top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-24 Araw ng Abril, 2024



Dear Sister Isabel,


Isa akong ex-ofw, at sa tinagal-tagal ko sa abroad, wala man lang akong naipundar kahit maliit na bahay. Nabigo ako sa aking pangarap.


Ang laki ng pinapadala ko sa misis ko, pero kulang pa rin daw ‘yun, kaya naisipan kong umuwi na lang at mag-isip ng negosyo para sa pamilya ko. Pero mas mahirap pala, anuman negosyong subukan ko, kulang pa rin ang kita.


Sister Isabel, balak ko sana muling mag-abroad. Ano ang maipapayo n’yo sa akin? Dapat ko bang ituloy ang pangingibang-bansa? Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,

Gilbert ng Dagupan


Sa Iyo, Gilbert,


Ikaw na rin ang nagsabi na matagal kang nagtrabaho sa abroad, ngunit wala ring nangyaring pag-asenso sa buhay mo. Kahit na maliit na bahay ay wala kang naipundar.


Nasa diskarte lang iyan. Kapag natutunan mo ang tamang diskarte, tuluy-tuloy ang pasok ng pera sa iyo. Umattend ka ng mga business seminar, may programa ang gobyerno ngayon para riyan at nagbibigay din sila ng puhunan kung ayaw mo namang mangibang-bansa. Pag-aralan mo ang negosyong gusto mong pasukin.


May awa ang Diyos. Mata-target mo rin ang negosyong para sa iyo. Ugaliin mong magdasal, humingi ng tulong sa Diyos. Magtulungan kayo ng misis mo, dahil ang mag-asawang nagtutulungan, pinagpapala habambuhay. Huwag ka mawalan ng pag-asa. Habang may buhay, may pag-asa. Maaabot mo rin ang mga pangarap mo basta haluan mo lang ito ng sikap at tiyaga.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-22 Araw ng Abril, 2024




“Anak….?” hindi makapaniwalang sabi ni Via.


Nanlaki ang kanyang mga mata. Talagang hindi niya inaasahan na maririnig dito ang mga katagang iyon. 


“Yes,” mariing sabi ng matandang lalaki na hindi naman niya kilala. 


“So, ikaw si Dennis Jose?” Wala sa loob niyang tanong. 


Iyon kasi ang pangalan na madalas binabanggit ng kanyang ina. Pero, mula nang dumating sa buhay nila si Pedro,  hindi na ito nabanggit ng kanyang ina.  Hindi na rin naman niya hinahanap-hanap ang kuwento tungkol sa kanyang ama, dahil napunan din naman ni Pedro ang pagmamahal na hinahanap-hanap niya.  “Yes, ako nga,” wika nito. 


Unang kita pa lang niya sa matandang lalaki, may kaba na siyang naramdaman. Ngunit, ayaw niyang bigyan iyon ng anumang kulay. Isa pa, ayaw din niyang paasahin ang kanyang sarili. 


“Pero, hindi pa rin ako nakakasiguro na mag-ama tayo,” matabang niyang sabi. 

“Nakasisiguro ako.” 


Tumingin siya rito at ipinakita niya ang pagkunot ng kanyang noo. Gusto niyang magtanong, ngunit hindi niya magawa. 


“DNA test.” 


“Kumuha ka ng sample sa akin nang hindi ko namamalayan?” Hindi makapaniwalang sabi niya. 


“Kaya ba mas kakampihan mo si Nhel?” Matapang na tanong ni Jake sa kanyang ninong. 


Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Jake at sabay sabing, “Lahat na lang kasi ng gusto ko, inaagaw niya. At ngayon, ikaw naman ang…”


“Mag asawa na kami ni Nhel bago kita makilala,” asar niyang sabi. 


Nawala lang ang pagkaasar niya nang biglang rumehistro sa mukha niya ang mukha ng kanyang asawa. At doon niya napagtanto na miss na miss na niya ito. 


Itutuloy…


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-22 Araw ng Abril, 2024


Dear Sister Isabel,


Isa na ‘kong ina, ang pinoproblema ko ngayon ay ang kaisa-isa kong anak na ubod ng tigas ng ulo. Mula pagkabata, minulat na namin siya sa mabuting asal, ngunit nagtataka kami bakit ganito pa rin katigas ang kanyang ulo. Hindi niya sinusunod ang mga pangaral namin, gayung teenager naman na siya. Ang hilig pa niyang sumagot at sa tingin siguro niya siya ang laging tama. May alam ba kayong orasyon upang bumait ang anak ko? Nawa’y matulungan n’yo ako.


Umaasa,

Nora ng Roxas City


Sa iyo, Nora,


Ang upbringing ng isang bata ay nasa kanyang mga magulang. Kung ano ang nakikita niya sa bahay, ‘yun din ang gagayahin niya. 


Dapat kayo mismo ang magpakita ng magandang asal sa anak mo. Baka naman kasi lagi kayong nag-aaway at ‘di magkasundo ng asawa mo, ‘yun bang parang wala ng pagmamahal para sa isa't isa. 


Kayo munang mag-asawa ang dapat magpakita ng magandang halimbawa. Paano babait ‘yang anak mo kung walang nakikitang magandang asal na dapat niyang maging halimbawa? Kahit pa na maya’t mayain n’yo ang pangaralan sa kanya, hindi ‘yan babait kung lumaki siya sa bahay na hindi nakikitaan ng magandang kaugalian. Ituwid n’yo muna ang sarili n’yo at sikaping mag-family bonding upang mas lumalim ang samahan n’yo.


Mamasyal kayo, mag-picnic, mag-swimming at iba pa. Tungkol naman sa orasyon, ang pinakamabuting orasyon ay ang simpleng pagdarasal bago matulog at matuto rin kayong sabay-sabay na magsimba tuwing araw ng Linggo. Umpisahan n’yo na ito ngayon, tiyaga lang. Ganyan talaga maging isang ina. Lakip nito ang dalangin na sana mabago na ang ugali ng anak mo. Maging mabait at masunurin nawa siya habang lumalaki. 


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 
RECOMMENDED
bottom of page