top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 4, 2023



Pakiramdam ni Maritoni ay nahihilo na siya, at para bang umiikot ang kanyang paningin.


Nasa isang kumbento na siya, na kung saan talaga dinibdib talaga nila ang pagiging madasalin.


Limang oras na silang nagdarasal kaya pakiramdam niya ay nag-aapoy na ang kanyang katawan.


“Okey ka lang ba, sister?” Nag-aalalang tanong ni Sister Luna.


Kaya kahit hindi siya sigurado kung kakayanin pa niya ang pagiging relihiyosa, tumango pa rin siya. Kailangan niya nang gawin ang kanyang misyon. Sa una ay mahirap dahil kailangan din niyang magpanggap na siya ay isang mabuting tao na malayung-malayo sa kanyang tunay na katauhan. Ngunit, ‘ika nga“kapag may hirap, may sarap” At ang sarap na kanyang hinihintay ay iyong pakikipaglaban sa serial killer.


Ayon sa report na kanilang nakalap, mas nagpapakita umano ang serial killer sa mga madreng bagong dating. Ibig sabihin, malaki ang tsansa na bigla na lang itong sumulpot sa kanyang harapan, pero siyempre, hindi mangyayari ‘yun kung nasa loob lang siya ng kumbento, kumakanta at nagdarasal.


“Kailangan ko rin po kasing makalanghap ng sariwang hangin. May mga pagkakataon po kasing inaatake ako ng hika, kaya kailangan ko ring gumala-gala.”


Bigla siyang natigilan sa biglang pagkunot ng noo ni Sister Luna.


“Kakaiba kang magsalita.” Wika nito.


Mabilis namang gumana ang kanyang utak para makahanap ng maidadahilan. “Ang pamilya ko po kasing pinanggalingan ay masyadong prangka magsalita. Sa mahirap na lugar lang po kasi ako lumaki kaya kahit na nakapasok na ko rito sa kumbento ay hindi pa rin madali para sa akin na baguhin ang aking nakasanayan.”


“Ganu’n ba?”


“Opo.”


“O siya sige, samahan mo ako sa palengke para makalanghap ka ng sariwang hangin at para maipakilala na rin kita sa ibang tao rito,” nakangiti nitong sabi.


“Okey ho,” wika niya sabay tango.


Gayunman, hindi niya maiwasang magtaka. Kung alam naman nila na mga bagong madre ang tina-target ng serial killer, bakit parang ibabandera pa ni Sister Luna sa lahat ang kanyang presensya?


Habang naglalakad sila sa gilid ng kalsada, nang may biglang huminto na owner type jeep sa harap nila. Kung hindi niya napigilan ang kanyang sarili, malamang ay nakapagmura na ito.

“Ihatid ko na kayo sa palengke, sister.”


Gusto sana niyang tanggihan at sabihing “no thanks” pero, natigilan siya nang mapagtanto niyang guwapong lalaki pala ang nag-aalok ng libreng sakay sa kanila, at kasabay nito ay biglang kumabog ang kanyang dibdib.

Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 3, 2023



“Anak ng penguin naman!” Wika ni Maritoni, nang makita niya ang kanyang hitsura sa salamin. Nagmukha siyang malnourished na penguin dahil sa damit na pangmadre, parang nais niya na itong hubarin at kalimutan na lang ang kanyang misyon.


Init na init ang kanyang pakiramdam, at parang anumang sandali ay mag-aapoy na siya.


Kahit kailan hindi niya naisip na makakapagsuot siya ng damit na pangmadre, ni hindi nga siya nakapagsuot ng bestida ng kanyang nanay. Ang gusto niya kasing sinusuot ay t-shirt, short o pantalon dahil mas kumportable siya rito.

“Putek talaga!”


“Oy, Martinez! Hindi ka puwedeng magsabi ng ganyang mga kataga rito! Alalahanin mo madre ka.” sita ni Chief Domingo.


“Ang dapat na kinakabisado mo ay ‘yung mga dasal na Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Angelus,” dagdag naman ni David.


Kahit na may punto si David, binigyan niya rin ito ng matalim na tingin. Ramdam kasi niya na inaasar lang siya nito. Maya-maya ay nakaramdam siya ng kaba sa kanyang dibdib dahil maski isa sa dasal na sinabi ni David ay wala siyang alam. Kahit relihiyosa ang kanyang Lola Maria, hindi naman niya kinabisado ang mga dasal na itinuro nito sa kanya, para kasi siyang sinisilaban kapag siya ay nagdarasal.


“Kailangan mong mag-review mamaya,” wika ni Chief Domingo.


“Hindi ko na kailangan mag-review kung tungkol lang naman sa pakikipaglaban. Well-trained na ako.”


“Napakayabang mo talaga!” Inis nitong sabi sabay ngisi.


“Kaya lang, hindi tungkol sa pakikipaglaban ang kailangan mong i-review dahil pagdarasal ang dapat mong pagtuunan ng pansin dito.” Dagdag pa nito

“Gusto n’yo bang i-train ko ang partner ko?” Pagtatanong ni David

“May alam ka?!”


“Of course, mabait akong pamangkin.” Nakangising sabi nito.


“Kaya lang mahigpit akong titser, bawat pagkakamali, may parusang kiss,” dagdag pa nito sabay ngumuso.


Sa sobrang inis ni Maritoni, buong lakas niyang tinapik ang bibig nito. Pero, na-imagine rin niya ang kanyang sarili na nakaluhod habang nagdarasal. Napalunok na lamang siya sa kanyang naisip dahil na-imagine rin niya na may nakatayong lalaki habang siya’y nakaluhod sabay bigkas ng katagang, “Magdasal ka na, sister.”

Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 2, 2023





Sunud-sunod na pamamaril ang ginawa ni SPO3 Maritoni Martinez sa target paper dahil sa kanyang inis. Isang linggo na kasi siyang walang misyon na hinahawakan at nakakaramdam na siya ng matinding pagkainip. Ang ayaw niya kasi sa lahat ay 'yung nababakante.


Malalim na buntong hininga ang kanyang ginawa dahil kailanman hindi pa siya nabibigyan ng misyon na puno ng aksyon. 'Yun bang mayroong habulan at barilan o kaya naman ay maging undercover agent siya dahil umano isa siyang babae kung kaya hindi bagay sa kanya ang ganu'ng trabaho.


“Partner, ang galing mo talaga!” Wika ng boses na kilalang-kilala niya, ito ay si SPO3 David Rosales, sabay tapik sa kanyang balikat.


Matalim na tingin ang kanyang binigay dito. “Huwag mo nga akong ma-partner-partner d'yan!” Inis niyang sabi.


“Bakit naman?”


“Hindi mo nga ako isinasama sa mga misyon mo, eh!” Nakangusong sagot nito.


“Delikado kasi ang mga misyon na napupunta sa akin,” katuwiran nito.


“Eh, bakit tinawag mo pa akong partner?” Buwisit niyang tanong.


“Hindi man kita maka-partner sa trabaho, puwede naman kitang maging partner sa buhay.”

“Puwede ba?!!” Inis niyang sagot dito.


Si David ay isang guwapong lalaki, ngunit hindi ito ang type niyang lalaki. Ayaw kasi ni Maritoni sa mapuputing lalaki dahil mukha umano itong bading sa kanyang paningin. Gayunman, alam naman niyang lalaking-lalaki si David. Basta, hindi lang niya ito type.


“Guwapo naman ako, ah. Kamukha ko nga raw si Alden Richard. Oh, tingnan mo may dimple pa ako,” pa-cute nitong sabi.


“Hindi pa rin kita type.” Nakabusangot niyang sabi.


“Mala-Maine ba ang type mo?” Seryosong tanong nito.


Pinanlakihan niya ito ng mata. “Excuse me, babaeng-babae ako, ‘no!”

“Mabuti naman, at least may pag-asa pa ako."


Hindi na niya ito sinagot dahil kahit naman partner niya ito, alam niyang masasaktan pa rin ito 'pag binabasted niya ito ng paulit-ulit.


Ayon kasi rito, dati pa siyang gusto nito at feeling daw nito ay nauwi na sa pag-ibig ang damdamin nito para sa kanya.


“Mabuti naman at nandito ka, Martinez.”


Agad niyang nilingon ang nagsalita. Ito pala ang Director ng Task Force Dragons, isang investigative agency.


“Mayroon akong assignment na ibibigay sa’yo.”


“Ano po 'yun?” Excited niyang tanong.


Matagal na kasi niya itong kinukulit na bigyan siya ng assignment na talaga naman maiibigan niya, at siyempre 'yung puno ng aksyon. Sa halip na sagutin nito agad ang kanyang tanong, inabot muna nito sa kanya ang isang tabloid. Kumunot ang noo niya nang mabasa niya ang headline na MADRE, PINUGUTAN NG ULO.


“Panglima na ito, ah?!”


“At 'yan ang magiging misyon mo. Kailangan mong magtungo sa Sitio Madasalin, at magpanggap na isang madre para mahuli ang serial killer na walang habas na gumagawa niyan.”

Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page