top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 11, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Edwina na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip sa ex ko? Ex ko siya noong dalaga pa ako, pero ngayon, pareho na kaming married at almost 20 times ko na siyang napanaginipan sa kasalukuyan. Hindi ko naman siya iniisip. Bakit kaya ganu’n?


Naghihintay,

Edwina

Sa iyo, Edwina,


Ang mga panaginip ay nanggagaling sa ating malalim na kamalayan na tinatawag na “unconscious mind.” Samantala, ang ibig sabihin ng “hindi ko naman siya iniisip” ay tumutukoy sa ating “conscious mind.”


Sa ating pagtulog, ang totoong nakakatulog o nawawalan ng malay ay ang ating conscious mind. Siya ang mahimbing na pagtulog dahil sa himbing ng kanyang pagkakahimlay, ang ating unconscious mind ay gagana kung saan siya mismo ang nagpapatakbo ng ating mga panaginip. Kumbaga, siya ay gising na gising habang mahimbing na natutulog ang isa pa.


Napansin mo ba, Edwina, silang dalawa ay “mind”, kaya ang salitang “hindi iniisip” ay parang wala sa lugar dahil sa isipan din nagmumula ang akala ay hindi laman ng isip.


Pero sa totoo lang, hindi naman gaanong importante para sa iyo kung saan galing ang iyong mga panaginip tungkol sa iyong ex noong single ka pa dahil ang talagang gusto mong malaman ay bakit almost 20 times mo na siyang nakikita sa iyong mga panaginip?


Ang sagot ay nagsasabing hindi ka masaya sa love life mo. Maaaring hindi mo aminin at baka sabihin mo na okey naman ang marriage life mo, pero ang isang tiyak lang naman sa masaya ang marriage life mo ay ang wala namang problema sa buhay n’yo.


Oo, sa buhay n’yo pero hindi sa buhay mo dahil ang iyo ring panaginip ay nagsasabing may hinahanap-hanap ka sa asawa mo na nasa ex mo. Ito ang totoo dahil ito na mismo ang kahulugan ng mga panaginip tungkol sa ex-lovers ng mga may asawa na o karelasyon.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 9, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Aira na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Gusto kong malaman ang kahulugan ng mga sumusunod na panaginip ko:

Una, ice cream, pangalawa, palay, pangatlo, nagbibilang ako ng maraming-maraming pera at panghuli, limang beses ko nang napapanagiunipan ‘yung dumi ng baby.


Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito? Salamat!


Naghihintay,

Aira


Sa iyo, Aira,


Marami ang nag-aakalang walang kabuluhan ang mga panaginip kung saan akala nila, wala namang kahulugan ng mga ito. Pero sa iyo, ngayon ay mapatutunayan mo na ang mga panaginip ay may malaking epekto sa buhay mo.


Una, ang nanaginip ng ice cream, pagkagising niya, tiyak na masaya siya at ang kanyang mga ngiti ay kasing tamis o kasing sarap ng ice cream, kaya sa buong maghapon at minsan ay abot ng ilang araw, makikitang siya ay pinaghaharian ng positibong pananaw.


Alam mo, iha, may isang sikat quote na noon pa at hanggang ngayon ay napakaraming naniniwala at isinasabuhay ito. Ang totoo nga, ito ang naitala na numero-unong gustung-gusto sa buong mundo sa ngayon.


“Think positive” ang pinakasikat sa lahat at pinakamaraming nagse-share sa mga social media at ito rin ang gustung-gusto ng lahat kaya kanilang isinasabuhay. Dahil lahat naman ay nakakaalam na kapag positibo ka, positibo rin ang iyong magiging kapalaran dahil ang ubas ay ubas din ang bunga at ang mansanas ay tiyak na magiging mansanas din ang bunga.


Ito rin ay nagsasabing huwag kang negatibo dahil kapag ganito ka, negatibo rin ang magiging buhay mo. Totoo kaya ito? Ikaw na ang sumagot.


Samantala, ang palay sa panaginip mo, positibo rin kaya ang kahulugan? Oo ang sagot dahil ito ay nagpapahayag na ang kasaganaan ng buhay ay paparating na sa iyo ngayong nalalapit ang Kapaskuhan.


Ang dumi naman ng baby ay maganda rin ang kahulugan, na ang ibig sabihin ay mga bagong oportunidad ang magdaratingan sa iyong buhay sa pagpasok ng 2021.


At ang nagbibilang ka ng maraming pera, ano naman kaya ang kahulugan? Palagay ko, alam mo na kung positibo o hindi ang ganitong panaginip. Oo rin ang sagot dahil ang pera ay kumakatawan at nagsasabi rin ng paparating na kasaganaan, lalo na sa aspetong materyal na bagay.


Kaya mapalad ka, Aira, dahil ang mga panaginip mo ay nagsasaad at naghahayag ng mga positibong kahulugan na isa-isa mo nang aanihin at mararamdaman mula sa buwang ito ng Disyembre hanggang sa pagpasok 2021.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 8, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Vangie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Gusto kong malaman ang ibig sabihin ng mga panaginip ko.


  1. Napanaginipan ko nang dalawang beses na nanlaban ako dahil pinagtangkaan akong pagsamantalahan, pero parehong hindi natuloy. Sa isang panaginip ko, umabot sa punto na naghahanap ako ng tulong para kasuhan ‘yung taong gumawa nu’n. Hindi ko matandaan kung sino at ano’ng itsura nu’ng nagtangka sa akin, pero sa panaginip ko ay parang kilala ko siya.

  2. Napanaginipan ko rin ‘yung bunso kong kapatid na babae na lumangoy sa malaking aquarium na may kasamang octopus. Pero nang inaalala ko ‘yung panaginip ko, hindi naman mukhang octopus ang nakita ko. Mukha lang maraming retaso ng tela na kulay gray.

  3. Napanaginipan ko ‘yung ex-boyfriend ko na biglang dumating. Napaka-sweet niya sa akin, tapos mahahaba ang kuko niya at puti na ang buhok. Bigla niyang tinanggal ang wig niya para ipakitang napapanot na siya. Mukha siyang nagpabaya sa sarili at sinabi niya na ‘yung mga minahal niya, eh, hindi siya mapagupitan ng kuko. Nangutang siya sa akin ng P5,000 at pinautang ko naman. Nakapagtataka lang dahil napakakuripot ko, pero sa panaginip ko, hindi ako nag-alinlangan na ibigay ‘yung inuutang na.


Sana ay matulungan n’yo akong maintindihan ang mga panaginip kong ito. Maraming salamat!


Naghihintay,

Vangie


Sa iyo, Vangie,


Ang una mong panaginip ay nagsasabing mag-ingat ka dahil puwedeng ikaw ay pagtangkaang pagsamantalahan. Huwag mong kakalimutan na mas mabuti ang mag-ingat kaysa kampante at may tiwala sa sarili dahil sa pag-iingat ay nakakaiwas. Tandaan mo rin na ang hindi nag-iingat, ang sarili mismo ang sinisisi.


Sa pangalawa mong panaginip ay nagsasabing ngayon ay lumalakas ang kutob mo at ang iyong tinatawag na “third eye” ay mas madalas na nakabukas.


Sa pangatlong panaginip naman, ang payo ay buksan mo ang puso mo sa posibilidad na ikaw ay lumigaya sa pag-ibig, ibig sabihin, makipagsapalaran ka.


Alam mo, iha, hindi lang sa sugal nakikipagsapalaran ang tao at hindi lang sa pagnenegosyo nakikipagsapalaran at hindi lang sa pag-a-abroad dahil sa bawat larangan na gustong lumigaya ng tao, siya ay dapat makipagsapalaran.


Dahil ang hindi nakikipagsapalaran ay tanggap na siya ay bigo, talunan at wala nang magagawa para matupad ang kanyang mga kagustuhan. Hindi maganda para sa iyo ang ganu’ng pananaw na para bang huminto ka nang mabuhay pa.


Dahil din dito, pakinggan mo ang payo ng iyong ikatlong panaginip na muli, ito ay nagsasabing makipagsapalaran ka sa langaran ng pag-ibig. Sa ganyang paraan, ikaw magtatagumpay at habambuhay na magiging maligaya.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page