top of page
Search
  • BULGAR
  • Nov 13, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 13, 2023



“Ngayon lang kita nakita,” wika ni Maritoni.


Sa mga sandaling ‘yun ay parang tumigil sa pagtibok ang kanyang puso. Natakot siya na baka matandaan ni Mark na isa siyang madre. Umiling siya para itatak sa kanyang isipan na ‘di naman talaga siya tunay na madre.


“Pero, kamukhang-kamukha mo siya, eh!” Kunot noong sagot ni Mark habang pinagmamasdan si Maritoni.


Nais sana niyang umiwas ng tingin, pero baka ‘pag ginawa niya ‘yun ay mas lalo siyang mabuking nito. Hindi maaaring matapos agad ang kanyang misyon na walang kahirap-hirap, at mangyayari lamang iyon kung hindi mabubuking ni Mark ang kanyang pagpapanggap.


“Wow, hindi ko lubos akalain na may kamukha pa pala ako, buong akala ko kasi ay nag-iisa lang ang ganitong mukha.”


Marahang tawa ang pinawalan ni Mark sabay sabing “siguro nga, tama ka. Hindi ka naman kasi maaaring maging isang madre.”.


Talaga! Isa akong manunulat at hindi isang madre!” sagot nito.


Ang layunin niya kaya pinagdiinan niya ang mga salitang iyon ay dahil ayaw niyang magka-ideya at makakutob si Mark. Kapag nabuking kasi siya nito, tiyak na mapupurnada ang kanyang misyon at hindi niya gugustuhing mangyari ‘yun.


“Gusto ko na magbayad.”


“15k, 1 month advance, 1 month deposit.”


“No problem,” may kayabangan sagot niya.


Agad siyang dumukot ng pera sa bulsa ng kanyang pantalon at sabay sabing “ito na ang bayad ko.”


Una pa lang naman kasi ay gusto niya na ang lugar na ito. Ngunit ngayon, may panibago na naman siyang dahilan kung bakit niya mas gustong umupa rito. Siyempre, malapit sa kanya ang kanyang target, at malaki pa ang tsansa na madalas silang magkausap.


“Nasa kabilang bahay lang ako," wika nito.


Biglang kinabahan si Maritoni, sa klase kasi ng pagkakangiti ni Mark sa kanya ay parang sinasabi nitong araw-araw silang magkikita. Well, gusto niya rin naman ito, ngunit bigla siyang nakaramdam na para bang may bumatok sa kanya at kasabay nito ang pagpasok sa kanyang isipan ng mga katagang “tandaan mo ang misyon mo, hindi ka puwedeng mainlab sa isang kaaway!”


Itutuloy…


 
 
  • BULGAR
  • Nov 12, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 12, 2023



“Ikaw ang uupa?” Pagkukumpirmang tanong ni Mark Ferrer sa kanya.


“Wala nang iba”, buong yabang niyang gustong sabihin. Ngunit, parang hindi niya mahagilap ang kanyang boses sa mga sandaling ‘yun. Ibinuka niya ang kanyang bibig pero walang anumang salita ang lumalabas dito. Kung kaya’t tumango na lamang siya.


“Kailan ka ba lilipat?” Tanong nito habang nakatitig sa kanya.


Para tuloy gusto niyang isipin na sobra itong nagagandahan sa kanya kaya ang uri ng titig na binibigay nito sa kanya ay sobrang lagkit. Kung malalaman lang ni chief ang kanyang ginagawa, tiyak na mababatukan na siya nito. Hindi naman kasi ganitong klaseng babae si Maritoni.


“Kahit ngayon na.”


“Pero, wala kang dalang gamit.”


“Kukunin ko pa lang.”


“Saan?”


Mabilis na gumana ang kanyang utak at sabay sabing “sa kaibigan ko.”


“Iniwan mo ang iyong gamit sa bahay ng kaibigan mo?” Anitong hindi makapaniwala.


“Oo,” wika niya.


Sa kauna-unahang pagkakataon tuloy ay nagkaroon siya ng pag-aalinlangan sa kanyang isinagot.


Kitang-kita kasi ang ginawang pagngiwi ni Mark na para bang mayroong ibang inaalala. Gusto niyang itanong na “bakit ba?” Pero, mas minabuti niya na lamang na ‘wag mag-react. Baka kasi sabihin nitong masyado siyang mapagpansin sa nagiging reaksyon nito.


“Kahit kaibigan mo ang isang tao, hindi ka dapat masyadong nagtitiwala. Kadalasan kasi sa mga taong madaling magtiwala ay naloloko,” buong kapaitang sabi nito.


“Salamat sa iyong payo,” nahagilap niyang sabihin.


“Kaya maraming napapahamak dahil sa mga taong madaling maniwala at magtiwala,” naiiling pa nitong sabi.


“Kilala ko naman kasi ang…”


“Pamilyar ka sa akin,” putol nito sa kanyang sasabihin. “Nagkita na ba tayo?”


Hindi agad siya nakakibo dahil titig na titig sa kanya si Mark na para bang walang ibang magandang nilalang kundi siya lamang. Ayan na naman tuloy ang puso niyang biglang bumilis sa pagpintig kaya gigil niyang sinabihan ang kanyang sarili na “Maritoni, ang misyon mo! Ang misyon mo ang intindihin mo. Huwag ang poging probinsyanong nasa harap mo. Tandaan mo, suspek ang kaharap mo!”


Itutuloy…





 
 
  • BULGAR
  • Nov 11, 2023

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | November 11, 2023



“What a small world,” hindi napigilang sabihin ni Maritoni. Hindi niya kasi lubos akalain na ang bahay na uupahan niya ngayon ay pag-aari pala ng isang lalaki na plano niyang imbestigahan. Nang ma-realize niyang nakatingin sa kanya ang dalawang matanda biglang gumana ang kanyang isip at napakanta siya.


“It’s a small, small world. Naalala ko ‘yang kanta na ‘yan nang magpunta kami ng parents ko sa Disneyland.”


“Hindi namin alam kung saang lupalop ang sinasabi mo, ineng.”


“Tonette po,” pagtatama niya sa sinabi ni Manang Teresita.


“Ay, pangalan ng bading,” wika naman ni Mang Roger sabay halakhak.


Bigla tuloy siyang napangiwi. Talaga naman kasing pangalan ng bading ang pangalang pumasok sa kanyang isip at kinuha niya lang ito sa pangalan ng isang beautician na walang ibang sinabi sa kanya kundi “ayusan kita”. Pakiramdam niya tuloy sa tuwing sinasabi ‘yun ng beautician ay ang pangit-pangit niya.


“Beki ho kasi ang nagpalaki sa akin,” pagsisinungaling na tugon ni Maritoni.


“Naku iha, pasensya ka na kung masyadong matabil ang dila ng asawa ko.”


“Okey lang ho, wala pong problema ru’n.”


May bf ka na ba?” Biglang tanong sa kanya ni Mang Roger.


Hindi niya alam kung para saan ang tanong nito, ngunit buong tapang niya pa rin ito sinagot. “Naku, wala po akong panahon sa lalaki. Istorbo lang ‘yan sa buhay ko.”


“Sayang ipapakilala pa naman sana kita kay Boss Mark.”


Bago pa man niya masabi na, “sige po ipakilala n’yo ho ako sa aking future husband,” nang may biglang nagtanong kina Mang Roger at Manang Teresita na “kanino n’yo ho ako ipapakilala?”


Bigla tuloy siyang napalingon at laking gulat niya nang makita niya si Mark Ferrer. Para bang gusto niyang murahin ang kanyang sarili dahil hindi niya mapigilang matulala rito at kasabay nu’n ay ang biglang pagkabog ng kanyang puso.


Bigla tuloy siyang napaisip na kaya baka gusto niyang makilala si Mark Ferrer ay dahil gusto niyang magkaroon ng pagkakataon para magpa-cute rito.


Tumigil ka! Sawa’y niya sa kanyang sarili. Pakiramdam niya tuloy ay bigla siyang sinapian ng malanding bading, at para bang gusto niyang magpabugbog na lang para tumino siya. Kailangan kasi niyang ipaalala sa kanyang sarili na maaaring si Mark Ferrer ang serial killer na kanilang hinahanap.

Itutuloy…




 
 
RECOMMENDED
bottom of page