top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 14, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lyn na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


May nagbigay sa akin ng halaman na puro green ang dahon at may bunga na isang malaking green bell pepper, tapos marami at kakaiba ang dahon dahil nakasabit ang paso at nakalaylay ang mga dahon. Tapos may nag-abot sa akin ng bunga ng sili na pula na tatlong piraso at bawat isa ay may tapyas.


Nakapanaginip din ako ng nasa isang lugar ako na maraming matataas na puno at puro green din ang dahon, tapos ang dami ng puno ng buko na sobrang taas at kakaiba rin ang mga dahon dahil kahit umulan, hindi ako nababasa dahil parang bubong ang mga dahon ng puno.


Nagawi ako sa isang lugar na may kakaiba ring puno na mataba at nakaukit na mukha ng bear. Sobrang laki ng puno na ‘yun at putol na dahil ginawang mukha ng bear. Sana ay masagot n’yo ang mga katanungan ko. Maraming salamat!


Naghihintay,

Lyn


Sa iyo, Lyn,


Pagmasdan mo, kapag tag-ulan, green na green ang mga halaman at ang gagandang tingnan. Ang totoo nga, kapag palaging tinitingnan ang mga green na halaman ay gumaganda rin ang pakiramdam at kapag maganda ang pakiramdam, maganda rin ang kapalaran.


Ang kulay pula naman, ‘di ba, nakapagbibigay ng sigla at tapang?


Akala ng iba, ang mga kulay ay walang kabuluhan at may mga nagsasabi na ang mga kulay ay pandekorasyon lang, pero siyempre, hindi naman ‘yan totoo dahil kahit ang mga dalubhasa sa sikolohiya at doktor sa medisina ang nagsasabing malaki ang epekto ng mga kulay sa tao.


Pero bakit nga ba napapanaginipan ang mga kulay, lalo na ang green at red?


Ayon sa iyong panaginip, aminin mo man o hindi, ang buhay mo ngayon ay tulad ng isang halaman na nananamlay. Kaya masasalamin na ikaw ay pinapayuhan ng iyong panaginip na pagmasdan ang mga berdeng halaman nang gumanda ang iyong pakiramdam.


Gayundin, pagmasdan at titigan mo ang mga bagay na kulay pula nang manumbalik ang iyong sigla. Lalong maganda kung magsusuot ka ng green at red dahil ito rin ay mahigpit na inirerekomenda ng iyong panaginip.


Subukan mo, iha, as in, sundin mo ang sinasabi ng panaginip mo. Wala namang mawawala sa iyo kung gagawin mo ito dahil talaga namang nagsusuot ka ng damit, kumbaga, kahit hindi ka gaanong naniniwala sa mga sinasabi ko, muli, subukan mo ang kulay na green at red at makikita mo na magkakaroon ng malaking suwerte at pagbabago sa iyong buhay.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 13, 2020





Salaminin natin ang panaginip ni Minerva na ipinadala sa Facebook Messenger.



Dear Professor,

Gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito:

  • May malaking party sa kapitbahay namin, maraming tao at naroon din ang isa sa mga bestfriend ko, tapos naroon ang tatay ko at nagmamasid at nakangiti, pero sa totoong buhay, matagal nang patay ang tatay ko.

  • May ibinigay na regalo sa akin ang mga dati kong alaga, pero sa totoong buhay, mga dalaga na sila ngayon.

  • Ano ang ibig sabihin ng mga numbers na 849 at 7044 sa panaginip ko?

  • Ililibing na ang tatay ko at lahat ng mga relatives namin ay naroon lahat, tapos nakasuot kami ng puting damit at mayroon din itong mga palamuti na kulay dilaw.


Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito?


Naghihintay,

Minerva

Sa iyo, Minerva,

Ganito ang kahulugan ng iyong mga panaginip:

  • Ang “party” sa panaginip mo ay tulad din sa tunay na buhay na nagsasabing “There is reason to celebrate something!” Ibig sabihin, sa ngayon ay maganda ang takbo ng mga araw kaya dapat ay salubungin din ito nang may magandang pananaw.


Dahil kapag may celebration at um-attend ang isang tao sa party nang dala-dala ang lungkot niya, balewala ang anumang saya sa mga pagdiriwang. Pero kapag um-attend sa party at iniwan sa bahay nila ang kanyang lungkot, makababahagi siya sa bawat sayang dulot ng pagdiriwang. Dahil dito, iwan mo na sa limot ang iyong lungkot nang makabahagi ka sa magagandang araw na darating, ito ang payo ng una mong panaginip.


  • Ang may ibinigay na gift sa iyo ang dati mong alaga ay nagsasabing, marami kang natutunang magagandang ginintuang aral sa buhay. Kaya ang sabi ng iyong panaginip, gamitin mo na ngayon ang mga aral sa buhay na iyong natutunan. Ngayon at higit kailanman, ang mga ito ay iyong pakikinabangan.

  • Ang mga numerong 849, kapag napanaginipan ay nagbabalita ng sobrang malaking suwerte na para na ring naka-jackpot sa lotto kapag hindi inatrasan ang mga hamon ng kapalaran. Ang 7044 ay nagbabalita na puwede kang mag-abroad na bagama’t sa una ay magkakaproblema ka, sa huli ay makakaalis ka at gaganda ang iyong buhay.

  • Ang inilibing ang tatay mo, nandu’n ang lahat ng inyong relatives, nakasuot kayong lahat ng puti na may palamuting yellow ay nagsasabing ang tatay mo ay masaya ngayon, saanman siya naroon. Kaya dapat masaya ka rin dahil kapag hindi ka masaya, siya ay hindi rin magiging masaya.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 12, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Honey na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Noong nakaraan, nanaginip ako na marunong ako sa mga Latin at may San Benito akong suot, pero hindi ko alam kung saan galing. Tapos kagabi, nanaginip na naman akong may suot akong San Benito na medallion, may dasal na, pero dinadasalan ko ang sator at mahaba ‘yun. Tapos, pumunta kami ng kapatid ko sa sementeryo, nakita ko ang kapatid kong nagulat at may humahabol sa kanyang kabaong.


Sabi, “Ayan na, hinahabol siya!” Tapos, karipas siya ng takbo sa akin habang papalapit ‘yung kabaong. May dinadasal ako sa medallion at biglang nagliwanag ang San Benito ko at sabi ko, “Hindi ‘yan maaano!”


Pero nakita ko ‘yung babae na parang poon, nakapikit at maputi. Maganda siya sa loob ng kabaong at puti ang kulay ng kabaong niya. Tapos, huminto siya sa pagdarasal ko ng Latin sa medallion habang hawak ko ito.


Lagi akong nananaginip na mayroon akong medallion at magaling ako sa orasyon, pero sa tunay na buhay, wala naman akong medallion. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Honey


Sa iyo, Honey,


Ang panaginip mo ay nagsasabing sa totoo lang, ikaw ay may kapangyarihang taglay at ito ay banal na kapangyarihang bigay sa iyo ng Makapangyarihan sa lahat. Sa ngayon, hindi mo pa alam kung ito nga ay totoo, pero darating ang pagkakataon na kusa mong gagamitin ang kapangyarihang ito para sa mga tao.


Ipagpatuloy mo ang pagmamahal mo sa nasa itaas. Gayundin, ipagpatuloy mo ang pagmamahal at pagtulong sa mga tao. Ang dalawang pagmamahal na ito ang tunay na pinanggagalingan ng lahat ng kapangyarihan na puwedeng mahawakan ng isang tao.


Oo, iha, ikaw ay may taglay na banal na kapangyarihan at muli, gamitin mo ito upang makatulong sa iyong kapwa at ganap na mapanuto ang buhay mo at ang buhay ng iyong pamilya.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page