top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 3, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Connie na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Bakit noong bata ako, madalas kong napapanaginipan na nahuhulog ako sa ilog at kusa rin akong nakakaakyat at minsan naman ay hinahabol ako ng dalawang nag-uumpugang bato?


Ang isa pang ipinagtataka ko ay bakit ‘yung panganay kong anak ay ganundin ang panaginip? Ano ang ibig iparating sa amin ng panaginip na ito?


Naghihintay,

Connie


Sa iyo, Connie,


Noong bata ka, ipinauuna ng iyong panaginip na sa paglaki mo ay mahihirapan kang magdesisyon sa buhay. Bakit? Dahil ang isip at puso ay maitutulad sa dalawang bato na nag-uumpugan, kumbaga, hindi mo malalaman kung ano ang ipapasya sa maseselang aspeto ng iyong buhay.


Ang nahuhulog ka sa ilog ay nagbabala na may takot ka na walang makasama sa iyong pagtanda. Pero dahil nakakaakyat ka sa iyong panaginip, ito ay nagsasabing sa totoo lang, kaya mong mag-isa sa buhay. At dahil ang hinahabol ng dalawang nag-uumpugang bato ay napapanaginipan din ng anak mong panganay, ito ay nagsasabing siya ay ganundin ang mararanasan sa buhay kung saan naglalaban ang puso at isipan.


Ito ang solusyon kapag naharap ka sa mabigat na sitwasyon tulad ng nag-aaway ang isip at puso mo:


Mahalaga sa tao na siya ay may kaibigan o best friend. Ang totoo, ang best friend ay higit na kailangan kaysa sa mga kapamilya. Siyempre, kailangan din natin ang ating pamilya, pero sa pagpapasya, lalo na sa personal na bagay, higit na matimbang ang payo ng ating bestfriend.


Mapapansin mo na may mga taong sa totoo lang ay walang kaibigan. Siguro, sasabihin nila na hindi totoo dahil ang lahat ng tao ay may kaibigan, pero talagang may tao na walang kaibigan at siya ang taong sarili lang ang kanyang sinisunod.


Ang totoo pa nito, sa biglang tingin lang naman siya may kaibigan, pero kung susuriin mong mabuti ang kanyang buhay, ang mga “kaibigan na sinasabi niya ay hindi naman niya talaga sinusunod dahil ang mga kaibigang ito ay tagasunod niya, na walang karapatang magpayo at hindi rin niya pakikinggan kung anuman ang ipayo nito sa kanya.


Malungkot ang buhay ng taong walang kaibigan dahil ang “kaibigan” sa tingin niya ay mga tauhan, aalalay at nakakasama lang niya, pero walang gaanong lalim o sustansiya ang kanilang samahan. Ito ay alam niya dahil hindi naman siya talaga nakikinig sa mga kaibigan niya. Under niya, kumbaga, ang akala ay mga kaibigan niya.


Ang tunay na kahulugan ng salitang “magkaibigan” ay pantay lang ang dalawang magkaibigan, kumbaga, tanggap ng bawat isa na walang mas magaling dahil kapag may isang magaling at ang isa pa ay alalay o tauhan lang, walang mangyayari sa isang panig.


Dahil dito, ipinapayo ng inyong panaginip na kayo ng anak mo ay dapat na may matalik na kaibigan, na siyang inyong pakikinggan kapag ang isip at puso ay nagbabanggaan.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 2, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Jenny na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng may biglang lumapit sa akin na isang kostumer na babae at binuhusan ako ng tubig, tapos gumanti ako ng pagbuhos at nagbuhusan kami ng tubig?


Naghihintay,

Jenny


Sa iyo, Jenny,


Naalala mo ba ang sikat na sikat na quotation ni Lord Jesus Christ na, “Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay.” Kaya “bato” ang ginamit na salita dahil solid matter ang ginamit.


Samantala, muni-muniin natin ang ganito: Siguro kapag hangin ang salita, ihip ang gamitin, kaya kapag hinipan ka ng malakas na hangin, hipan mo ng mahina o banayad na hangin. Siguro kapag apoy ang gamit ay “pukol,” kumbaga, kapag pinukol ka ng nag-aalab na bolang apoy, pukulin mo ng apoy na malamig. Pero mayroon bang “apoy na malamig”? Wala yata, pero sa mundo ng sining ng literatura, ang “malamig na apoy” ay ang pag-ibig na malamig.


Sa sinabi ng Kristo na “Kapag binato, batuhin mo rin.” Kaya parang mali ‘yung hindi ka gaganti. Baka naman isipin mo, okey pala ang ginawa mo sa iyong panaginip na ang bumato sa iyo ay ginantihan mo. Mali ka kapag ganu’n ang inisip mo.


Mahirap talagang maunawaan ang mga aral ni Kristo, kaya siguro sobrang dami ng relihiyon at mukhang paparami pa nang paparami dahil nga bakit mahirap unawain ng mga aral ni Lord? Kung diretsa na lang sana niyang sinabi kung ano ang gusto niyang mangyari, sana ay wala nang mga pagtatalo.


Para madali nating maunawaan ang “batuhan” na pinagagawa ni Lord, magbalik-tanaw tayo sa nasusulat sa Banal na Aklat, at ito ang mga aral, hindi lang ng mga banal kundi ng lahat ng mga lumitaw sa mangangaral sa mundo na “Ang katapat ng Galit ay Pag-ibig.”


Kaya, Jenny ang mensahe ng panaginip mo, lalo na ngayong Bagong Taon ay nagsasabing pag-ibig ang iganti mo sa gagawa sa iyo ng hindi mabuti.


Muli, mahirap maunawaan, pero pag-ibig ang katapat ng galit. Para malaman mo kung totoo, suriin mo ang ilang pagmamahalan na sa una ay nagalit, pero sa huli ay umibig. Marami nang nakaranas ng ganyang kuwento ng pag-iibigan dahil totoong-totoo na ang galit ay pag-ibig.


Kaya nga sa pagmamahalan o pakikipagrelasyon, hindi nawawala ang pagkakagalit dahil pagkatapos ng galit ay maalab na pag-ibig. Mararanasan mo ito kapag na-in love ka kung saan magagalit ka dahil ang kinagagalitan mo ay mahal mo. At kapag sobra ang galit mo, ibig sabihin ay sobrang in love ka talaga sa taong ito.


Maganda sanang isipin at masaya sanang pangarapin na ang bawat pagmamahalan dahil “love” ang pinag-uusapan ay wala kahit katiting na galit. Okey na okey sana kung ganu’n, kaya lang, walang bahid ng katotohanan sa mundo ng reyalidad na sa pagmamahalan ay walang kagalitan.


Maaring mayroon kang makita ngayon na hindi nagkakagalit, pero ngayon lang ‘yun dahil maaaring bukas ay wala na sila, kumbaga, break na sila dahil kapag walang galit, wala ring pag-ibig, kaya magkakahiwalay dahil hindi naman pala talaga umiibig ang hindi nagagalit. Pero bakit kapwa mo babae ang nakabangga mo sa iyong panaginip? Ayon kay Carl Jung, siya ang “Father ng School of Thought” sa Psychology of Analytical Psychology kung saan sinabi niyang sa bawat lalaki, may personalidad ng isang babae. Kaya ang katangian ng bumato sa iyo ay babae, pero siya ay lalaki, kaya pagkatapos mong mapanaginipan ito, may makakagalit kang lalaki, na kitang-kita ang ilang katangian ng isang babae.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | December 31, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Edward na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Marami akong napapanaginipan na parang hindi tumutugma sa iba. May mga oras na hinahabol ako ng itim na ahas, pero sa panaginip ko, naiwasan ko siya. Mayroon din akong panaginip na kabaong at sa panaginip kong ‘yun, napadaan ako sa kapitbahay, tapos may nakita akong kabaong na walang laman sa labas ng bahay nila, pero walang mga nakikiramay.


Tapos minsan, nananaginip din ako ng lumilipad na kapantay ang mga ulap, pero bigla at paunti-unti rin akong nahuhulog. Tapos, kamakailan, may gusto akong babae. Napanaginipan ko siya at sa panaginip ko, nakatambay ako, tapos bigla siyang lumabas ng bahay nila at binati niya ako. Ito ang pagkakasabi niya, “Uy, Edward,” pero hindi niya naman ako nilingon. Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip kong ito? Maraming salamat!


Naghihintay,

Edward


Sa iyo, Edward,


Ang ahas na itim ay nagsasabing lalabas o lilitaw ang hindi mabuting ikaw. Bago maging palaisipan sa iyo ang nasabing mga salita, gustong ipaalam sa iyo na ayon kay Lord Buddha, ang tao ay may dalawang personalidad, ang una ay ang “Mabuting ikaw” at ang isa ay “Masamang ikaw.”


Sa biglang tingin, nakagugulat ang katotohanang ito, pero sa huli, lahat naman ay aamin na ganito talaga ang bawat tao. Huwag mong hayaan na lumabas ang “Masamang ikaw,” sa halip, panatilihin mong naghahari sa iyo ang “Mabuting ikaw.”


Kaya ang kasunod na payo ay mabuhay ka nang may pag-ibig sa kapwa. Pero bago ka magkamali ng interpretasyon, magandang maipaalala sa iyo na ang pag-ibig na tinutukoy ay hindi “erotic love”, na tulad ng pagmamahalan ng babae at lalaki. Ang pag-ibig sa itaas ay pag-ibig sa tao na gagawa ng mabuti sa kapwa mo tao.


Ang kabaong sa panaginip mo ay nagpapayo na ibaon mo sa limot ang mga pangit mong karanasan at pangyayaring nagbigay sa iyo ng kalungkutan. Ganito talaga ang payo upang ang tao ay madaling maka-move on.


Ang napanaginipan mo ang gusto mong babae ay ito na mismo ang nabanggit sa unahan na erotic love. Sabi ng panaginip mo, siya rin ay may gusto sa iyo. Kaya kung lalakasan mo ang loob mo, hindi magtatagal ay magiging kayo, as in, kayo ay magiging magkarelasyon.


Good luck at Happy New Year sa iyo!


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page