top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 27, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Room na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Pakibasa ang panaginip ng anak ko dahil iniisip ko na baka may bumabarang sa kanya.


Nanaginip daw siya ng marami at iba’t ibang klase ng insekto na nasa kanyang katawan. Kinakagat daw siya ng mga insekto, tapos dumugo ang balat niya. Lumalala ‘yung kinagat nila at sobrang sakit, makati at maraming dugo. Tapos, nagpalit siya ng damit, pero mayroon pa ring mga insekto.


Nanaginip din siya ng ine-enroll sa iskul, tapos may itinatayong bagong school at kaunti lang ang mga estudyante. Baku-bako ‘yung daan papunta ru’n.


Tapos, nanaginip siya na may mga sinaunang tao. Gayundin, may dagat na hindi naman gaaanong maalon, pero hindi rin kalmado, eksakto lang. May maliliit na alon, tapos may barko sa gitna.


Naiisip ko na baka may banta sa buhay ng anak ko at nananalangin ako na sana ay maproteksiyunan siya.


Naghihintay,

Shierly

Sa iyo, Shierly,


Nabarang? Mambabarang? Insekto? Sakit? Ito ba ay totoo?


Oo, totoo na may mambabarang, kaya totoo rin na may nababarang at totoo rin na insekto ang kadalasang gamit sa pambabarang.Totoo rin na kumakati ang balat at ang laman o loob ng katawan kapag nababarang.


Pero ang panaginip na kinagat ng mga insekto ay hindi nangangahulugan ng nabarang.

Ang panaginip ng anak mo ay nagsasabing siya ngayon ay nangangailangan ng vitamins at mineral dahil kinakapos na siya sa sustansiya, kaya siya ay pinapayuhan na kumain ng mga prutas o pagkaing mayaman sa phosphorus. Kaya ang mahigpit na inirerekomenda ay kumonsulta rin siya sa mga espeyalistang doktor at hindi rin inirerekomendang kumonsulta siya sa albularyo.


Ang mga sariwang gulay ay makabubuti rin sa kanya. Puwedeng-puwede ang mga pagkain ng mga bunga ng halaman na nahuhukay sa lupa tulad ng kamote, gabi, ube at iba pa.


Ang pamamasyal sa magagandang tanawin ay malaki ang maitutulong sa kanya. Gayundin ang pakikinig sa masasayang musika at panonood ng mga palabas na nakapagpapasaya.


Ipinapayo rin na ikonsidera ang paglipat ng mas magandang manirahan kung saan dapat kaunti lang ang mga kapitbahay.


Ang isa pang epektibong paraan ay ang pagkakaroon ng masaya at maligayang love life.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 26, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Randy na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Puwede bang malaman ang ibig sabihin ng panaginip ko na ang dami ng buhok ng kilikili ko, tapos ang hahaba ng mga buhok nito?


Naghihintay,

Randy

Sa iyo, Randy,


Ayon sa iyong panaginip, masyado kang busy sa kasalukuyan. Puwedeng sa hanapbuhay o kaya naman ay puwede ring sa work. Puwede rin sa nagbi-bisihan ka lang at puwede ring masyado mong tinutukan ang mga wala namang kuwentang bagay nitong nakalipas na mga araw tulad ng bakit ka ba nalulungkot, eh, ang dapat ay okey ka lang.


Sa madaling sabi, mukhang napababayaan mo ang sarili mo. Kumbaga, hindi mo na naaalagaan ang iyong sarili o hindi mo na napapansin ang mga personal mong pangangailangan.


Ganito ang sabi, “Aanhin mo ang lahat ng yaman sa lupa…” may karugtong pa ‘yan, pero para sa panrelihiyong aspeto. Pero para sa iyo, ganito dapat, “Aanhin mo ang lahat ng yaman sa lupa kung mapanabayaan mo naman ang iyong sarili.”


Ganito ang sabi , “Ang niyayakap ang kalungkutan, wala nang pag-asa pang gumanda ang kapalaran.” Ang totoo nga, ayon sa mga sikolohista, ang maliit na kalungkutan, kapag lumala ay magiging isang sakit o karamdaman at ang tawag dito ay depresyon.


Okey lang sana kung simlpeng depresyon lang ang aabutin mo, pero paano kapag ang depresyon ay lumala o sabihin na lang nating paano kung nawawala na sa ayos ang buhay ng isang tao? Hindi na niya naasikaso pa ang kanyang sarili, minsan, pero madalas din naman, hindi na niya pinahahalagahan ang kanyang personal hygiene o kalinisan sa katawa.


Pansinin mo ang mga inaatake ng depresyon at makikita mo, nagsisihaba ang kanilang buhok. Dahil nga sa hindi na nila naaalala pa na ang kailangan ng tao ay grooming. Humahaba rin ang kanyang mga kuko o nails dahil napapabayaan na niya ang kanyang magandang porma.


Marami pang nangyayari sa kanya na hindi sana dapat mangyari sa isang taong inaatake ng depresyon.


Nagbababala ang iyong panaginip na ang pagpapabaya mo sa iyong sarili ay makasasama sa buhay mo. Dahil dito, narito ang ilang tips para makabalik ka sa sarili mo.


  • Nilikha ang tao na kawangis ni God, kaya dapat ma-maintain niya ang kanyang beauty.

  • Ang mga sakit nag-aabang lang sa paligid kaya ang tao dapat ay maging malinis, lalo na sa ngayong panahon ng pandemic.

  • Tandaan din naman na kapag maganda ang porma ng isang tao, mas lumalakas ang kanyang loob at ang mga oportunidad sa kanyang harapan ay kaya niyang sunggaban.

  • Hindi nabubuhay ang tao sa kanyang sarili lang. Siya ay may kapwa, kaibigan, mahal sa buhay at mga tao dapat niyang pakisamahan. Ang bawat kilos niya ay nakakaepekto rin sa lipunan, sapagkat ang isa pang katotohanan, ang lahat ay magkakaugnay.


Pagandahin mo ang sarili mo at gaganda na muli ang buhay mo at gaganda rin ang mundong iyong ginagalawan. Ito ang mensahe ng iyong panaginip.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 24, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Flory na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nanaginip ako na nanganak ako, tapos sirena kaming dalawa, tapos lumangoy kami sa ilalim ng tulay sa ilog na medyo malabo. ‘Yung kulay ng tubig ay brown, tapos kaya kami lumangoy du’n dahil iniiwasan o inilalayo ko ang baby ko sa tatay niya. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Flory


Sa iyo, Flory,


Sa panahon ngayon, sobrang moderno na ng mundo at marami ang hindi naniniwala sa sirena. Kumbaga, para sa kanila, wala naman talagang sirena, kaya lang, bahagi na ng ating kasaysayan ang mga kuwento tungkol sa mga sirena.


Ang kasaysayan ng Pasig River ay punumpuno ng mga kuwentong may kaugnayan sa mga sirena. Kaya ang mga tinatawag na “taal” na mga anak ng Pasig ay naniniwala na may mga sirena. Ang salitang “taal” ay tumutukoy sa mga naninirahan sa tabi ng ilog Pasig kung saan doon sila isinilang at sila rin ang mga tinatawag na native na taga-Pasig o orihinal na mga anak ng Pasig.


Kung saan ang kanilang mga ninuno ay talagang taga-Pasig, kaya ang mga sirena ay bahagi na ng buhay nila kahit saan sila mapunta.


Narito ang tipikal na kuwento tungkol sa mga sirena:


May isang binata na nasa pampang ng ilog Pasig, nakirinig siya ng isang pagkaganda-ganda ng awit at nakita ng kanyang mga mata ang isa napakagandang sirena. Araw-araw, palagi siyang nagpupunta sa kung saan ay doon niya nakikita ang magandang sirena. Araw-araw, inaawitan siya ng magandang awit ng nasabing sirena.


Pero minsan, sa hindi niya malamang dahilan, hindi na niya nakita ang kanyang sirena. Kaya sa matinding kalungkutan, sumisid siya sa ilog Pasig at hindi na siya nakita kahit kailan. Ayon sa mga tao, kinuha siya ng sirena at dinala sa kaharian ng mga sirena kung saan sinasabing, “They live, happily ever after.”


Paulit- ulit ang mga kuwentong tungkol sa sirena at sa mga taong may malalim na lungkot kung saan may malalim na lungkot at gustong takasan ang reyalidad ng buhay na ito na sa huli, sila ay bumigay dahil ayaw na nilang mabuhay sa reyalidad.


Siyempre, mahirap paniwalaan ang mga kuwento na nabanggit at lalong mahirap paniwalaan ang sinabing pagtakas sa reyalidad. Gayunman, kitang-kita sa panaginip mo na gusto mong takasan ang ama ng anak mo.


Ito rin ay nagsasabing ayon sa iyo, wala nang pag-asa na magbago pa ang ama ng anak mo, kaya wala kang naiiisip kundi siya ay layuan na lamang, alang-alang sa kinabukasan ng iyong mahal na anak.


Pero ‘wag kang matakot, hindi ka kukuhanin ng mga sirena dahil bukod sa mga kuwento sa itaas, tungkol sa sirena, may isa pang lihim na kuwento ng mga sirena, na sa kanila ay puwedeng magsabi ng mga request. At ito ay ang mga kahilingang may pagkaimposoble na puwedeng pagbigyan ng mga sirena ang anumang hihilingin mo sa kanila.


Dahil dito, gusto kong ibalita sa iyo na ang sirena na nabuhay sa iyong panaginip ay nagbabadya o naghahayag na sa malapit na hinaharap, magkaroon ka ng magandang future kasama ang iyong anak at bagong asawa.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page