top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 6, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Emma na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Nanaginip ako ng iba’t ibang lucky charms. Binibigay ng babae ‘yun sa akin at ‘wag ko na raw bayaran pero nahiya ako kaya pinipilit kong bayaran. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Emma

Sa iyo, Emma,


May mga bagay na kung tawagin ay priceless, ‘yun bang mga bagay na walang katumbas na halaga, kaya ang mga bagay na ito ay dapat na pinakaiingat-ingatan.


Dahil walang katumbas na halaga, dapat wala ring presyo at hindi rin ito babayaran. Kaya ano nga ba ang mensahe ng iyong panaginip dahil sa panaginip, pinilit mo itong bayaran? At ang isa pang tanong ay paano mo mababayaran ang wala namang bayad?


Ang mga lucky o ‘yung totoong lucky charms, talagang epektibo na nagpapaganda ng kapalaran ng isang tao. Pero kapag ang lucky charms ay binili, ito ay naging for business and for profit, kaya napakaraming yumaman sa mga taong nagbenta ng mga lucky charm.


Ang anumang produktong pangkomersiyo ay may elemento ng paghahangad sa tubo o kita at ang kita at tubo ay materyal na mga bagay. Kaya ang mga nabiling lucky charms, sa halip na gumanda ang buhay ng isang tao, siya ay makikitang nahihilig din sa mga materyal na bagay.


Hindi naman masama ang materyal na mga bagay, kaya lang, ang salitang materyoso ay para sa mga taong ang gusto sa buhay nila ay mga materyal na bagay. Kaya ang pinakamagandang lucky charms ay bigay o gift talaga, ibig sabihin, walang bayad.


Kapag ang tao ay nakatanggap ng regalo, siya ay sobrang saya at ang kanyang saya ay priceless din. Kumbaga, hindi rin matumbasan ng anumang halaga at ayon sa panaginip mo, minaliit mo ang pagiging priceless ng mga tunay na lucky charm, kaya liliit din ang bisa nito, kumbaga, may bisa rin pero hindi sagad o nabawasan ang todong powers nito.


Ano ang gagawin para maibalik ang pagiging priceless ng isang bagay, lalo na sa panahong ito ng Bagong Taon?

  • Magbigay ka sa kapwa mo at huwag kang tatanggap ng kapalit.

  • Pasayahin mo ang kapwa mo kahit pa ang katumbas ng pagpapasaya mo ay malulungkot ka naman.

  • Ang mahalagang bagay na pinakamamahal mo ay ibigay mo sa nangangailangan at masaya mo itong ibigay.

  • Pakainin mo ang walang makain kahit hindi ka kumain.

  • Painumin mo ang nauuhaw kahit ikaw ay mauhaw.


Ang mga nasa itaas na panuntunan sa buhay, Emma, maaaring hindi mo paniwalaan, pero ito ang paraan para mabaliktad ang karma na mapupunta sa taong nangmaliit ng mga priceless na mga bagay.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 5, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Fely na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko ang rebulto ni Mama Mary na biglang umilaw sa bandang korona at pumila ako dahil gusto kong lumapit sa rebulto. Noong siya ay aking makatabi, niyakap ko siya nang mahigpit at tinatawag ang kanyang pangalan at ako ay umiiyak. Pagkatapos nu’n, nagising na ako. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Fely


Sa iyo, Fely,


Kadalasan, nangangako ang tao pero hindi naman niya ginagawa ang kanyang pangako. Kahit hindi pa natutupad, nangangako muli, kaya ang mga tao, sa totoo lang ay nabubuhay sa mga pangako.


Dahil nasanay na sa pangako, pati ang mga obligasyon sa kapwa ay hindi na rin ginagawa. Kasi nga, kung ang pangako sa sarili ay hindi nagawa, paano pa tutuparin ang pangako sa kapwa?


Kaya sa Bagong Taong ito, sana ay matupad natin, hindi lamang ang ating New Year’s resolution o ang mga pangako natin sa ating sarili kundi pilitin din nating matupad ang pangako natin sa ating kapwa, lalo na sa ating mga mahal sa buhay.


Samantala, ang masaklap pa nga nito, ‘yung iba ay nangangako rin kay God, tapos hindi rin matutupad. Nangako na magsisimba sa Our Lady of Mercy, magno-novena sa Baclaran, magsisimba sa Quiapo, pero hindi naman magawa. Kaya nga ang sabi ng panaginip mo, hinihintay ka ni Mama Mary na gawin mo ang mga ipinangako mo. Kahit isang beses lang, ang pangako mo ay gawin mo.


Kapag nagawa ng tao ang kanyang pangako kahit isang beses at kahit ito ay walang kinalaman sa kanyang relihiyon, malaki ang ipagbabago ng kanyang buhay. Dahil ang isang beses na nakatupad sa pangako ay masasabing “She or he breaks the ice”.


At ang sabi ng mga life coaches, marami pang ice ang kanyang mabi-break, kaya siya ay magiging iba sa dating siya at mas malaki na ang tsansa na ang malaki rin niyang pangarap ay matupad at ito ang pangarap na yumaman.


Alam mo, hindi naman nagagalit sa iyo si Mama Mary, mahaba ang kanyang pang-unawa dahil ganu’n ang pag-ibig ni Mama Mary sa mga tao, kaya ayaw ni Mama Mary na ang tao ay mabuhay sa kawalan ng pag-asenso at puro pangako.


Kaya, magsimba ka at tuparin mo ang sinabi mo sa iyong sarili na mag-aalay ka ng dasal na rosary kay Mama Mary. Sa biglang tingin, ito ay isang pangrelihiyon na aktibidad, pero sa maniwala ka o hindi, ang mas mahalaga ay kaya mo palang tuparin ang mga pangako mo sa iyong sarili.


Ang totoo, ang isa sa pinakaunang susi ng success at pagyaman ay ang kakayahang matupad ng tao ang sinasabi. Doon siya hahangaan ng kanyang kapwa at ang sarili niya mismo ay hahanga at ang mabuting balita ay nagsasabing hangang-hanga ang langit sa taong ginagawa ang kanyang sinasabi, lalo na si Mama Mary.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 4, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Guianelly na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


May itatanong ako sa inyo dahil nanaginip ako ng gagamba. Ngayon, kahit anong patay namin ng pinsan ko ay hindi ito mamatay-matay, sa halip, paulit-ulit lang itong nabubuhay. Patayin at durugin man namin, maya-maya ay buhay na naman ito at hinahabol kami. Hanggang sa nagising na lang ako. Kinakabahan ako sa panaginip ko, ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Guianelly

Sa iyo, Guianelly,


Alam mo, iha, sa buhay ng tao, lalo na’t Bagong Taon ngayon, alam mo bang maraming kahit anong gawin ay naroon pa rin? Halimbawa nito ang napanaginipan mo na kahit patayin nang patayin at durugin nang durugin ang gagamba, ito ay buhay pa rin.


Sinasabing kabilang dito ang mga negatibo at masasama mong ugali na gusto mo nang baguhin, lalo na ngayong Bagong Taon. Kailangang “mabago” mo ang masasamang ugaling ito sa pamamagitan ng pagdisiplina sa iyong sarili upang ang “hindi mamatay-matay na gagamba” sa panaginip mo ay tuluyan nang mamatay o matudla.


Pangalawang ibig sabihin na mas matindi ang kahulugan ng panaginip mong gagamba na hindi mamatay-matay ay ganito: Kapag matindi ang pag-ibig ng isang tao sa kanyang minamahal, kahit pa mabasted siya nang mabasted, patuloy at buhay na buhay ang kanyang pag-ibig. Marami nang nakaranas na kung anu-ano ang sinabing masasakit na salita, pero patuloy pa rin na nagmamahal ang sinasaktan ang kalooban.


Sila ay may karamihan din ang bilang na kahit wala nang pag-asa o talagang patay na ang ningas ng pag-asa ay buhay na buhay pa rin ang pagmamahal. May iba pa ngang namatay na ang pag-asa, pero sa tuwing makikita ang minamahal, muling nabubuhay ang nararamdaman.


Sa iyong panaginip, ang gagamba ay sumisimbolo sa pagnanasa at bilang paglilinaw sa iyo, ang “pagnanasa” ay hindi pagmamahal o pag-ibig. Dito sa huli, sa pagmamahal, “love” ang katumbas pero sa una o pagnanasa, hindi love ang katumbas kundi “lust”.


Ang lust ay isang malakas na puwersa na naghahari sa tao, at dahil ito ay may kakaibang puwersa, talagang hindi ito basta-basta namamatay.


Ayon sa iyong panaginip, ikaw o ang pinsan mo ay pinagnanasahan. Kaya higit kailanman, ngayon n’yo kailangang magiging matibay at matatag dahil muli, ang “lust” ay malakas na puwersang naghahari o kumukubabaw sa isang tao.


Hindi naman mahirap tukuyin ang taong kinukubabawan ng lust at narito ang ilan sa mga palatandaan nila:

  • Kapag siya ay kausap, hindi niya maiwasang magsalita ng kalaswaan.

  • Kapag siya ay iyong nakatabi, ginagamit niya ang kanyang kamay at hinahawakan ang kanyang pinagnanasahan. Minsan, hindi kamay kundi idinidikit niya ang kanyang katawan sa kanyang “object of desire.”

  • Siya ay may kakaibang titig na tagos sa mga mata ng tinitigan, na ang tawag ay malalim na titig.

  • Hindi rin niya maiwasang tumingin o tumitig sa maseselang bahagi ng katawan ng kanyang pinagnanasahan. Ganundin sa ibang bahagi ng katawan tulad ng labi, pisngi, leeg at hita.


Ibayong pag-iingat ang kailangan para hindi siya magtagumpay at dapat tandaan na ang nahulog sa tukso ay nasisira ang buhay at hindi lamang ang buhay kundi ang mismong pagkatao.


Ito ang kahulugan ng inyong napanaginipan na gagambang hindi mamatay-matay.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page