top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 17, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Jasmine na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Naguguluhan ako sa aking panaginip, kaya naisipan kong sumangguni sa inyo. Ang totoo, noong nakaraang linggo pa ito pero hindi ko talaga makalimutan.


Nanaginip ako na nasa isang parang gubat ako, mapuno at maaliwalas. May nakita akong malaki at magandang Lotus flower na nakasara pa. Nu’ng hahawakan ko ito, biglang may lumiwanag nang husto at halos wala akong makita. Tapos, medyo humina ‘yung liwanag at kaya ko nang mag-adjust at du’n ko nakita na nakabukas na pala ‘yung Lotus at sa gitna nu’n, nakatayo si Jesus. Inaabot Niya sa akin ang kamay Niya at napakaaliwalas ng mukha Niya.


Umiiyak ako sa saya nang makita Siya, lalo na nang ngumiti Siya. Nang aabutin ko na ang kamay Niya, bigla akong nagising dahil sa tawag ng mama ko.


Hanggang ngayon, nahihiwagaan ako sa kahulugan nito. Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko? Sa ngayon, ako ay single mom at 3-anyos ang anak ko at nakatira ako ngayon sa mama ko.


Naghihintay,

Jasmine


Sa iyo, Jasmine,


Mahirap talagang maging single parent dahil madalas ay malungkot, nangunguilala at napapaiyak na lang mag-isa. Pero kailangan mong maging magpakatatag dahil sa kaisa-isang minamahal mong anak.


Sa iyong panaginip, ang mensahe ni Jesus ay kasama Siya sa mga paghihirap mo. Mahirap paniwalaan, pero ang nasabing katotohanan ay makikita sa sikat na sikat na awitin noon at hangang ngayon na kapag naririnig ng mga tao, hindi nila maiwasang tumigil sa anumang kanilang pinagkakaabalahan dahil ang awit ay tungkol sa kanilang buhay.


Ito ay ang awiting “Footprints in the Sand.” Sa awiting ito, para bang sinasabi na ang nakikitang bakas ng mga paa sa buhangin ay kay Jesus dahil ang totoo, binbuhat ka Niya. Kumbaga, pasan ka ni Jesus, kaya ito rin ay nagsasabing bahagi Siya ng paghihirap ng bawat tao habang sila ay naglalakad sa landas ng kanilang buhay na mahirap na lakaran.


Totoo man ito o hindi, masarap pakinggan ang nasabing awitin dahil gumagaan ang mga pasanin ng tulad mong single parent. Mas maganda kung aktuwal na marinig ng iyong mga tainga ang lyrics ng nasabing kanta dahil madarama mo talaga na si Jesus na iyong Panginoon ay nagmamahal sa tulad mong nag-iisa sa pakikibaka sa buhay.



Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 16, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Tina na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Nanaginip ako na tumama ako sa jueteng, pero ang nakapagtataka ay milyong piso ang naging pera ko. Paano mangyayari ‘yun, eh hindi naman mil-yones ang tinatamaan sa jueteng?


Naghihintay,

Tina


Sa iyo, Tina,


Una, kapag napanaginipan ang malalaking halaga ng pera, ang nanaginip sa tunay na buhay ay nangangailangan ng malalaking halaga .


Kadalasan, siya ay gipit na gipit, kaya siya ay nanaginip ng pera. Minsan, may gusto siyang tulungan na ganundin at minsan, may gusto siyang gawin na malaking halaga ang kanyang kailangan.


Pero ayon sa panaginip mo, hindi naman imposible dahil may isa akong kaibigan na taga-Bicol pero siya ay nandito ngayon sa Maynila at nagtatrabaho. Paminsan-minsan, umuuwi siya sa kanilang probinsiya. Masayang-masaya siya nang ikuwento niya na kumuha siya ng mga lucky number dito sa ating BULGAR daily Horoscope at alam mo, nanalo siya sa hueteng ng P80,000.


‘Yung tinamaan niya ay ipinamabili niya ng lupa sa bundok sa Bicol dahil iniisip niya na mauubos lang din niya ‘yung tinamaan niya, kaya naisip niyang bilhin ang lupa na palagi nilang pinupun-tahan ng kanyang mga kaibigan noong bata pa sila.


Ang isa pang dahilan kaya gustung-gusto ‘yung lugar kahit walang nakatanim ay dahil dati, nakapulot siya roon ng munting bato na may kahalong maliliit na salamin at ang napulot niyang bato ay itinago niya.


Lately, ipinakita niya ito sa isang kaibigan niya sa internet na foreigner. Umuwi rito ang friend niya at tiningnan ‘yung maliit na bato, tapos sinabi sa kanya na yayaman siya dahil ‘yung bato ay mamahalin pala, na kapag minina ay milyong piso ang makukuha nila sa bundok.


Pero sabi ng kaibigan niya, hindi lang ‘yun ganu’n kadali. Ang una nilang ginawa ay hinanapan niya ng mapapangasawa ‘yung foreigner at ang napusuan ay ang kanyang pinsan. Ngayong taon, pakakasalan na ‘yung pinsan niya at gagawa ng resort sa bundok kung saan may nakuha siyang makislap na bato.


Ang panaginip ay nag-papayo na kapag tumama ka sa hueteng, huwag mong ipamigay ang pera. Sa halip, ilaan mo sa mas mapakikinabangang proyekto o gawin mong puhunan sa negosyo. Dahil dito, ang barya ay nagiging milyong piso.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 15, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Carmela na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Madalas kong mapanaginipan ang ex-boyfriend ko, pero may asawa na ako ngayon at dalawa na ang anak ko. Bakit ko pa napapanaginipan ang ex-boyfriend kong ito?


Naghihintay,

Carmela

Sa iyo, Carmela,


Ang mga taong mahahalaga sa buhay natin, sila ang madalas na ating napapanaginipan at ang mga taong walang halaga para sa atin ay malabo nating mapanaginipan.


Sa ganitong pananaw, ayon sa panaginip mo, ang iyong ex-boyfriend ay may halaga pa rin sa iyo. Bakit kaya siya ay may halaga pa rin sa iyo?


Ito ay dahil makikitang sa ngayon, maaaring hindi ka masaya sa iyong buhay may-asawa. Puwedeng hindi ka gaanong binibigyan ng oras ng iyong asawa dahil sa iba’t ibang dahilan tulad ng pagod siya sa paghahanapbuhay, puwede ring siya ay may personal na problema, kaya hindi ka masyadong napahahalagahan.


Pero alam mo, iha, sa huling datos hinggil pag-aaral sa marriage life ng mga Pinoy, ang pangunahing dahilan ay baka hindi ka maniwala na ang asawang lalaki ay sobra ang tiwala sa sarili sa ganitong mga paraan:

  • Tiwalang-tiwala ang lalaki na siya ay magaling, ibig sabihin, wala nang mahahanap na mas magaling sa kanya ang kanyang misis.

  • Kampanteng-kampante siya na dahil binubuhay niya ang kanyang pamilya, sapat na ang ganu’n para sa kanyang asawa.

  • Tiwala rin siyang hindi siya ipagpapalit ng kanyang misis sa iba dahil akala niya ay masaya ang kanyang asawa.

  • Kampanteng-kampante ang lalaki na ang kanyang misis ay nasisiyahan sa kanilang pagtatalik. Ito ang kadasalang maling akala ng mga lalaki kung saan dahil sa tingin nila ay nasisiyahan ang asawa ay okey na ang ganu’n.

  • Tiwalang-tiwala rin ang lalaki na dahil may mga anak na siya sa kanyang misis, ang babae ay hindi na sasama sa ibang lalaki.

  • Dahil sa sila ay kasal, walang magaganap na muling pag-aasawa.


Ito ang pinakamalaking pagkakamali ng asawang lalaki at maging ang babae kung saan dahil kasal na siya, hindi na maghahanap ang kanyang asawa ng isa pang pag-aasawa.


Kaya, Carmela, tulad ng naipaliwanag na, nagbababala ang panaginip mo na puwede pa kayong magkabalikan ng ex-boyfriend mo kahit ikaw ay may asawa na. Ito ay isa ring trending ngayon, kaya lang, ito ay naililihim ng karamihan. Pero may isa pang trending sa modernong panahon na ito kung saan ang parehong may asawa ay nagiging magkarelasyon.


Dahil ito ay babala at ang babala ay puwede pang iwasan, nasa iyo na kung magiging matibay at matatag ka upang habambuhay mong mapanatiling buo ang iyong pamilya.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page