top of page
Search

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 1, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Ariel na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Isang retired police ang tatay ko at kareretiro lang niya ngayong taon. Sa panaginip ko, kinausap ako ng nanay ko at sabi niya, “Wala na ang tatay mo, patay na!” Habang kausap ako ng nanay ko, inaayos niya ‘yung uniform ng tatay ko na isusuot niya. Pagkatapos nu’n, bigla kong binuksan ang TV at ipinakita sa balita na wala na ang tatay ko. Nakahiga siya sa kalsada habang hawak ng pulis na nag-iimbestiga ang kanyang ulo.


Sa totoo lang, natatakot ako tuwing umaalis siya dahil ‘yung namatay niyang kaibigan na pulis din ay pinatay noong nakaraang taon. Kinausap niya ang tatay ko na may death threat silang dalawa noong nakaraang buwan lang. Kaya hindi naalis sa akin ang kaba at masagi sa isip ko na baka mawala ang tatay ko, lalo na’t marami kaming kaaway sa lupa, na inaangkin ng ibang tao na hindi purong taga-rito sa amin.


Sana ay mabigyang-linaw n’yo ang panaginip kong ito upang mawala na ang takot ko. Maraming salamat!


Naghihintay,

Ariel



Sa iyo, Ariel,


Alam mo, ang kadalasang laman ng panaginip ay ang mga alalahanin, pangamba at takot ng nanaginip.


Sa ganitong katotohanan, makikitang normal na mapanaginipan mo ang iyong ama na patay na dahil sa totoong buhay pala ay may death threat silang dalawa ng namatay niyang kaibigan.


Ipanatag mo ang iyong kalooban dahil ang mga alalahanin, pangamba at takot ng isang tao ay hindi naman nagkakatotoo. Dahil ang totoo, iho, ang alalahanin, pangamba at takot ay nasa isip lamang.


Mas maganda sa tao ang mabuhay nang positibo kung saan ang inaasikaso ay ang kanyang mga pangarap, ambisyon at magandang kinabukasan, kaya sa ganito dapat umikot ang iyong mundo.


Ang mga negatibong bagay ay dapat tanggapin nang maluwag sa loob dahil normal lang din naman na ang Haring Araw ay namamaalam sa dapit-hapon, pero masayang bumati ng bagong umaga sa bukang-liwayway.


Ilagay mo sa iyong isip na auman ang mangyari sa tatay mo, kagustuhan ng langit ang matutupad at masusunod sa dakong huli. Sa ganitong paraan, mapapanatag ka na.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 31, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Lawrence na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Ang panaginip ko ay dalawang malaking kalabaw. Ano ang kahulugan nito?


Naghihintay,

Lawrence


Sa iyo, Lawrence,


Kung magbabalik-tanaw tayo sa kahulugan ng baka o cow sa panaginip na ibinahagi sa atin mismo ng Banal na Kasulatan o Bible, ang baka ay kasaganaan ang kahulugan. Para mas malinaw, muli nating talakayin ang nakasulat sa Bible.


May isang pastol ng mga tupa na nabuhay sa Israel at ang kanyang pangalan ay Joseph. Bagama’t tagapagpastol siya ng mga tupa, ayon sa nasusulat, siya ay mahilig matulog, kumbaga, tulog lang siya nang tulog, kaya binansagan siya ng kanyang mga kapatid at nakakakilala sa kanya na “Joseph, the Dreamer.”


Dahil tulog siya nang tulog, kinainisan siya ng kanyang mga kapatid at siya ay inihulog sa isang malalim na balon, pero may nakapulot sa kanya at siya ay kinupkop. Hindi na siya nakita ng kanyang mga kapatid at inakala nilang si Joseph ay patay na.


Parang totoong-totoo ang kuwento sa Bible, hindi ba? Dahil kahit naman ngayon, ang kapatid na tulog nang tulog ay kinaiinisan ng kanyang mga kapatid. Hindi nga lang alam ng tulog nang tulog na ang panalangin ng kanyang mga kapatid ay bangungutin siya dahil wala namang silbi ang ganu’ng klase ng kapatid.


Sa paglipas ng maraming taon, ang Hari sa Ehipto ay nanaginip ng pitong baka na mataba at pitong baka na payat. Nagbalita ang Hari na kung sino ang makakapag-interpret ng panaginip niya ay bibigyan niya ng regalo at patitirahin sa palasyo.


Napakaraming pumunta sa Hari na nagsasabing marunong silang mag-interpret ng panaginip, kumbaga, napakaraming nagsasabing sila ay dream interpreter pero sila lang din naman ang nagdeklara nu’n.


Silang lahat ay naputulan ng ulo dahil nakahalata ang Hari na hindi naman sila tunay na bihasa sa pag-aanalisa ng mga panaginip. Kaya sa sobrang inis ng Hari at sa kanyang labis na frustration, ipinahanap niya si Joseph, the Dreamer dahil sa nickname pa lang ni Joseph ay naintriga na agad ang Hari.


Nang magharap na ang Hari at si Joseph, nakiusap sa kanya ang Hari na ipaliwanag sa kanya ang kahulugan ng pitong baka na mataba at pitong baka na payat.


Sinabi ni Joseph nang diretsahan sa Hari na ang pitong baka na mataba ay pitong taon ng masaganang ani at ang pitong baka na payat ay pitong taon ng taggutom, at nangyari nga! Nagkaroon ng pitong taong kasaganaan at pagkatapos nito ay pitong taon ng taggutom.


Ikaw, hindi ba, ang napanaginipan mo ay dalawang kalabaw na matataba? Ibig sabihin, dalawang taon na masaganang buhay ang mapasasaiyo— ito ang sinasabi ng kapalaran mo na mangyayari sa buhay mo sa malapit na hinaharap.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | January 30, 2021



Salaminin natin ang panaginip ni Rica na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Ano ang kahulugan ng panaginip na marami akong dinadampot na perang papel at maraming ahas?


Naghihintay,

Rica


Sa iyo, Rica,


Maraming panaginip ang magaganda ang ipinahihiwatig at isa na sa mga ito ang panaginip mo na marami kang dinadampot na pera. Dahil sa ganda ng iyong panaginip, tiyak na nang magising ka, ikaw ay masaya kahit hindi mo pa alam kung ano ang kahulugan nito.


At alam mo, kapag masaya ang tao, siya ay inspirado kung saan ang kanyang mga kilos ay magiging positibo. Kapag naman malungkot ang tao, mananamlay siya at ang kanyang pananamlay ay makikita sa kanyang mga kilos.


Kaya ang madalas na payo ay magsaya ka nang dumapo sa iyo ang mga suwerteng magpapasaya sa iyo. Sinasabi ring labanan mo ang lungkot dahil ito ang isa sa dahilan kaya pumapangit ang kapalaran.


At ang panaginip mo ay tunay ngang nagpasaya sa iyo. Ang isa sa dahilan kaya nananaginip ang tao ay para mabalanse ang kanyang buhay. Dahil kung hindi balanse ang buhay ang tao, makakaranas siya ng sobrang pangit na mga kaganapan.


Sa ngayon, totoong kailangan mo ang maraming pera at ang sabi naman ng panaginip mo, magkakapera ka dahil ito mismo ang kahulugan ng panaginip mo at ang pahabol na mensahe para sa iyo ay hindi mo na kailangan pang paghirapan ang mga perang ibibigay sa iyo ng langit at ito ang kahulugan ng namumulot ka ng maraming pera.


Ang maraming ahas sa panaginip ay nagsasabing marami ring mga tukso ang magtatangkang sumira ang buhay mo. Oo, sisirain dahil ang tukso ay sumisira sa buhay ng tao at dahil alam mo na ngayon na nakasisira ng buhay ang tukso, bago ka pumasok sa pakikipagrelasyon, isipin mo muna kung masisira na ang buhay mo o matutulungan ka ng pakikipagrelasyong papasukin mo na mapaganda ang iyong kinabukasan.


Kaya ang huling panaginip mo na maraming ahas ay nagbababala na kapag hindi ka nakinig sa babala ng iyong panaginip, mapapahamak ka at sa huli ay magsisisi.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

 
 
RECOMMENDED
bottom of page