top of page
Search

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-11 Araw ng Abril, 2024


Dear Sister Isabel,


Magandang araw sa inyo. Ibig ko sanang humingi ng payo tungkol sa kaibigan ko. Ako ang takbuhan niya sa kanyang mga problema. Magkasunod na namatay ang mga magulang niya noong pandemya. Sobrang lungkot niya at nag-iisa na lang siya sa buhay, kaya naisipan ko na patirahin muna siya sa amin. Noong umpisa, pumapayag naman ang parents ko. Pero ngayon, ayaw na nila itong patuluyin. 


Naaawa ako sa kaibigan ko. Paano ko kaya sasabihin sa kanya na hindi na siya puwedeng makitira sa amin? Baka masaktan siya at maisipan na naman niyang magpatiwakal.


Suicidal kasi ‘yung friend ko. Sana mapayuhan n’yo ako kung ano ba ang dapat kong gawin upang hindi gaanong masaktan ang friend ko.


Nagpapasalamat,

Cora ng Pangasinan


Sa iyo, Cora,


Hindi mo sinabi kung ilang taon na ang kaibigan mo. Kung hindi na siya teenager, tulungan mo na lang siyang maghanap ng trabaho kahit kahera, saleslady o anumang kaya niyang gawin para mairaos niya ang pang-araw-araw niyang pamumuhay. 


Magpatulong ka rin sa mga kakilala mo na may magandang puso. Lumapit ka sa mga sangay ng gobyerno na makakatulong sa kaibigan mo. Natitiyak kong maihahanap mo siya nang tamang lugar upang hindi na siya nakikitira sa inyo. 


Puwede rin naman siyang magtinda ng mga kaya niyang itinda. Akayin mo siya sa tamang landas ng buhay na kung saan, hindi niya na kailangang umaasa pa sa kanyang kapwa.

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | Ika-10 Araw ng Abril, 2024


Dear Sister  Isabel,


Ang ikukuwento ko sa inyo ay ang tungkol sa mga kapatid ko. 


Panganay ako sa babae, lumaking tahimik, walang kibo, ‘di mahilig sa sosyalan, at kuntento na sa loob ng bahay.  Siguro ‘yun din ang dahilan kung bakit hindi malapit sa akin ang mga kapatid ko. Sampu kaming magkakapatid, kapag may lakad sila, hindi nila ako sinasama. Para bang ang sama akong kapatid, at hindi nila ako feel kasama. 


Nalulungkot tuloy ako. Gusto ko sana kasi kapag may pupuntahan ang mga kapatid ko ay kasama ako. Bakit kaya malayo ang loob nila sa akin? Hindi naman ako masamang kapatid, wala rin naman akong ginagawang masama sa kanila. 


Ano sa palagay mo, Sister Isabel? Ano kaya ang dapat kong gawin? Sana ay mapalubag n’yo ang loob ko, at nawa’y mapawi na ang kalungkutang nadarama ko.


Nagpapasalamat, 

Norma ng Calamba, Laguna


Sa iyo, Norma,


Alam kasi ng mga kapatid mo na wala kang hilig sa labas ng bahay. Alam din nilang mas nage-enjoy ka na walang kasama. 


Makakabuting baguhin mo ugali mo. Maki-join ka sa mga okasyong dinadaluhan ng pamilya mo. Hindi maganda ‘yang lagi ka na lang nakakulong sa bahay.


Kailangan mo rin ng kaibigan na magpapasaya sa iyo.


“Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.” Ibig sabihin, makihalubilo ka sa mga tao. Matuto kang makipag-interact sa iba para ‘di mo na ma-feel ang kalungkutang nararamdaman mo ngayon. At para na rin makita ng pamilya mo na hindi ka na killjoy o mas kilala sa tawag na kj. Kapag nakita nila na nagbago ka na, paniguradong isasama ka na nila sa kanilang mga lakad. Matutuwa sila dahil hindi mo na ikinukulong ang sarili mo sa loob ng bahay. 


Natitiyak kong magiging masaya sila kung babaguhin mo na ang istilo ng pamumuhay mo. 


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika- 10 Araw ng Abril, 2024



Dapat nga bang sabihin ni Via kay Nhel ang tungkol sa kanyang pagbubuntis? 


“Karapatan itong malaman ni Nhel.” Sagot ni Via. Pero, kumokontra ang kanyang isipan, at sinasabing, “Paano kapag hindi natuwa si Nhel?”


Ngayon pa lang ay nasasaktan na siya, at para bang dinudurog ang kanyang puso. Kahit kasi sabihin ng utak niya na ‘wag paniwalaan ang sinasabi ng matandang babae, roon pa rin siya nagkaroon ng pagdududa. 


Paano nga kung sa huli ay ipamukha sa kanya ni Nhel na wala talaga itong pag-ibig sa kanya?


“Hindi ka pa ba nadadala? Palagi ka na lang umaasa! Sarili mo ngang ama hindi ka pinanindigan, at ngayon hindi ka pa sigurado kung nagsisinungaling nga ba o hindi si Nhel.”


Sambit ni Via sa kanyang sarili. 


“Marie?”


Ang Tatay Pedro niya ang nagsalita, kaya nakita niya ang panggigilalas sa mukha ng kanyang biyenan na hindi makapaniwala. 


Hindi rin niya inaasahan na magtatagpo ang dalawa. Kunsabagay, napapayag niya kasi si Nhel na magbakasyon sa kanila ang kanyang Tatay Pedro. Ang nais niya kasing mangyari ay mapalapit ang loob ng mag-ama.


Ramdam niya ang pag-aalinlangan ni Nhel, ngunit napapayag niya rin naman ito. Kaya naman parang gusto niyang umasa na tunay nga siyang mahal ni Nhel dahil sinusubukan nito na patawarin ang kanyang Tatay Pedro na sa tingin naman niya ay walang kasalanan. 


Una, hindi nito alam na buntis si Marie. Pangalawa, si Marie ang tumalikod dito dahil hindi niya kayang mabuhay sa piling ng isang mahirap. 


“Ano’ng ginagawa mo rito?” Gulat nitong tanong. 


“Huwag mo na guluhin ang relasyon ng mga anak natin!”


Umangat ang kilay ng matandang babae. “Kahit pa na kamukha mo si Nhel, hindi mo pa rin siya kinilala bilang isang anak!”


“Hindi ko alam na nabuntis kita noon.”


“Basta! Hindi ako papayag na manatiling kasal ang anak ko sa babaeng ‘yan!” Gigil nitong sabi na para bang nag-apoy bigla ang mga mata. 

Itutuloy…






 


Itutuloy…

 
 
RECOMMENDED
bottom of page