig sabihing hindi na nagkakahiwalay ang magkarelasyon. Ang mag-asawa nga naghihiwalay, ang magkakarelasyon pa kaya?


Ang panaginip mo ay isang babala na ang pakikipagbalikan sa ex mo ay nalalapit na, pero ito ay babala lang naman na sa biglang tingin dahil ang totoo, ito ay balita, kumbaga, nagbabalita ang iyong panaginip na kayo ng ex mo ay muling magmamahalan at magsasalo sa mas matamis na relasyon at ang mga pagkakamali sa nakaraan ay sisikapin ninyong hindi na muling maulit pa.


Kaya masasabing ang muling pakikipagbalikan sa ex mo ay hindi simpleng balita at ito ay isang pagkasaya-sayang balita para sa inyong dalawa.


Good luck!


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 5 , 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Trixy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan kong may lumapit sa akin na matandang lalaki, mahaba ang balbas niya at nakasuot siya ng mahabang damit na abot na sa lupa. Sabi niya habang naglalakad ako, “Ito ng susi ng pinto, tanggapin mo, iha,” pero wala namang pinto akong bubuksan saka sa mall ako papunta dahil bibili ako ng bagong rubber shoes na gagamitin ko sa outing naming magkakaibigan. Tapos maya-maya, nawala ang matanda habang iniisip ko kung nasaan ‘yung pinto na sinasabi niya? Ang natandaan ko lang ay sinabi niya at isa pang hawak niya na maliit na telang puti at tanda ko rin na inaabot niya sa akin ‘yun. Nagising na ako at ngayon, ilang araw na ang nakalipas, naisiip ko pa rin ang panaginip kong ito. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Trixy


Sa iyo, Trixy,


Sa panaginip, kadalasan, ang matandang lalaki ay sinisimbolo ni Father God. Siya ang Ama na binabanggit sa panalaging itinuro sa atin ni Jesus na “Ama Namin.”


Ganito ang sabi, “Walang nakakita sa Ama kahit na sinong tao,” at dahil walang nakakita kay God, naging magulo ang mga relihiyon at maging ang paniniwala ng mga tao, gayundin, marami ang nag-aalinlangan kung may Diyos nga ba o wala.


Ang sabi ng iba, bawal makita si God dahil Siya ay sobrang maliwanag kung saan mabubulag ang tao kapag nakita Siya. Gayundin, Siya ay espiritu or Banal na Espiritu.


Saka si God daw ay nasa langit at tayo ay nasa lupa at hindi naman puwedeng pumunta sa langit kaya kahit kailan, hindi natin makikita si God. Siguro, kung patay na tayo, as in kaluluwa na tayo, makikita na natin si God, kaya ngayon, tinatanong pa rin natin kung may Diyos ba o wala.


Dahil si God ay hindi puwedeng aktuwal na makita ng tao, sa iba’t ibang paraan lang Siya nagpapakita at ang isa sa mga paraan na napipili ni God ay sa pamamagitan ng panaginip kung saan Siya ay nag-anyong matanda para masabi Niya ang Kanyang mensahe.


At ang sabi sa iyong panaginip ay ganito, dalisay at wagas na layunin ang susi ng kaligayahan. Binibigyang-diin ng puti na maliit na tela na ang pagiging dalisay at wagas ay inirerepresenta ng kulay puti.


Napapanaginipan ang ganitong senaryo kapag ang tao ay nahaharap sa mga hamon ng kanyang kapalaran, lalo na kapag nasa harapan niya ang sitwasyon kung saan siya ay puwedeng makagawa ng mali o kasalanan.


Kaya ang banta ng kasinungalingan o pagsisinungaling para lang makuha ang kanyang gusto ay ay maaaring sa iyo. Puwede rin ang pagkakataong mapasaiyo ang mga pangarap mo, pero sa lisya, mali o immoral na paraan ay nasa iyo ring harapan.


Pag-aralan mo ngayon ang buhay mo, lalo na ang mga huling kaganapan. Ikaw ba ay puwedeng magkasala dahil may gusto kang mapasaiyo? Kaya bago mo gawin, aalahanin mo na ang tunay na susi ng kaligayahan ay nasa dalisay at wagas na layunin.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page