top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 14, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Wena na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan ko na nag-casino ako, tapos umuwi na ako at ang dala-dala ko ay milyong piso. Tinago ko muna dahil hindi ko pa alam kung ano ang gagawin sa panalo ko, pero bumalik ako sa casino, tapos natalo ng napanalunan ko at may utang ako sa nagpapautang doon. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Sa totoong buhay, talagang nagka-casino ako dahil malapit lang dito sa amin ang casino at ito na ang aking naging libangan.


Naghihintay,

Wena

Sa iyo, Wena,


Sa panaginip, masasalamin ang katotohanan sa buhay ng mga mahilig magsugal na bagama’t nananalo, ngunit dahil sa hilig ay magsugal, ang napanalunan ay matatalo rin.


Lahat ng nagsusugal ay walang ibang hinahangad kundi ang manalo, kahit pa ang mga taong sinasabi ay naglilibang lang, sa totoo lang ay ang manalo ang kanilang gusto.


Ito ang dahilan kaya napanaginipan mong nanalo ka. Gusto mong manalo, pero bakit? Dahil ayon sa hindi mo nabanggit na dahilan, palagi ka na lang talo, kumbaga, matagal ka nang hindi nananalo.


Paano ka kaya mananalo sa sugal, ayon sa iyong panaginip?


Sa sugal, may tinatawag na “regla,” kaya regla ang tawag ay dahil tulad ito ng regular na regla o buwanang dalaw ng babae kung saan ang petsa ng kanilang dalaw ay nalalaman nila dahil regular ang dating nito.


Ang mga nanalo sa sugal ay may ganundin, kumbaga, regular na dating, kaya pag-aralan mo kung kailan ang dating ng mga suwerte sa sugal at kapag natukoy mo na sa mga petsa na darating na ang mga suwerte mo, lakihan mo ang iyong taya.


Alam mo, Wena, ang ganitong pormula ay hindi lang sa sugal puwedeng magamit dahil ito ay puwede mong i-apply sa buhay mo mismo. Aalamin mo kung kailan ka sinusuwerte at kapag alam o tukoy mo na, sa mga petsang ito, gawin mo kung ano ang pinakagusto mo sa buhay at makakaasa ka na anuman ang gusto mo, ito ay mapasasaiyo sa mga araw na ikaw ay masuwerte.


Pero alam mo rin, hindi lang naman sa dating ng suwerte ang iyong malalaman sa kakaibang pormula na ito dahil malalaman mo rin kung kailan ang dating ng mga araw na ikaw ay mamalasin.


Huwag mong kalilimutan na kapag ang tao ay may mga paunang impormasyon na siya ay puwedeng malasin, puwede ka ring makaiwas, kaya dapat ay umiwas ka.


Ito rin, Wena, ang tunay na dahilan kaya araw-araw, ibinabalita kung ano ang lagay ng panahon. Kumbaga, kapag sinabing babaha ng ubod laking pagbaha sa isang lugar, ang mga tao roon ay dapat na mag-ingat.


Ganundin kapag mataas ang banta ng landslides, ang mga tao ay dapat ding mag-ingat sa pagbaha at sa biglaang malalakas na ulan, ang mga tao ay dapat na alam na nila ang kanilang gagawin.


Tandaang sa mga hindi naniwala na nahuhulaan ang pagdating at paglisan ng magaganda at pangit na mga araw, tiyak na sila ay siguradong maghihirap sa sugal.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 13, 2021



Salaminin natin ngayon ang panaginip ni Katherine na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Madalas akong managinip ng lumilipad ako. Minsan, naglalakad ako sa iskinita pauwi sa amin, tapos lumipad ako at nakauwi agad ako. Minsan, sa panaginip ko, nakalipad nga ako pero mababa lang at hindi na natuloy ang paglipad ko. May mga panaginip din ako na lumilipad ako, tapos kasabay ko ang mga ulap dahil sinusundan ko. Tapos nakita ko ang mga ulap na nagpaulan sa mga taniman ng sugarcane o tubo ng masaganang tubig.


Sana ay matulungan mo ako sa kahulugan ng aking panaginip. Maraming salamat!


Naghihintay,

Katherine

Sa iyo, Katherine,


Kapag sa reyalidad ay may gustong gawin ang isang tao at hindi niya magawa, ang isa sa mapapanaginipan niya ay lumilipad siya.


Kapag ang tao ay nasadlak sa sobrang hindi magandang sitwasyon, siya rin ay mananaginip na siya ay lumilipad.


Kapag ang tao ay may gustong takasan sa kanyang buhay, sa panaginip, siya ay lilipad.

Kapag ang isang tao ay may pangarap pero siya ay naduduwag na abutin ang mga ito, siya ay makalilipad sa kanyang mga panaginip.


Pag-aralan mo ngayon ang iyong buhay. Suriin mo at subukang alamin kung ano o alin sa nasabing mga sitwasyon na ikaw nangangailangang “lumipad?”


May gusto ka bang gawin, pero hindi mo magawa dahil may malaking hadlang sa iyong harapan? Ang payo ay huwag mong katakutan! Maghanap ka ng paraan para magawa mo pa rin ang gusto mong gawin kung saan ang isa sa mensahe ay iangat mo ang iyong sarili sa mas mataas na talino, galing at kahusayan.


Matagal ka na bang hindi umaasenso sa trabaho at kahit ano ang gawin mo ay hindi pumapabor sa iyo ang mga nakatataas? Lumipad ka! Ibig sabihin, maghanap ng ibang trabaho.


Sobrang pangit ba ng iyong love life? Hindi puwede na mamalagi kang ganito, kaya lumipad ka na ang ibig sabihin, layuan mo na ang nagpapahirap sa iyo.


Gusto mo bang takasan ang kahirapan? Lumipad ka rin na ang ibig sabihin, iwanan mo ang iyong buhay ngayon at maghanap ka ng bagong buhay sa bagong mundo o kapaligiran.


Gustung-gusto mo bang mag-abroad pero naduduwag ka? Ang payo ng panaginip mo ay lakasan mo ang iyong loob at ikaw ay mag-abroad.


Hindi nakalilipad ang tao dahil wala naman siyang pakpak, subalit higit sa lahat ng may buhay, may kakayahan siyang liparin ang kanyang mga pangarap dahil puwede naman niyang gawing pakpak ng kanyang mga pangarap ang matinding hangarin niya na magkaroon ng buhay na maunlad, masagana at ligtas sa kuko ang kahirapan.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 12, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Lorie Anne na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Naiisipan kong kumonsulta sa inyo upang malaman ang kahulugan ng aking panaginip na nakasakay ako sa barko at napakaraming mga pating. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Lorie Anne

Sa iyo, Lorie Anne,


Ang buhay ng tao ay isang paglalakbay. Dahil dito, madalas ding napapanaginipan ng mga tao ang nakasakay sa barko at ang eksaktong kahulugan nito ay naglalakbay papunta sa pangarap na magandang buhay o kinabukasan.


Dahil sa panaginip mo ay maraming pating sa dagat, ikaw ay pinag-iingat habang naglalakabay upang marating mo ang iyong mga pangarap.


At dahil kasisimula pa lamang ng Bagong Taon, ang mga sumusunod ay magagamit mo upang lalo mo pang mapakinis ang iyong pakikipagsaparalan. Kaya heto na, narito ang ilang gabay na puwede mong isabuhay:

  • Mabuting asal at pag-uugali.

  • Kapag alam mong mali at mapapahamak ka, huwag mong ituloy.

  • Hindi ka rin dapat matukso sa mga nangangako ng biglaang pagkakaroon ng mga suwerte.

  • Umiwas ka sa mga tukso dahil ito ay nakasisira ng buhay, kaya iisipin mo muna kung masisira ang iyong buhay bago ka pumasok sa anumang bagay.

  • Ingatan mo rin ang pakikipagkaibigan dahil ngayong moderno na ang panahon, marami ang mapagkunwari at manggagamit lang.

  • Bawat kilos, iisipin mo kung ito ba ay para sa ikagaganda ng iyong kinabukasan.

  • Kailangan mo rin ang lakas ng kalooban at tapang dahil ang mahihina ang loob ay madaling bumigay sa mga hamon ng kapalaran.

  • Sa dagat, may mga tinatawag na “monsters,” pero sa totoo lang, ang mga ito ay mga bagyo sa karagatan, kumbaga, inakala ng mga tao na ang bagyo sa karagatan ay mga likha ng monsters. Hindi ito totoo dahil imahinasyon lang ito ng mga taong mahihina ang loob at pinanghihinaan ng pag-asa.

  • Ang mga manlalakbay sa karagatan ay tumitingin sa itaas sa tinatawag na North Star at ito ang kanilang gabay. Ibig sabihin, habang naglalakbay ka sa iyong buhay, huwag mong kalilimutan na manalangin sa iyong kinikilalang Diyos. Hingin mo ang Kanyang gabay upang hindi ka maligaw.

  • Kailangan mo ring manatiling may tiwala sa iyong sarili. Dahil kung wala ka nito, ang barko ng buhay mo ay hindi magiging matatag.

  • Kahit ano ang mangyari, hindi dapat mamatay ang ningas ng iyong pangarap. Dahil kapag nangyari ito, para na ring sinabing bigo ka sa buhay mo.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page