top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 3, 2022



ree


Dear Doc Erwin,


Na-diagnose ng breast cancer ang nanay ko kamakailan at sumailalim siya sa operasyon. Nagmungkahi ang kanyang doktor matapos ang operasyon na siya ay sumailalim sa chemotherapy ngunit pinili ng nanay ko na sumangguni sa doktor ng natural medicine.


Isa sa mga alternative na paglaban sa cancer na iminungkahi sa kanya ay fasting. Mabisa umano itong paraan upang maiwasang bumalik ang cancer o kumalat ito. Nais ko sanang malaman kung may pag-aaral ang mga scientists sa bisa ng fasting laban sa cancer at kung ito ay makabubuti o makasasama sa kalusugan ng aking ina. - Janjan


Sagot


Maraming salamat Janjan sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Sa review article na inilathala noong August 12, 2021 sa scientific journal na CA: A Cancer Journal for Clinicians ay sinabi ng mga scientists mula sa Washington University School of Medicine ng Missouri, USA at Faculty of Medicine and Health ng University of Sydney sa New South Wales, Australia na ang fasting may “powerful anticarcinogenic actions”. Sa madaling salita, ayon sa mga dalubhasa sa medisina itinuturing nila ang fasting bilang mabisang paraan upang labanan ang cancer.


Isa sa mga uri ng fasting na naging popular ay ang Intermittent Fasting o IF. Ayon sa International Food Information Council Foundation (IFICF), Intermittent Fasting ang madalas isinasangguni ng mga cancer patients sa kanilang oncologists (doktor na specialista sa cancer) upang malaman ang mga beneficial effects nito upang maiwasan at gamutin ang cancer.


Ayon sa mga naunang pag-aaral, ang pagpa-fasting ng mga pasyenteng may cancer ay ligtas at mabisa rin upang mabawasan ang paglaganap ng cancer. Mabisa rin itong pamamaraan upang mabawasan ang side effects sa mga pasyenteng may cancer na sumasailalim sa chemotherapy, tulad ng pagkapagod, pagsusuka, sakit ng ulo at muscle cramps.


Paano nga ba nilalabanan ng intermittent fasting ang cancer? Maraming pag-aaral kung paano nilalabanan ng intermittent fasting ang cancer.


Dahil ang obesity at diabetes ay risk factors sa pagkakaroon ng cancer, anumang paraan na makapagpapabawas ng timbang at nagbabawas ng insulin resistance ay makatutulong upang makaiwas sa cancer. Kung mataas ang insulin resistance ay tumataas ang blood sugar level at mabilis din ang pagtaba. Ayon sa mga pag-aaral, nakatutulong ang intermittent fasting upang mabawasan ang insulin resistance at tumaas ang insulin sensitivity. Dahil dito, bumababa ang blood sugar level at nababawasan ang timbang ng taong nag-i-intermittent fasting. Ayon sa medical researchers, dahil sa improvement ng insulin sensitivity ay nahihirapan ang cancer na lumaki o kumalat. Dahil din dito ay bumababa ang risk ng pagkakaroon ng cancer.


Ang isa pang paraan na nilalabanan ng intermittent fasting ang cancer ay ang pag-stimulate nito ng autophagy. Ang autophagy ay paraan ng ating katawan upang irecycle o gamitin muli ang mga nasirang cells o abnormal cells tulad ng cancer cells. Ayon sa mga pag-aaral dahil sa intermittent fasting at pag-stimulate nito ng autophagy ay nagiging aktibo ang tumor-suppressing genes o genes natin na responsible sa pagpigil sa cancer.


Ayon sa scientific article na inilathala noong June 5, 2014 sa journal na Cell Stem Cell, ang pagpa-fasting mula 48-hours hanggang 120-hours ay nagpapalakas ng immune system. Ina-activate nito ng immune system upang labanan ang mga toxins at stress. Dahil din sa fasting ay ginagawang aktibo ang mga stem cells ng ating immune system upang maparami ang white blood cells. Ang white blood cells ay lumalaban sa infection at mga sakit, kasama na ang cancer.


Nakatulong din ang intermittent fasting upang mas lumakas ang ating katawan nang sa gayun ay mabawasan ang toxic effects ng chemotherapy sa mga cancer patients. Pinoprotektahan nito ang dugo sa masamang epekto ng chemotherapy.


Sana ay nasagot natin ang iyong mga katanungan at makatulong sa inyong pagdedesisyon na gamitin o hindi ang intermittent fasting upang labanan ang cancer ng iyong ina. Maaari kayong sumangguni muli sa inyong doktor na natural medicine specialist upang malaman kung makabubuti ang intermittent fasting sa sakit ng iyong ina.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 22, 2022



ree

Dear Doc Erwin,


Ako ay regular na tagasubaybay ng inyong Sabi ni Doc column. Retirado akong elementary teacher at naging kaugalian ko na ang magbasa ng dyaryo, araw-araw. Sabi nila ang pagbabasa ay makatutulong upang maiwasan ang unti-unting panghihina ng memorya ng nakakatanda. Bukod sa pagbabasa ay regular din akong nag-e-exercise at umiinom ng multivitamins. Makatutulong umano ang multivitamins upang mapanatili ang malusog na katawan at isipan kung hindi sapat ang masustansyang kinakain araw-araw. Ito ang dahilan kung bakit patuloy akong umiinom nito kahit may kamahalan.


Nais kong malaman kung may makabagong pag-aaral tungkol sa benepisyo ng regular na pag-inom ng multivitamin ng mga seniors na tulad ko. - Eugenia


Sagot


Maraming salamat Ma’am Eugenia sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Tradisyunal ng ipinapayo ng mga doktor ang regular na pag-e-exercise at pagkain ng masusustansyang pagkain upang mapanatili ang malusog na pangangatawan at kaisipan. Ngunit may pagkakaiba ng opinyon ang mga doktor tungkol sa regular na pag-inom ng multivitamins.


Tingnan natin ang pinakamalaking clinical trial na isinagawa noong 1997 hanggang 2011. Tinawag itong Physicians’ Health Study II. Sa trial ay pinag-aralan ang epekto ng pag-inom ng Vitamin C, Vitamin E at multivitamin/mineral supplement upang makaiwas sa sakit sa puso, cancer, sakit sa mga mata at cognitive decline. Mahigit 14, 000 kalalakihan na may edad 50 pataas ang lumahok sa clinical trial na ito.


Ang resulta—matapos ang sampung taon na pag-aaral (natapos noong 2007) ay hindi nakatulong ang Vitamin C at Vitamin E upang makaiwas sa sakit sa puso at cancer.


Ngunit maganda ang naging resulta ng epekto ng pag-inom ng multivitamins sa pagkakaroon ng cancer at catarata. Matapos ang mahigit 11 taon na pag-aaral (natapos ito noong 2011) ay nabawasan ng 12 porsyento ang risk na mamatay sa iba’t ibang uri cancer. Bagama’t walang nakitang epekto ang regular na pag-inom ng multivitamins sa pagkakaroon ng prostate cancer ay nakatulong ito sa pagbaba ng risk na magkaroon ng catarata.


Sa pinakabagong clinical trial na isinagawa sa North Carolina, USA at inilathala nito lamang September 14, 2022 sa official scientific journal ng Alzheimer’s Association na Alzheimer’s & Dementia ay nakitaan ng magandang epekto sa overall brain health, memory at executive functions ng seniors edad 65 pataas. Ayon sa Wake Forest University School of Medicine sa North Carolina ay makatutulong ang regular na pag-inom ng multivitamins upang mapabagal ng halos 60 porsyento ang unti-unting paghina ng brain function.


Kung ang pagbabasehan natin ay ang pinakabagong clinical trial sa Amerika, kung saan lumahok ang mahigit 2,000 na may average age na 73 years old at ang nakaraan na Physicians’ Health Study II kung saan mahigit na 14, 000 ang mga study participants, makatutulong ang pag-inom ng multivitamins. Bukod sa pagbagal ng paghina ng brain function ay maaari rin itong makatulong upang mapababa ang risk na magkaroon ng iba’t ibang uri ng cancer.


Sumangguni sa inyong doktor kung ninanais ninyong ipagpatuloy o mag-umpisang regular na uminom ng multivitamins upang makasigurong ang multivitamin supplement ay nararapat at makabubuti sa inyong kalusugan.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | November 15, 2022



ree

Dear Doc Erwin,


Ako ay health buff—mahilig mag-exercise at kumain ng masustansyang pagkain. Marami na akong nabasa tungkol sa health benefits ng mga pagkaing mayaman sa magnesium o pag-inom ng magnesium supplement kung hindi sapat ang nakukuhang magnesium sa pagkain. Ngunit may nabasa akong artikulo sa health magazines na may ginagampanang papel ang magnesium sa paglaban sa mga sakit at kanser. Ito ba ay fake news upang maibenta ang magnesium supplements? O, may pag-aaral na ba tungkol sa bisa ng magnesium? - Rain


Sagot


Maraming salamat Rain sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Makatotohanan ang iyong binanggit na may health benefits ang mineral na Magnesium. Maraming research studies na nagpakita ng bisa nito upang mapalakas ang exercise performance, lalo na sa may edad na. Tumutulong din ang Magnesium sa mga bodybuilders na lumakas at mapalaki ang kanilang muscle mass. Epektibo rin ayon sa mga pananaliksik ang Magnesium sa mga atleta upang lalong lumakas at makaiwas sa muscle damage na karaniwang nararanasan ng mga atleta matapos ang sports competition.


Samantala, inilathala noong 2015 sa Journal of the American Board of Family Medicine na ang kakulangan sa Magnesium ay nagdudulot ng depresyon at makatutulong ang pag-inom ng Magnesium supplements upang mabawasan ang mga sintomas nito.


Malawak na rin ang paggamit ng mga doktor ng Magnesium supplements sa mga pasyente upang makaiwas sa pagtaas ng blood sugar level, makaiwas sa sakit sa puso, stroke at high blood pressure. Iniinom na rin ito bilang panlaban sa migraine attacks, PMS o premenstrual syndrome at anxiety.


Tungkol naman sa iyong katanungan sa papel na ginagampanan ng Magnesium sa paglaban sa iba’t ibang sakit at cancer. Ayon sa scientific article na isinulat ni Dr. Forrest Nielsen, ang kakulangan sa Magnesium ng ating katawan ay magdudulot ng tinatawag na “chronic low-grade inflammation”, risk factor sa pagkakaroon ng sakit sa puso, hypertension at diabetes. Sinang-ayunan ito ng artikulo noong February 10, 2022 ng University of Cambridge School Clinical Medicine, kung saan sinabing ang level ng Magnesium sa ating katawan ay importante upang labanan ng ating immune system ang iba’t ibang sakit at mga cancer cells. Binanggit din sa artikulo na ang cancer cells ay mabilis kumalat kung may kakulangan sa Magnesium. Humihina rin ang immune system sa paglaban nito sa mga flu viruses.


Sa pinakabagong research study na inilathala sa scientific journal na Cell noong February 17, 2022, sinabi ng mga scientists mula sa Switzerland at Amerika na kinakailangan ng mga T Cells ng ating immune system ang Magnesium upang malabanan ang mga abnormal at infected cells.


Anila, importante ang Magnesium sa ating immune system upang labanan ang iba’t ibang sakit, cancer, lalo na ng mga pasyente na sumasailalim sa cancer immunotherapy.

Ang Recommended Daily Allowance (RDA) o Adequate Intake (AI) para sa Magnesium ay 400mg hanggang 420mg sa kalalakihan na may edad 18 pataas at 310mg hanggang 320mg naman sa kababaihan.


Ano’ng pagkain ang mayaman sa Magnesium? Ang pumpkin seeds, chia seeds, almonds, cashew at black beans ay mataas ang nilalaman na Magnesium. Gayundin ang spinach, brown rice, peanut butter at avocado.

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page