top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 7, 2023



Bago pumasok si Maritoni sa Task Force Dragons, itinanim na niya sa kanyang isipan na kailangan ay may lakas ng loob siyang harapin ang lahat ng kanyang responsibilidad. Kung tutuusin, malakas naman talaga ang kanyang loob, kaya nga nakikipagtugisan siya sa mga kriminal. May mga pagkakataon lang talaga na inaawat siya ni David. ‘Yun nga lang ay hindi siya nagpapaawat.


Gusto kasi niyang ipakita sa lahat na matapang siya, at kaya niyang makipaghabulan sa mga kriminal. Magaling din siyang humawak ng baril kaya nakakasiguro siyang magagawa niyang makipagpalitan ng bala sa mga ito. Ngunit, sa mga oras na iyon parang nawala lahat ng kanyang tapang.


Nanghihina siya tuwing nakakarinig siya ng pag-iyak ng mga naulilang pamilya ng biktima.


Nais nilang kumpirmahin ang balitang nakarating sa kanila na nakapagpabaligtad ng kanilang sikmura, at nakita nga ng dalawa niyang mata ang sinapit ni Sister Luna na ang ulo nito ay nakahiwalay na sa kanyang katawan.


Kung hindi lang niya napigilan ang kanyang sarili, tiyak na katakut-takot na katanungan ang ibabato niya sa mga awtoridad. Nais sana niyang malaman kung paano napunta si Sister Luna sa lugar na iyon, gayung alam nila na may serial killer na gumagala. Nang bigla siyang mapatingin sa kanyang paligid, ramdam kasi niyang nandu’n pa rin sa lugar na iyon ang killer. Pero siyempre, kailangan niya pa ring mag-ingat, kaya pa-simple siyang lumingon sa paligid hanggang sa ‘di kalayuan ay natanaw niya ang isang lalaking minsan niyang nakita pero hindi naalis sa kanyang isipan dahil pumasa ito sa kanyang standard, at ito ay walang iba kundi si Mark Ferrer.


Inilihis niya ang kanyang ulo nang mapagtanto niyang hindi tamang unahin ang kanyang nararamdam, dahil ang madreng napalapit sa kanya ay pinatay ng serial killer na ‘yun at wala siyang nagawa para iligtas ito.


Ngunit, ano’ng dahilan at biglang lumabas ng kumbento si Sister Luna? Hindi ba ipinagbabawal na basta-basta lumalabas ang mga madre? Hindi niya alam kung bakit bigla niyang naalala ang kakaibang titig ni Sister Luna kay Mark Ferrer habang nanlilisik ang mga mata ni Mark. Napaisip tuloy siya, what if may kinalaman talaga siya sa kamatayan ni Sister Luna?


Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 6, 2023



Mababaw lang ang pagkakatulog ni Maritoni kaya nang makarinig siya ng komosyon ay agad siyang bumalikwas ng bangon. Sa secret pocket ng kanyang damit, nakalagay ang kanyang pistol. Hindi niya tiyak kung kailan aatake ang serial killer kaya kailangan niya lagi maging handa. Ngunit, susugod ba sa kumbentong ito ang mamamatay tao na iyon?


“Ano’ng nangyari?” tanong niya nang makita niyang lumabas na rin ang iba pang mga madre.


Sa pintuan kasi ng kumbento ay maririnig ang malalakas na pagkatok.


“Huwag n’yong bubuksan ang pinto!” Wika niya sa mga madre.


Ang iba ay sumunod pero ang ilan ay napatitig sa kanya, at nagtataka kung bakit siya nag-uutos sa mga ito. Umiling na lamang siya at dahan-dahang pumunta sa pintuan.


“Sino ‘yan?” Pasigaw na tanong ni Maritoni.


“Si Ka Nestor po,” sagot naman nito sa kanya.


Gusto niya na sanang sabihin na hindi niya ito kilala, ngunit nagsalita si Sister Mae, “Kapitbahay natin ‘yan.”


Really? Gusto niyang ibulalas pero hindi na niya ginawa. Kailangan niya pa ring tandaan na isang madre ang kanyang kaharap, kaya kailangan niya itong igalang. Gusto niyang matawa sa sinabi nitong ‘kapitbahay’ gayung dalawang kanto yata ang pagitan ng kumbento sa susunod na bahay.


“Hindi ka lang mag-isa,” wika pa niya, kahit hindi niya buksan ang pintuan ay alam niyang maraming nagsasalita.


“May masama kaming balita,” wika naman ng isa pa, kakaiba ang boses nito kaya sure siyang hindi ito ang tinutukoy na Ka Nestor ni Sister Mae.


“Buksan mo na ang pintuan,” pag-uutos naman ng isa pang madre na si Sister Juliet.


“Kaya maraming madre ang pinapatay, dahil ang dali n’yong magtiwala,” inis niyang bulong sa kanyang sarili, at minabuti na lamang niyang buksan ang pintuan.


“May natagpuan na namang madre na pinatay!” tugon ng mga lalaki.


Nang lingunin niya ang kanyang mga kasamahang madre, napagtanto niyang wala run’n si Sister Luna.


Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 5, 2023



“Bago ka lang, sister?” Masuyong tanong sa kanya ng poging lalaki.


“Yes,” wika ni Maritoni.


Shucks, parang hindi niya kayang rendahan ang kanyang puso sa mga oras na ‘yun. Ang bilis ng kabog ng kanyang dibdib at gusto na niyang batukan ang kanyang sarili, kung umasta kasi siya ay parang teenager. Well, ito naman talaga ang unang pagkakataon na tumibok ang kanyang puso.


Noon kasi ay kumakabog lang ang kanyang dibdib kapag may kriminal siyang nakikita.


Nang bigla niyang maalala ang kanyang misyon. Nakasalubong ang kanyang kilay habang tinititigan ito.


“Kadarating ko lang kahapon, alas 10:00 ng gabi na rin kasi ako dumating dito. Ako nga pala si Sister Maritoni,” buong diin niyang sabi.


“Ako nga pala si Mark Ferrer,” wika nito saka inilahad ang kanyang kamay.


Pinigilan ni Maritoni ang kanyang sarili. Baka kasi mapatili siya kapag may naramdaman siyang kuryente na dumadaloy sa kanilang katawan. Ngunit, hindi niya matanggihan ito kaya iniabot na rin niya ang kanyang kamay, laking gulat niya nang magmano ito sa kanya. Kung hindi lang niya nakagat ang kanyang dila, tiyak na mapapamura siya.


“Mabait na bata ‘yang si Mark, at lagi niya akong sinasamahan sa pamamalengke.” wika ni Sister Luna.


Dahan-dahan niyang tiningnan si Sister Luna, at kitang-kita sa mata nito ang kasiyahan.


Hindi niya alam kung bakit siya kinabahan, at para bang may kakaibang sinasabi ang mga mata nito sa pagkakatitig kay Mark.


Nang sulyapan niya si Mark sa rearview mirror ay nakita niya ang nanlilisik nitong mga mata habang naruru’n siya sa likod ng Toyota Corolla kaya kitang-kita niya ang ekspresyon nito.


Bigla tuloy siyang nakaramdam ng pagdududa, at napaisip na baka nagbabait-baitan lang si Mark Ferrer? At kapag nakuha niya na ang tiwala ng isang madre ay pupugutan na niya ito ng ulo?

Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page