top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Ika-25 Araw ng Abril, 2024




Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Josephine ng Catanduanes.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na pinatawag ako ng hari sa isla namin. Pagkakita niya sa akin, agad niya akong hinalikan sa pisngi at labi. Kinausap niya ako at gusto niya kong maging reyna, at pakakasalan niya umano ako.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Josephine


Sa iyo, Josephine,


Maganda ang panaginip mo na pinatawag ka ng hari, hinalikan ka, at sabay sabing gusto ka niyang maging reyna ay nangangahulugan na uunlad ang buhay mo. Magiging isa ka sa pinakamayaman d’yan sa isla n’yo. Rerespetuhin at igagalang ka ng mga naninirahan d’yan. Tataas din ang magiging estado mo sa buhay. Kung bata ka pa at wala pang asawa sa kasalukuyan, ito ay nagpapahiwatig na makakapag-asawa ka ng mayaman, mabait at may mataas ang katungkulan sa kasalukuyan niyang pinapasukan.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Ika-24 Araw ng Abril, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Salome ng Tarlac.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nag-apply ako ng trabaho sa bagong bukas na mall dito sa amin.


Tuwang-tuwa ako dahil sa dinami-rami ng aplikante, hindi ko sukat akalain na isa ako sa matatangap. Ngunit, makalipas ang tatlong buwan, tinanggal ako dahil tapos na umano ang kontrata ko.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Salome


Sa iyo, Salome,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nag-apply ka sa bagong bukas na mall sa lugar n’yo, at isa ka sa natanggap kahit na maraming nag-apply ay magandang kapalaran. Gaganda na ang takbo ng iyong buhay, at matatapos na ang kamalasang kinakaharap mo ngayon. Subalit ang sabi mo, tinanggal ka matapos ang 3 buwan, ito ay babala na may darating na naman na pagsubok sa buhay mo.


Samantala, ang natuwa ka dahil natanggap ka ay senyales ng magandang kalusugan at kayamanang hindi inaasahan. Sa kabila ng pabagu-bagong sitwasyon, 


makakatanggap ka pa rin ng grasya ngayon, at may mamanahin kang pera galing sa kamag-anak mong kamamatay pa lang. 


Ang 3 buwan ka lang sa trabaho ay simbolo ng pagtitiis, pagsasakripisyo, at pagpapakasakit para sa mga mahal mo sa buhay, ngunit sa unang bahagi lang ito ng iyong buhay, dahil gagantimpalaan ka rin ng tadhana. Magiging donya ka, at isa ka rin sa magmamay-ari ng mga paupahan at mall d’yan sa lugar n’yo.



Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip gabay ng buhay | Ika-23 Araw ng Abril, 2024


Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Nory ng Taguig.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nasa casino ako, pumusta ako sa mga naglalaro ng baraha. Nanalo ako, pero biglang tumunog ‘yung bell.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Nory


Sa iyo, Nory,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nasa casino ka, pumusta ka sa mga naglalaro ng baraha ay may papasukin kang transaksyon na hindi mo naman gaanong kabisado.


Dobleng pag-iingat ang dapat mong gawin, dahil manganganib ang kabuhayan mo kapag nagkamali ka ng desisyon.


Ang nanalo ka sa pusta mo ay babala ng pagkalugi sa negosyo.


Samantala, ang tunog ng bell ay depende sa kahulugan nito. Kung masaya, malakas at tumataginting ang tunog nito, ito ay nangangahulugan na susuwertehin ka sa binabalak mo. Maski ang love life mo ay susuwertehin din. Kung ang tunog naman ng bell ay parang nagbibigay ng babala, ito ay senyales na dapat ka munang mag-isip bago ka magdesisyon, huwag kang magpadalus-dalos.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 
RECOMMENDED
bottom of page