top of page
Search
  • BULGAR
  • Jul 3, 2023

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | July 3, 2023



ree

Doc Erwin,


Nabasa ko ang inyong nakaraang artikulo tungkol sa mga benepisyo ng pagkain ng low carbohydrate or ketogenic diet sa blood pressure, blood sugar level at lipid profile.


Dahil dito ay naisipan ko na gamitin ito upang maiwasan ang high blood pressure at gayon din upang mapanatiling nasa tama ang aking timbang.


Sa isang magasin ay nabasa ko na mas makakabuti sa kalusugan ang paggamit ng sesame oil sa pagluluto o pagprepara ng pagkain. Nais kong malaman kung papaano makakabuti sa aking kalusugan ang paggamit ng sesame oil sa aking pagkain. Ano po ang mga benepisyo ng paggamit ng sesame oil? Maaari ba itong makasama sa aking kalusugan? - Jennie Dela Cruz


Maraming salamat Jennie sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng Bulgar newspaper.

Ang sesame oil ay nagmula sa mga buto ng sesame plant (sesame indicum). Sa ibang bansa ang tawag dito ay “Benne”. Nasa 44% hanggang 60% ng buto ng sesame ay langis.


Dahil sa stability ng langis na ito, ang langis ng sesame ay popular na ginagamit sa mga Japanese at Chinese cuisines, ganoon din sa mga pagkain mula sa Pilipinas at Middle East countries.


Ayon sa mga history books, maaaring nagmula ang sesame plant sa Asia o sa East Africa. Batay sa mga archaeological evidence, ginagamit ng mga ancient Egyptians ang sesame bilang grain flour. Ginamit din ito ng mga Chinese mahigit 5,000 taon na ang nakararaan sa paggawa ng Chinese ink blocks. Inihahalo din ng mga ancient Romans ang sesame sa luyang dilaw (cumin) upang gawing palaman sa tinapay. Pinaniniwalaan naman na may mystical powers ang sesame - ang katunayan nito ay ang katagang “open sesame” na galing sa Arabian Nights stories.


Bagama’t ang mga sesame seeds ay mayaman sa protina at iba’t ibang uri ng Vitamin B, nawawala ang mga ito matapos maproseso ang mga sesame seeds upang maging sesame oil. Nawala man ang mga nutrients na nabanggit, nananatiling maraming health benefits ang sesame oil dahil sa mayaman ang ito sa antioxidants katulad ng omega-3 at omega-6 fatty acids, Vitamin E at phytosterols, na maaaring makatulong sa pag-iwas sa sakit sa puso, kanser at pagkasira ng ating balat dahil sa ultraviolet light.


Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa sa Harokopio University sa Athens, Greece nina Dr. Kalliopi Karatzi at iba pang mga siyentipiko, kung saan sinuri nila ang epekto ng sesame oil sa mga study participants na may high blood pressure. Dalawang oras matapos kumain ng pagkain na may sesame oil, bumaba ang blood pressure ng mga study participants. Napanatili ring mababa ang blood pressure ng mga study participants na nagpatuloy na kumain ng pagkain na may sesame oil hanggang dalawang buwan.


Ayon kay Dr. Karatzi, ang epekto ng sesame oil ay kaagad nararamdaman matapos ang dalawang oras na kumain ng pagkain na may sesame oil, at ito ay mapapanatiling mababa ang blood pressure hanggang dalawang buwan kung ipagpapatuloy ang paggamit ng sesame oil. Inilathala ang resulta ng scientific study na ito sa European Journal of Preventive Cardiology noong April 1, 2013.

Ang nabanggit na study ay consistent sa resulta ng pag-aaral na isinagawa ng grupo ng mga siyentipiko na pinangunahan ni Dr. Sankar na inilathala sa Journal of Medicinal Food noong September 27, 2006.


Sa pag-aaral na ito, bumaba ang blood pressure ng mga indibidwal na hypertensive diabetics o mga diabetiko na may high blood pressure na gumamit ng sesame oil sa kanilang pagkain. Bumaba rin ang blood sugar at lipid profile (total cholesterol, bad cholesterol at triglyceride) nila. Nang itinigil ang paggamit ng sesame oil ay muling tumaas ang blood pressure, blood sugar at lipid profile ng mga study participants.


Sa naunang research study ng grupo ni Dr. Sankar na nailathala sa Clinica Chimica Acta noong 2005, kumpara sa sunflower oil at sa ground nut oil ay mas mabisa ang sesame oil na magpababa ng blood pressure, blood sugar at lipid profile.


Malinaw sa mga naturang pag-aaral ang epekto ng sesame oil na pagpapababa ng blood pressure.


Ganoon din sa pagbaba ng blood sugar at lipid profile.


Maaari bang makasama sa kalusugan ang sesame oil? Isa ang sesame oil sa pinakamadalas na puwedeng maging dahilan ng allergic reaction, kaya’t kailangang ingatan ang paggamit nito. Maaaring magsagawa ng skin testing bago gamitin ito.


Puwede ring maging dahilan ng pagtaba o pagbigat ng timbang kung sobra ang paggamit ng sesame oil sa ating pagkain. Kailangang limitahan ang paggamit o pag-inom ng sesame oil sa isang kutsara (15ml) o dalawang kutsara (30 ml) araw-araw upang makaiwas sa pagdagdag ng timbang.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan po kayo ay mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | June 26, 2023


ree

Doc Erwin,


Ilang taon na po akong masugid na tagasubaybay ng diyaryong Bulgar at ng kolumn ng Sabi ni Doc. Ako ay 54 years old at may limang taon na ring na-diagnose na maysakit na diabetes at hypertension. Ayon sa resulta ng aking mga laboratory exams, madalas ay mataas din ang aking cholesterol at triglyceride. Ako ay umiinom ng mga gamot upang bumaba ang blood sugar, blood pressure at ang cholesterol.


Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga gamot at sa aking pagnanais na maihinto na ang pag-inom ng mga gamot ay humingi ako ng payo sa isang nutritionist kung ano ang nararapat na diet upang bumaba ang aking blood sugar, blood pressure, cholesterol at triglyceride. Ayon sa kanya, makakabuti ang low carbohydrate (“low-carb” or “keto”) diet. Nais kong malaman kung ano po ang low-carb diet at kung ang kanyang payo ay makakatulong para bumaba aking blood pressure at maisaayos ang aking lipid profile. -Ben Santos


Maraming salamat po sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at pagtangkilik sa Bulgar newspaper.


Ang ketogenic diet or mas kilala sa tawag na “keto” at “low-carb” diet ay isang pamamaraan na ginagamit ng mga doktor upang bumaba ang timbang at blood sugar level ng mga indibidwal na may obesity at may diabetes.


Ngunit sa mga makabagong scientific studies, mas marami pa ang nagagawa ng keto or low carbohydrate diet bukod sa pagpababa ng timbang at ng blood sugar level.


Sa pag-aaral ng mga siyentipiko na pinangunahan ni Dr. David Unwin, isang pangunahing mananaliksik sa United Kingdom, bumaba ang blood pressure, timbang, at lipid profile ng 154 na mga pasyente na may Type 2 diabetes o mga pasyente na mataas ang blood sugar level. Inilathala ang resulta ng pananaliksik na ito sa International Journal of Environmental Research and Public Health noong August 2019.


Kung susuriin natin ang resulta ng research na ito, makikita natin na bumaba ang systolic at diastolic blood pressure ng mga pasyente. Dahil dito naitigil din o naibaba ang dose ng mga anti-hypertensive medications (gamot sa high blood pressure) na iniinom ng mga pasyente.


Bukod sa epekto ng keto or low-carb diet sa high blood pressure, ay nagkaroon din ng significant improvement sa lipid profile ng mga study participants. Napapababa ng low carbohydrate diet ang cholesterol at triglyceride levels ng mga pasyente. Ang serum triglyceride level ng mga pasyente ay napapababa ng mahigit sa 30 porsyento. Isa itong halimbawa na ang pagbabago sa ating mga kinakain ay malaki ang epekto sa ating kalusugan.


Dahil na rin sa maraming nakaraang mga pananaliksik tungkol sa epekto ng low carbohydrate diet sa timbang ay inasahan na ng mga researchers ang pagbaba ng timbang ng mga study participants.


Bumaba ang timbang ng mga pasyente mula 5 hanggang 13 kilos o average na 9.5 kilos. Ang pagbaba ng timbang ay maaring isa sa mga dahilan ng pagbaba ng blood pressure.

Sa pag-aaral ng grupo ng mga manaliksik mula sa University of Antwerp sa Belgium na pinangunahan ni Dr. Mertens, nakitaan ng pagbaba ng blood pressure ang mga indibidwal na bumaba ang timbang mula 5 hanggang 10 porsyento.


Maaari ring maitigil ang pag-inom ng gamot sa high blood pressure kung maibababa ang timbang. Inilathala ang resulta ng pag-aaral ni Dr. Martens sa scientific journal na Obesity Research noong May 2000.


Kung pagbabasehan natin ang resulta ng mga scientific studies na ito ay maaaring makatulong ang low carbohydrate (low-carb) or ketogenic (keto) diet upang maitigil mo (o maibaba ang dose) ang pag-inom ng mga gamot sa high blood pressure, high blood sugar, cholesterol at triglyceride.


Makabubuti na isangguni sa inyong doktor ang planong ito upang mapangalagaan ang inyong kalusugan.

Maraming Salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | February 6, 2023


ree

Sa nakaraang dalawang artikulo ng Sabi ni Doc, tinalakay natin ang Naturopathic Medicine at ang iba’t ibang uri ng pamamaraan na ginagamit ng mga Naturopathic doctors sa paggamot ng hypertension o high blood pressure.


Habang tinatalakay natin kung paano ginagamot ng mga naturopathic physicians ang high blood pressure, nakatanggap ang Sabi ni Doc ng e-mail kay Laura, isang masugid na tagasubaybay ng ating kolum.


Nais malaman ni Laura kung may natural na paraan upang magamot ang kanyang migraine o kung paano makakaiwas dito. Gayundin, kung may pamamaraan ba ang mga naturopathic practitioners laban sa migraine? Ayon kay Laura, ang kanyang migraine ay nagaganap tuwing mayroon siyang menstruation. Bagama’t may iniinom siyang mga gamot sa migraine na inireseta ng kanyang doktor, nais niyang pag-aralan ang mga natural na paraan upang maiwasan ang pag-atake ng migraine.


Ayon sa isang pag-aaral, kung saan ang resulta nito ay inilathala noong 1989 sa scientific journal na ang headache ay nakita ng mga researchers na mababa ang level ng magnesium sa utak ng mga individual na may migraine. Ganito rin ang resulta ng isa pang pag-aaral noong 2001 sa mga indibidwal na may migraine at cluster headaches.


Noong 2002, isang artikulo sa neurology medical journal ang nagpakita rin na mababa ang level ng magnesium sa utak ng mga may severe migraine na may kasamang neurological symptoms.


Dahil sa resulta ng mga nabanggit na pananaliksik, nagkaroon ng mga double-blind placebo-controlled study, kung saan pinag-aralan nila ang epekto ng magnesium sa mga indibidwal na may migraine. Ayon sa mga researches na inilathala noong 1991, 1996, 2002 at 2008, dahil sa pag-inom ng magnesium supplement ay nabawasan ang dalas ng pag-atake ng migraine at nabawasan din ang tindi ng sakit ng migraine.


Tandaan lamang na ang kadalasan na side effect ng pag-inom ng magnesium ay diarrhea o pagtatae. Maaari ring magkaroon ng mas matindi pang adverse effect tulad ng muscle weakness at hirap sa paghinga. Kinakailangan na sundin ang suggested dose ng manufacturer ng magnesium supplement at inumin ito ayon sa suggested dose ng manufacturer o ng inyong doktor.


Sa isang systematic review na isinagawa ng Southwestern Oklahoma State University na isinapubliko noong August 2017 sa Journal of Clinical Pharmacy and Therapeutics, nakita sa limang clinical trials kung saan sinaliksik ang epekto ng Vitamin B2 o Riboflavin bilang prophylaxis laban sa migraine na epektibo ang pag-inom ng Vitamin B2 o Riboflavin supplement upang mabawasan ang dalas ng pag-atake ng migraine.


Sa isang pag-aaral na isinagawa sa Humboldt University sa Berlin, Germany, nabawasan ang dalas, tagal at tindi ng sakit ng migraine headache ng mga research participants matapos uminom ng 400 milligrams of Vitamin B2 o Riboflavin araw-araw sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Nabawasan din ang dalas ng pag-inom ng mga gamot laban sa migraine dahil sa pag-inom ng Vitamin B2 supplements. Ang resulta ng research na ito ay inilathala sa European Journal of Neurology noong July 2004.


Ang isa pang supplement na ginagamit ng mga naturopathic physicians ay ang ubiquinone o Coenzyme Q10 (CoQ10). Ang CoQ10 ay natural substance na ginagamit ng mga cells sa ating katawan upang gumawa ng enerhiya para gamitin nito.


Sa isang open label controlled trial study, kung saan sinaliksik ang effectiveness ng CoQ10 bilang prophylaxis sa migraine, ang pag-inom ng 100 milligrams ng Coenzyme Q10 supplement araw-araw ay nakabawas ng dalas (frequency) at tagal (duration) ng pag-atake ng migraine. Nabawasan din ang tindi (severity) ng sakit ng migraine.


Inilathala ang resulta ng pag-aaral na ito sa scientific journal na Acta Neurologica Belgica noong March 2017.


Sana ay nasagot ng Sabi ni Doc ang mga katanungan ni Laura sa kanyang e-mail.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page