top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 29, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Yolly na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ang gara ng napanaginipan ko. Nanaginip ako na nakunan ako at nakita ko ‘yung fetus, tapos iyak ako nang iyak. May boyfriend ako sa totoong buhay at 8 years na kami, pero wala pa rin kaming anak hanggang ngayon.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko, mabubuntis ba ako at makukunan?


Naghihintay,

Yolly

Sa iyo, Yolly,


Masasalamin sa panaginip mo na nakunan ka dahil sa sobrang tagal na hindi ka mabuntis ng boyfriend mo at sa loob ng walong taon ay parang nawawalan ka na ng pag-asa.


Mali naman ang ganu’n na sobrang negatibo ka dahil ang tama ay kung ano ang nasa isip ng tao, ‘yun ang puwedeng mangyari sa kanya sa tunay na buhay. Kumbaga, mag-isip ka ng positibo at positibong resulta rin ang makukuha mo. Mag-isip ka ng negatibo, negatibong bagay din ang mapasasaiyo.


Ang ganitong katotohanan ay hindi naman nalalayo sa Batas ng Kapalaran na “Kung ano ang iyong itinanim, ito rin ang iyong aanihin.”


Dahil dito, narito ang ilang rekomendasyon para ikaw ay magkaanak:

  • Buhayin mo ang namamatay nang ningas ng iyong pag-asa.

  • Huwag mong hayaan na muling maapektuhan ka dahil 8 years na kayo ay hindi ka pa mabuntis.

  • Tuwing magtatalik kayo, dapat positibo ang nasa isip mo.

  • Bawat kilos, itugma mo sa posibilidad na ikaw ay magkakaanak na.

  • Sa mga pagkain, dapat ay masusutansiya na pagkain para sa iyong malusog na pagbubuntis. Ganundin sa mga inumin, mas magandang umiwas ka sa mga inumin nakakasira ng katawan.

  • Hindi lang sa pagkain kundi maging sa pag-aayos sa sarili mo kung saan mas maganda na maingat ka nang masugatan o masaktan.

  • Sa pagtulog at paggising ay ganundin, matulog ka nang may positibong pananaw.

  • Sa pakikipagkaibigan, mas maganda na masayahin ang iyong makakakuwentuhan. Kaya lumayo sa mga palaangal, reklamador at mga taong walang nakikita sa kapwa kundi ang kapintasan.

  • Makinig ka sa mga payo ng mga dalubhasa, kaya ‘wag kang tutulad sa iba na may nabasa lang sa internet ay parang mga eksperto na.

  • Higit sa lahat, huwag na huwag kang makakalimot sa Diyos na iyong kinikilala dahil Siya lamang at wala nang iba ang makatutulong sa pangarap mong magkaanak na. Kaya araw-araw, iisipin mo na ipagkakaloob na ni Lord ang kagustuhan mong magka-baby na.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 28, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Vangie na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Gusto kong malaman kung ano ang ibig sabihin ng panaginip tungkol sa puno ng mangga na hitik sa bunga at kaing-kaing pa ang naani, tapos, may tinda pa silang mga sweets gaya ng chocolate sa mismong manggahan?


Tapos, nagpakuha ako ng picture kasama ang kinakasama ko at aking anak na nakaumbok ang aking tiyan na parang buntis, pero sa totoo lang, malaki ang tiyan ko, pero hindi ako buntis.


Gusto ko ring malaman kung magkakaanak pa ba ako? Sana ay masagot n’yo ang aking mga katanungan dahil naguguluhan ako ngayon.


Naghihintay,

Vangie


Sa iyo, Vangie,


Siguro, ang nasa isip mo, magkaanak ka dahil ang iyong panaginip ay para bang nagsasabi na ikaw ay naglilihi. Ito ay sa dahilan na ang paniniwala natin na kapag sobrang nahilig sa isa o ilang pagkain, ang babae ay naglilihi.


Bukod pa rito, ayon sa iyong panaginip na nakaumbok ang iyong tiyan ay malinaw na palatandaan ng isang buntis, na para bang sinasabi ng iyong panaginip na ikaw nga ay mabubuntis.


Pero sa totoo lang, hindi ngayon ang panahon ng masaganang ani ng mangga, pero may mga mangga rin namang namumunga ngayon, kaya lang, kaunti pa lang ang mga hinog na bunga. At ang mga bunga ng mangga ngayon ay hindi pa puwedeng anihin dahil ang takdang pag-ani ng mga mangga ay mula Pebrero hanggang sa kalagitnaan ng taon.


Dahil dito, ibinabalita ng iyong panaginip na ikaw ay maglilihi sa mga buwan na ang mangga ay inaani nang hitik at maramihan talaga. Kumbaga, hindi pa ngayon ang takdang panahon ng iyong pagbubuntis, kundi sa nasabing mga buwan.


Ang tsokolate naman, puwede ring magpaglihian, pero ikaw ay binabalaan na ang kain nang kain ng chocolates sa panahon na ang babae ay buntis ay nagiging sanhi ng sobrang paglaki ng baby sa loob ng tiyan. Kaya ito ay isang babala dahil ‘pag sobrang laki ng baby sa tiyan, ang ina ay mahihirapan sa panganganak.


Dagdag na babala pa rin para sa iyo, ang pagkain nito ay magiging sanhi ng mataas na blood pressure, na hindi maganda sa mga buntis, lalo na sa panganganak.


Pero ibinabalita ng iyong panaginip na dahil ang panaginip ay kain nang kain ng mangga at tsokolate, ang iyong magiging anak ay magkakaroon ng masaganang buhay kung saan magpapakasasa siya sa masasarap at masasayang bagay dito sa mundo.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 27, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Cathy na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Ano ang ibig sabihin ng panaginip na ikakasal? Sa panaginip ko, ikakasal ulit kami ng asawa ko at masaya ang pamilya niya dahil nagkabalikan kami. Ano ang ibig sabihin ng panaginip kong ito?


Naghihintay,

Cathy


Sa iyo, Cathy,


Kung ngayon lang, mainam na ang nagtatapat sa iyo. Hindi pa kayo magkakabalikan ng asawa mo, kaya hindi mangyayari ang nasa iyong panaginip na muli kayong ikakasal sa malapit na hinaharap. Bakit?


Dahil ang iyong panaginipan ay napabibilang sa mga panaginip na “Nangyari na sa panaginip kaya hindi na mangyayari sa tunay na buhay.”


Medyo mahirap maintindihan ang batas na ito sa pagbibigay ng kahulugan sa mga panaginip dahil kakaiba ang naganap dito kaysa sa magaganap sa tunay na buhay. Kahit pa ang panaginip ay sobrang linaw na parang totoong-totoo ang nangyari.


Nangyayari ang ganitong mahirap maunawaang bagay sa mundo ng mga panaginip, pero ang isa pang totoo, pinagbibigyan tayo ng ating mga panaginip sa gusto nating mangyari dahil tulad sa iyo mismo, kitang-kita na matagal mo nang inaasam na magkabalikan kayo ng iyong asawa.


Ang pangunahing dahilan kaya may panaginip na ganito ay ang katotohanan na binabalanse ng panaginip ang ating buhay dahil kahit anong bagay, kapag hindi balanse ay hindi maganda o mabuti.


Kaya kapag malungkot ang tao, sa panaginip niya, siya ay masaya na para bang tinulungan siya ng kanyang panaginip na takasan ang kalungkutang nangingibabaw sa kanya, kaya siya ay masasabing pinasaya ng kanyang panaginip.


Kapag ang tao ay nabubuhay sa kasayahan, siya ay mananaginip ng malulungkot na bagay dahil muli, binabalanse ng panaginip ang ating buhay.


Ito rin ang dahilan kaya may mga nakakapanaginip ng mga senaryo sa langit kung saan ang tagong kahulugan sa tunay na buhay ay nakararanas siya ng kalupitan o siya ay pinagdadamutan ng kapwa niya tao ng kaligayahan, na para bang dito sa mundo, hindi masarap ang mabuhay.


Kung sisikapin mong maunawaan ang mga sinabi ko, madali mo nang mauunawaan ang iyong panaginip na kayo ay ikakasal ng asawa mo dahil nagkakabalikan kayo ay hindi pa magaganap sa malapit na hinaharap.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page