top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | November 18, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gerald ng Tondo.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na umattend ako ng birthday party. Nagpalipad sila ng mga lobo habang nagsasalu-salo kami. Ang dami pagkaing masasarap na nakahanda sa table.


Pagtapos ng kainan, nagkalat ang mga tirang pagkain maski ang mga silya ay nagkagulu-gulo rin.


Naiwan din ang mga maruruming plato sa mesa.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Gerald


Sa iyo, Gerald,


Ang panaginip mo na dumalo ka sa birthday party at nagpalipad ng mga lobo ay tanda na hindi mo agad makakamit mo ang iyong tagumpay. Ang nagsalu-salo kayo sa table, ang daming masasarap na pagkain ay nangangahulugan na may nakalaan sa iyong magagandang bagay pero hindi mo agad ito makakamit dahil ang sabi mo ay nagkalat ang mga tirang pagkain, maruming plato, at ang silya ay magulo. May mga hadlang ka ring mararanasan sa iyong mga binabalak pero sa dakong huli, sasaiyo rin ang tagumpay, pagpapala at kaligayahan.


Huwag kang susuko sa buhay, laban lang, at ituloy mo lang ang iyong pagsusumikap at pagiging masipag upang makamit mo ang iyong pinapangarap.


Sadyang ganyan ang buhay sa mundo may mga pagsubok na sa sandaling malampasan mo, mayroong naghihintay sa iyong kaligayahan, pagpapala at biyaya.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | November 16, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Joshua ng Orani, Bataan.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nakatayo ako malapit sa swimming pool nang bigla akong nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa tuluyan akong nahulog.


Ang dami kong mukhang natanaw, gusto nila akong saklolohan pero kinapos na ako sa paghinga hanggang sa tuluyan na akong nalunod. Ngunit, bigla akong nagising at muntik na akong bangungutin.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Joshua


Sa iyo, Joshua,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nakatayo ka malapit sa swimming pool, nakaramdam ka ng pagkahilo, mawawalan ka ng mga ari-arian. Ito rin ay nagpapahiwatig na matatanggal ka sa posisyong hawak mo ngayon.


Ang marami kang mukhang natanaw, gusto ka nilang tulungan ay tanda na mag-iiba ka ng trabaho. Pinag-iisipan mo kung magnenegosyo ka na lang ba o mag-a-apply ng bagong trabaho.


Samantala, ang kinapos ka sa paghinga ay nangangahulugang kailangan mo ring magpahinga.


Huwag mong abusuhin ang iyong sarili sa sobrang pagtatrabaho dahil may posibilidad na magkasakit ka.


Ang tuluyan kang ‘di nakahinga hanggang sa tuluyan kang nalunod ay nagpapahiwatig na sinisiraan ka sa iba ng matalik mong kaibigan.

Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | November 14, 2023


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rowena ng Makati.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na natanggap ako bilang manager ng isang department store.


Kumain kami ng mga bago kong katrabaho nang biglang may dumating na aplikante, same position, mas maganda at bata sa akin. Akala ko mapapalitan na ako, mabuti na lang ay hindi. Sa halip, nagpabili ng cake ‘yung may-ari ng department store, at pinagsalu-saluhan namin ito.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Rowena


Sa iyo, Rowena,


Maganda ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na natanggap ka sa trabaho bilang manager ng isang department store. Ito ay nangangahulugan na mapapasaiyo pa rin ang magandang kapalaran, at sunud-sunod na ang iyong magiging tagumpay.


Ang kumain kayo ay tanda ng kaligayahan at kasaganahan sa buhay. Ang cake naman ay suwerte at kalusugan ng katawan ang sinisimbolo nito lalo na kung sinindihan mo ang kandila. Kung hiniwa mo naman ito, pansamantala lang ang iyong suwerte at lilipas din ito.


Samantala, ang may dumating na aplikante, mas bata at mas maganda sa iyo. Akala mo tuloy ay papalitan ka bilang manager ay kabaligtaran ang ipinahihiwatig, ito ay senyales na liligaya ka na sa susunod na mga araw at matatapos na ang mga paghihirap mo sa buhay.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page