top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | August 11, 2022



ree

Dear Doc Erwin,


Ako ay 56 years old na empleyado sa pribadong kumpanya. Ilang buwan nang nakaraan ng mag-umpisa akong makaranas ng madalas na pag-ihi at tuwing ako ay umiihi ay nararamdaman ko na may natitira pang ihi sa aking pantog. Dahil dito, minarapat kong magpatingin sa doktor. Ako ay ini-refer sa urologist, na siya namang nag-request ng laboratory tests, kasama ang tumor markers.


Ano ang tumor markers? Bakit kinakailangang mag-request ang doktor ng tumor markers? Sana ay mabigyan ninyo ng sagot ang aking mga katanungan. - Rolando


Sagot


Maraming salamat Rolando sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang tumor marker ay mga substances, tulad ng protein, na pino-produce ng cancer cells o kaya ng mga normal cells in response sa cancer. Maaari rin mag-produce ng tumor marker ang mga hindi cancerous na tumor.


Maaaring makita ang tumor marker sa dugo, sa ihi o sa ating dumi. Maaari rin itong makita sa mismong tumor (bukol) at sa ibang body fluids, tulad ng tubig sa ating utak (cerebrospinal fluid).


Maraming uri ng tumor markers ang ginagamit ng mga doktor upang makatulong sa panggagamot o makatulong sa diagnosis ng cancer. Halimbawa, ang alpha-fetoprotein (AFP) na makikita sa dugo ay ginagamit para ma-diagnose ang liver cancer at masundan ang response ng pasyente sa gamutan. Ang Bladder Tumor Antigen (BTA) naman ay makikita sa ihi at ginagamit ito upang i-monitor ang cancer sa pantog (bladder). Ang tumor marker na CA 15-3 ay ginagamit sa diagnosis at monitoring ng breast cancer. Ang CA-125 naman na makikita rin sa dugo, tulad ng nabanggit na CA 15-3, ay mahalaga upang ma-diagnose, ma-monitor ang response sa gamutan at malaman kung muling bumalik ang ovarian cancer.


Base sa inyong binanggit na sintomas, maaaring nakararanas kayo ng paglaki ng inyong prostate. Ang mga tumor markers na ni-request ng inyong doktor ay maaaring may relasyon sa inyong prostate. Ang kadalasan na tumor marker upang ma—monitor ang kalagayan ng prostate ay ang Prostate-specific antigen (PSA) at ang Prostatic Acid Phosphatase (PAP).


Ang PSA ay ginagamit ng mga doktor upang makatulong ma—diagnose ang prostate cancer, malaman ang response sa gamutan at ma-monitor kung bumalik ang prostate cancer. Ayon sa National Cancer Institute ng Amerika, ginagamit din ang PSA ng mga doktor bilang screening at monitoring sa kalalakihang may edad na 50 pataas. Bukod sa prostate cancer, maaaring tumaas din ang PSA level kung may prostatitis (pamamaga ng prostate) o kung mayroong paglaki ng prostate (benign prostatic hyperplasia).


Matapos ninyong magpa-laboratory examination at tumor marker test ay kinakailangan bumalik at muling kumunsulta sa inyong doktor upang maipaliwanag sa inyo ang resulta ng examination ng mga tumor markers. Ang interpretasyon ng tumor markers ay ginagawa matapos ang iba pang diagnostic examination, tulad ng physical examination at imaging tests.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | August 6, 2022



ree

Dear Doc Erwin,


Ako ay 46 years old at sabi sa akin ng company physician ay slightly overweight. Nagbigay ng request for laboratory examinations ang aming doktor upang aniya'y ma-monitor ang aking blood sugar. May family history kami ng diabetes. Ang aking ina ay namatay dahil sa komplikasyon ng kanyang diabetes. May paraan ba na ako ay makaiwas sa diabetes? Ano ang prediabetes? Narinig ko ito na binanggit ng doktor. Ano ang kaibahan nito sa diabetes? - Zinia


Sagot


Maraming salamat Zinia sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang diabetes mellitus o “diabetes” sa madaling salita ay kondisyon, kung saan abnormal na tumataas ang glucose level ( o blood sugar) sa ating dugo. Maaari itong mangyari kung walang insulin o kulang ang insulin na pino-produce ng ating katawan o kaya ay hindi maayos na nagagamit ng ating katawan ang insulin. Ang unang kondisyon ay tinatawag na Diabetes mellitus Type 1 at ang pangalawang kondisyon ay Diabetes mellitus Type 2.


May iba pang uri ng diabetes, tulad ng gestational diabetes at latent autoimmune diabetes. Ang binanggit ng iyong doktor na “prediabetes” ay kondisyon, kung saan umpisa ng tumataas ang iyong blood sugar level. Kadalasa'y wala itong sintomas na mararamdaman at ang fasting blood sugar level ay nasa 100 hanggang 125 mg/dL. Kung hindi ito mapipigilan ay mauuwi ang prediabetes sa diabetes.


May risk factors sa prediabetes. Ang iyong pagiging overweight ay kondisyon na magpapataas ng posibilidad na ikaw ay magkaroon ng prediabetes.


Ang edad mo na higit sa 45 years old at ang pagkakaroon ng magulang na may diabetes ay mga risk factors din. Dahil sa mga nabanggit ay mataas ang posibilidad na ikaw ay magka-prediabetes at kalaunan ay magkaroon ng diabetes.


Maaari mo bang maiwasan ang prediabetes at ang diabetes? Maraming research studies sa Amerika, Finland at sa China na nagpapakita na ang diabetes at prediabetes ay mga “preventable diaseases” - Ito ay mga sakit na maaring maiiwasan.


Ayon sa pag-aaral na tinawag na Nurses’ Health Study kung saan pinag-aralan ng mga researchers ang 85,000 na mga babaeng nurses, mapapababa ang posibilidad na magkaroon ng sakit na prediabetes at diabetes.


Nakita sa resulta ng pag-aaral na ito na mga nurses na tama ang timbang (hindi overweight), may healthy diet, nag-e-exercise ng 30 minuto o higit pa kada araw, hindi naninigarilyo at umiinom ng alak na katamtaman lamang, ang indibidwal na mababa ang posibilidad (low risk) na magkasakit ng prediabetes at diabetes. Ganito rin ang naging resulta ng pag-aaral sa kalalakihan na tinawag na Health Professionals Follow-up Study.


Ang magandang katanungan ay maaari bang ma-reverse ang diabetes o prediabetes? Kung ang ibig sabihin ng reverse ay maitigil ang gamot sa diabetes matapos ng mga lifestyle changes (pagkontrol ng timbang, healthy diet at exercise), marami ng reports na na-reverse nila ang diabetes. Ito ay posible sa prediabetes, diabetes mellitus Type 2 at sa gestational diabetes.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | August 2, 2022



ree

Dear Doc Erwin,


Ako ay dating overseas Filipino workers (OFW) sa Europe, kung saan nagtrabaho ako sa loob ng 20-taon. Sa lugar na aking tinitirhan ay pinapayuhan ang mga residente na uminom ng Selenium supplement. Dahil dito ay naging ugali ko na ang uminom nito araw-araw.


Sa pag-uwi ko sa Pilipinas, iniisip ko na itigil na ang pag-inom ng Selenium supplement.


Tama ba na itigil ko na ito? Ano ang epekto kung magkulang sa Selenium? - Josephine


Sagot

Maraming salamat Josephine sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ayon sa systematic review ng mga pag-aaral tungkol sa Selenium intake sa iba’t ibang bansa na nailathala sa scientific journal na Nutrients noong March 2015 ay may kakulangan sa Selenium ang diet ng mga populasyon sa Europe, United Kingdom o UK at sa Middle East.


Ang Selenium, ayon sa Harvard School of Public Health ay isang trace mineral na kinakailangan ng katawan upang makagawa ng mga enzymes at proteins na ginagamit nito upang makagawa ng genetic material (DNA) at maprotektahan ang ating katawan laban sa cell damage at infection.


Tumutulong din ang Selenium upang makagawa ang katawan ng thyroid hormone na gamit upang mapanatili ang tamang metabolism. Makikita ang mataas na concentration ng Selenium sa ating muscles at sa ating thyroid gland.


Kinakailangan natin ng 55 micrograms ng Selenium araw-araw. Mas mataas ng bahagya ang pangangailangan sa Selenium ng mga buntis at nagpapasuso ng bata, 60 hanggang 70 micrograms araw-araw. Makukuha ang Selenium mula sa pagkain, tulad ng isda, karneng baka, turkey at manok. Mayaman din sa Selenium ang Brazil nuts, beans at lentils. Kung ang ilan sa mga nabanggit ay kasama sa iyong kinakain sa araw-araw ay maaaring napupunan mo na ang Recommended Daily Allowance (RDA) na nabanggit natin at maaaring itigil ang iyong Selenium supplement.


Kung ikaw ay vegetarian o vegan at hindi nakakakain ng mga pagkain na mayaman sa Selenium ay maaaring ipagpatuloy ang pag-inom ng Selenium supplement. Tandaan, kailangan natin ang hindi bababa sa 55 micrograms sa araw-araw upang hindi magkaroon ng Selenium deficiency, kung saan maaaring magkasakit sa puso (cardiomyopathy) at magkaroon osteoarthritis. Ayon sa pag-aaral sa New Zealand noong 2014, maaaring din magkaroon ng depression kung kulang sa Selenium. Ang mga sintomas na nagkukulang ka sa Selenium ay ang pagsusuka, pagsakit ng ulo, panghihina, seizure at coma.


Makakasama rin ang sobrang Selenium. Ayon sa scientific article, hanggang 800 micrograms ng Selenium ang maaaring inumin araw-araw na hindi magkakaroon ng adverse effect. Kung sosobra ang iinumin na Selenium araw-araw ay maaaring makaranas ng side-effects sa katagalan, tulad ng pagkalagas ng buhok at unti-unting pagtanggal ng mga kuko sa kamay at paa.


Ang kondisyon kung saan nasa toxic level na ang Selenium ay tinatawag na “selenosis”, kung saan maaaring magkaroon ng atake sa puso, kidney failure at acute respiratory distress failure.


Magkakaiba ang resulta ng mga pag-aaral tungkol sa Selenium. Bagama’t ang iba ay nagpapakita ng pagbaba ng risk para sa cancer at pagkamatay dahil dito, ang iba namang pagaaral ay hindi nagpapakita ng ganitong epekto. Iba’t iba rin ang resulta ng mga pag-aaral tungkol sa Selenium supplementation at epekto nito sa sakit sa thyroid at sa puso.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page