- BULGAR
- Oct 31, 2023
ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | October 31, 2023
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Raymond ng Pampanga.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na malabo umano ‘yung eyeglasses ko, hindi ko napansin ‘yung baso sa lamesa, kung kaya’t natabig at nabasag ko ito. Sa katunayan, wala akong suot na salamin nu’n, pero ang buong akala ko ay suot ko na ito. Samantala, lumuwag umano ‘yung garter ng pajama ko, at muntik na itong mapigtas.
Ano’ng ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Raymond
Sa iyo, Raymond,
Ang panaginip mo na malabo ang suot mong salamin kaya natabig mo ‘yung baso sa lamesa, ito ay nangangahulugang makakaranas ka ng kabiguan sa buhay pero hindi naman ito gaanong grabe dahil malalagpasan mo rin ito. Ang wala ka palang suot na salamin, ito ay nagpapahiwatig ng paghihiwalay. Mauuwi sa hiwalayan ang inyong relasyon dahil sa hindi pagkakaunawaan.
Samantala, ang lumuwag ang iyong garter, muntik na itong mapigtas, ay babala na madadamay ka sa gulo, kaya ngayon palang umiwas ka na sa mga kaibigan mong walang mabuting maidudulot sa iyo. Hindi naman ito grabe, konting gulo lang pero mabuti na rin ‘yung nag-iingat bago pa lumala ang lahat.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




