top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 21, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Joy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Napanaginipan kong may humahabol sa akin, tapos pagdating sa itaas, binigyan ako ng kumpare ko ng itak na kawayan. Ano ang ibig sabihin nito?


Naghihintay,

Joy

Sa iyo, Joy,


Oo, may humahabol sa iyo sa tunay na buhay, kumbaga, ang iyong panaginip ay nagpapahayag lang ng katotohanang sa iyo ay may humahabol. Pero sino o ano nga ba ang humahabol sa iyo? Ang sagot, hinahabol ka ng iyong nakaraan kung saan nagkamali ka, pero hindi mo naituwid o hindi mo nagawan ng paraan ngayon.


Kaya naman, nagsasabi ang iyong panaginip na muling babalik sa iyo ang ganu’ng pangyayari o sitwasyon, kaya ang payo sa iyo ay huwag mong takasan, sa halip, ito ay iyong harapin.


Kaya kawayan ang itak na ibinigay sa iyo ng kumpare mo ay dahil ang muling magbabalik na pangyayari sa buhay mo ay hindi naman talaga nakakatakot, kumbaga, kawayan lang ang kanyang katapat. Kaya muli, huwag mong takasan, sa halip, ito ay iyong harapin.


Sa panaginip, ang humahabol ay ang nagawang pagkakamali ng nanaginip, na kapag napanaginipan niya, ibig sabihin ay binibigyan siya ng pagkakataon na ito ay itama. Sabi nga, this time, what is right must be done.


Ang isa pang mahalagang dapat mong malaman ay sa iyong nakaraan, nang ikaw ay bata pa, may nagkagusto sa iyo na isang matanda na malayo ang edad sa iyo at noong ikaw ay kanyang matitigan, pumasok sa isip mo na siya ay may pagnanasa sa iyo kaya natakot ka at umiwas.


Sa ngayon, mayroon muling matanda na may pagnanasa sa iyo at ito ay makikita sa mga titig niya. Huwag kang matakot at huwag mo itong iwasan. Sa halip, gamitin mo ang ibig sabihin ng itak na kawayan na nagpapahiwatig na ang matanda ay para sa matanda. Ang pangit ay para sa pangit. Ang mahilig ay para sa mahilig.


Kalimutan mo na ‘yung nabanggit na ang pangit ay para sa pangit at ang mahilig ay para sa mahilig. Bagkus, ang ilagay mo lang sa isip mo ay ang matanda ay para sa matanda. Ito ang iparating mo sa kanya dahil ito ang kailangan niyang malaman at ito rin ang payo ng iyong panaginip.


Pero kung ikaw ay maganda, ang maganda ay para sa guwapo pero hindi sa matandang guwapo. At ang mahilig na para sa mahilig ay ginagamit lang naman sa matatanda na marami nang pinagdaanan na nagpapatunay sa kanilang pagiging mahilig.


Muli, harapin at huwag mong takasan o iwasan ang humahabol sa iyo. Ngayon na ang pagkakataong maisaayos mo ang isang nakaraan na naiwanang nakasalalay sa iyong pinakamalalim na kamalayan.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 20, 2021



Dear Professor,


Nakaranas ako ng sakuna, pero agad-agad na may nagpadala ng tulong mula sa itaas. Una, may mga nakasupot na damit at tinapay, damit na malaki, maliit, pahaba at pabilog.


Sobrang dami kong nakuha, as in, napuno ko ang isang malaking balikbayan box. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Carlota

Sa iyo, Carlota,


Wow! Ang masuwerteng balita mula sa iyong panaginip ay nagsasabing magkakasunud-sunod, pero parang sabay-sabay din na ikaw ay bubuwenasin. Dahil dito, magandang malaman mo na dapat ay mabuhay ka sa positibong pananaw. Kumbaga, harapin mo ang mga araw na darating nang malinis, wagas at dalisay ang iyong kalooban.


Dahil ang mga negatibong pananaw ay mga “dumi, basura at bagay na pangit” ay nakasisira ng personalidad.


Ipinapayo na umiwas ka sa mga taong problemado at nabubuhay sa maling panuntunan at sa mga taong relakmador, paladaing, palaangal, iyakin at malungkutin. Iwasan mo rin ang mga tao na alam mong sobrang pangit ng kapalaran.


Alam mo, ang mga taong hindi magaganda ang kilos, gawi at ugali ay nakahahawa na parang mga sakit o karamdaman. Ang mga taong sira ang buhay, mahirap nga lang paniwalaan ay nandadamay. Oo, sila ay iyong iwasan.


Alam mo, ang huling sinabi ko na “nandadamay” ay totoong nangyayari sa buhay ng tao. Pero ang isa pang totoo, hindi naman din alam ito ang nandadamay, kumbaga, hindi naman niya sinasadya, kaya lang, nangyayari sa buhay ng mga tao na dahil sira ang buhay ng malapit sa kanya, nasisira rin ang buhay nitong idinamay niya.


Kaya madalas mong makita sa mga social media network ang sinasabing “Surround yourself with positive people and positive things happens to you.”


Eh, sa negative naman, “Kapag napaligiran ng taong negatibo, sure na magkakaroon ka rin ng negatibong kapalaran,” kaya saan ka pa? Saan pa nga ba, eh ‘di sa positibo ka na.


At ang mas maganda ay huwag mo ring kalilimutan na kapag pinasaya mo ang iyong kapwa, sobrang matutuwa ang langit at lalo kang pagpapalain at makikita mo na sa taong ito ng 2021, ayon sa iyong panaginip, babaha ng mga suwerte at magagandang kapalaran sa buhay mo.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 18, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Eva na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Madalas akong umiiyak sa panaginip ko na parang totoo tungkol sa relasyon namin ng fiancée ko. Ano ang ibig sabihin nito?


Ang isa ko pang panaginip ay ang isang dangkal na alupihan ay hinahabol ko para patayin at napatay ko ‘yun. Ano ang ibig sabihin ng alupihan sa panaginip?


Naghihintay,

Eva

Sa iyo, Eva,


Alam mo ba kung bakit sa panaginip mo ay umiiyak ka? Ito ang katotohanan kung bakit naiiyak sa panaginip. Tanggapin mo ang katagang “The truth will set you free,” kumbaga, kapag natanggap mo ang katotohanan, sasaya at liligaya ka, gayundin, hindi ka na maiiyak pa.


Nagkukunwari kang malakas, nagkukunwari kang kaya mo ang mga problema mo, nagkukunwari kang iba ka sa lahat. Ito ang nangyayari sa iyo sa tunay na buhay dahil ayaw mong ipakita sa iyong fiancée at mga tao na ikaw ay mahina.


Kahit sa totoo lang, hirap na hirap ang iyong kalooban kung saan ikaw ay labis na nasasakal sa nangyayari sa iyong love life. May panahon ang lahat ng bagay, iha. Ito ay batas ng kapalaran na hindi kayang labanan ng sinuman.


Narinig mo na ba ang ang lumang aral sa buhay, pero hanggang ngayon ay talab pa rin na paulit-ulit na nararanasan ng bawat tao? Ito ay ang sinasabing “May panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtangis,” kung saan sa buhay mo ngayon, kasalukuyan nang nagaganap ang nasabing panahon.


Narinig mo na rin ba na nahihinog ang mga pangyayari tulad ng pagkahinog ng mga prutas? Ibig sabihin, hinog na ang panahon para mapasaiyo ang panahon kung saan dapat kang maiyak. Pero pilit mong nilalalaban dahil muli, nagkukunawari kang malakas, pero sa totoo lang, ikaw ay mahina.


Dahil hindi naman naaawat ang takbo ng mga panahon, wala ka ring magagawa para labanan ang panahon ng pagtangis at dahil kailangang ito ay mangyari, sa panaginip, tiyak na maiiyak ka.


Nagbababala ang nararanasan mo na lalo mong pinahihirapan ang iyong sarili, kaya ang payo ay nagsasabing umiyak ka nang umiyak. Kung ayaw mong makita ninuman ang pag-iyak mo, pumasok ka sa isang silid o CR at doon ka umiyak nang umiyak.


Narinig mo rin ba na sa pag-iyak ng tao ay gumiginhawa ang kanyang pakiramdam at kapag maginhawa ang pakiramdam ng tao, ang mga solusyon sa bagay na nagpapagulo sa kanyang isip ay isa-isang maglalabasan? Oo, masosolusyunan mo na ang mga gumugulo sa isipan mo na nagsasabing, lalaya ka sa mga nagpapahirap sa sarili mo.


Ang alupihan sa panaginip ay nagbababala ng sakit o karamdaman na sanhi ng mikrobyo na papasok sa katawan ng tao. Dahil dito, ikaw ay pinapayuhan na palakasin ang iyong immune system dahil kapag malakas ang resistensya ng isang tao, hindi siya tatablan ng masamang epekto ng nakapasok na mikrobyo sa kanyang katawan.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page