top of page
Search

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-20 Araw ng Abril, 2024



Kahit nangangati ang kamay ni Via na damputin ang telepono at tawagan si Nhel, hindi niya pa rin ito magawa. 


May takot din kasi siyang nararamdaman. Paano kung hindi naman talaga nasisiyahan si Nhel kapag nakikita siya? Napapikit na lamang siya habang kinakagat ang kanyang labi, mas nanaisin pa niyang saktan ang kanyang sarili, dahil pakiramdam niya mas matinding sakit pa rin ang mararamdaman ng kanyang puso kapag sinabi sa kanya ni Nhel na hindi siya nito nami-miss, at wala talaga itong pag-ibig sa kanya. 


Marahas na buntong hininga ang kanyang pinawalan. Iyon kasi ang dahilan kaya hindi niya rin magawang lapitan si Nhel para ipaalam kung ano ang kanyang nararamdaman. 


Ang nais niya pa naman sana niya ay iparamdam kay Nhel kung gaano niya ito kamahal, ngunit nagdadalawang-isip siya, panigurado kasi na maaapektuhan lang ang kanilang anak kung ganito ang isasagot sa kanya ni Nhel,“I’m sorry. Kailanman hindi kita magagawang mahalin.”


Natatakot siyang masaktan, kaya tinitiis na lang din muna niyang hindi kausapin ang kanyang Tatay Pedro. Kahit ito ang kasama niya habang siya’y lumalaki, si Nhel pa rin ang kadugo nito. ‘Ika nga sa kasabihan, “Blood is thicker than water.”


“Alam mo ba ang pinakamagandang ganti kay Nhel?” Tanong sa kanya ni Jake. 


Alam niyang kaaway nito si Nhel, kaya bigla siyang kinabahan sa tanong nito. Sa halip na magtanong, kumunot ang kanyang noo. Gayunman, hinihintay pa rin niya ang sasabihin nito. 


“Iyon bang malaman niyang may relasyon tayo.” 


“No way!” Mariin niyang sabi. 


“May magagawa ka ba kung bihag kita?” Nakangising tanong ni Jake sabay halakhak na para bang walang ibang tumatakbo sa kanyang isipan kundi kasamaan. 


Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-19 Araw ng Abril, 2024



“Mahal ko si Nhel,” hindi niya napigilang sabihin. 


Wala namang masama kung ibulalas niya iyon, dahil ‘yun naman talaga ang kanyang nararamdaman. 


“Nhel?!” Pag-uusisang tanong ni Jake. 


Kitang-kita sa mukha nito ang pagbabago, at para bang na-badtrip sa pangalan ng kanyang asawa. 


“Ano’ng apelyido?” Paniniguradong tanong nito.


“Zamora.”


Bigla itong tumingin sa kanya. Gusto sana niyang isipin na normal lang reaksyon na ipinakita nito, subalit mas lalong dumilim ang aura ng kanyang mukha. At nakakasiguro siya na matinding galit ang nararamdaman ngayon ni Jake.


“Nhel Zamora?”


“Kilala mo ba siya?” Kabadong tanong ni Via.


“No,” madiin nitong sabi. 


“Mabuti naman.”


“Kung sasabihin ko ba sa iyo na mortal enemy ko siya, kanino ka kakampi?” Natatawa nitong tanong. 


Agad namang kumunot ang noo ni Via. Hindi kasi siya sure kung seryoso ba ito o hindi.


Pakiramdam niya, napapagitnaan siya ng dalawang nag-uumpugang bato. 


“Joke lang.” 


Muli siyang napatingin kay Jake. Gusto na sana niyang isipin na gusto lamang nito na biruin siya, pero naisip niyang masyado itong seryoso. Para tuloy gusto niyang tumakbo paalis.


Anuman ang isyu sa pagitan nila, hindi niya hahayaan na ma-involve siya, kaya malalim na buntong hininga ang kanyang pinawalan.       


“Kung sakali man na magkaaway kami, huwag ka mag-alala dahil hindi kita idadamay. Isa pa, hindi ako ‘yung tipo na mapaghiganti.”


Dapat sana ay kumalma siya sa assurance na binigay ni Jake, pero parang hindi pa rin sapat ang sinabi nito.


Itutuloy…


 
 

ni Maria Angela Gonzales @Kuwentong Pag-Ibig | Ika-18 Araw ng Abril, 2024



“May gusto ka bang sabihin?” Kunot noong tanong ni Jake kay Via. 


“Bakit ganyan ang tingin mo sa akin?” Dagdag pa nito. 


“May gusto lang akong itanong,” mahinahong sabi ni Via.


Ilang araw na kasing gumugulo sa kanyang isipan ang tanong na paulit-ulit gumugulo sa kanya.


“Ano?” 


“Galit ka ba sa akin?” 


Natigilan ito na para bang pinag-iisipan munang mabuti kung paano nito sasagutin ang kanyang tanong. Ngunit, lalong lumalim ang gatla nito sa noo at sabay sabing, “Bakit mo naman naisip ‘yan?” 


“Iba na kasi ang pakikitungo mo sa akin.” 


“Ibang klase naman ang tindi ng takbo ng iyong utak.”


“Malakas ang pakiramdam ko. Alam kong may mali sa pakikitungo mo sa akin.” 


“Alright, hindi ko kasi lubos akalain na buntis ka.”


Parang mas nahirapan siyang unawain kung ano ba ang nais nitong sabihin sa kanya.


Gayunman, interesado pa rin siyang malaman kung ano ba ang gusto nitong sabihin sa kanya. 


“May gusto ako sa iyo, at nagsimula ang lahat mula nang makita kita.” Paglilinaw ni Jake. 


“Ano?” Hindi makapaniwalang tanong ni Via. 


Itinuro pa niya ang kanyang sarili na para bang gusto niyang makasiguro. 


“Huwag mo nga akong lokohin!” Sambit naman nito.


Marahas na buntong hininga ang pinawalan ni Via. Mahirap naman kasi talaga paniwalaan ang sinasabi nito. 


“Hindi ba, umalis ka na sa asawa mo, ibig sabihin ba nu’n ay hindi mo na siya mahal?”


Pagtatanong ng binata sa kanya. 


Gusto niyang sabihin sa kanyang sarili na wala na ang pagmamahal niya kay Nhel, subalit kapag ginawa niya iyon para na rin niyang niloko ang kanyang sarili. 


“Kailanman, hindi maglalaho ang pagmamahal ko para kay Nhel,” mariin niyang sabi. 


Kahit hindi pa siya nakakasiguro kung tunay nga ba siyang minamahal ni Nhel, pinili pa rin niyang sabihin ang mga salitang iyon. 


Itutuloy…


 
 
RECOMMENDED
bottom of page