top of page
Search

ni Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | June 19, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Brenda ng Capiz.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na sobrang lungkot ko. Lumabas ako ng bahay upang mamasyal sa mall, at nakita ko roon ang dati kong kaibigan, at gaya ko malungkot din siya.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Brenda



Sa iyo, Brenda,


Kabaligtaran ang ipinahihiwatig ng panaginip mo na sobrang lungkot mo, ibig sabihin nito ay magiging masaya ka sa susunod na mga araw. May hindi ka inaasahang pangyayari na siyang magpapasaya sa iyo.


Samantala, ang lumabas ka ng bahay, pumunta ka sa mall, at nakita mo roon ang dati mong kaibigan na malungkot ay pahiwatig na magiging mapalad, at susuwertehin sa pananalapi ang kaibigan mo. Isa pa, ito ay senyales na malapit na siyang yumaman.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna


 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | June 18, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Jonathan ng Taguig.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na nasa gitna ako ng gubat, nakakita ako ng mga rabbit. Hinabol ko ‘yung isa para hulihin, ngunit hindi ko napansin na may kumunoy pala, at doon ako nalubog.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Jonathan



Sa iyo, Jonathan,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na nasa gitna ka ng gubat nakakita ka ng mga rabbit, hinabol mo ‘yung isa para hulihin ay napapaligiran ka ng mga kaaway mo. Gayunman, maiiwasan mo ito kung mag-iingat ka, talasan mo ang iyong pakiramdam at maging mapagmasid sa lahat ng sandali.


Ang nalubog ka sa kumunoy dahil ‘di mo ito napansin ay babala ng panganib sa iyong paligid dahil na rin sa iyong pagiging arogante at pagbigkas ng mga salitang hindi maganda pakinggan. Iwasan mong magpakita ng ‘di magandang ugali sa iyong kapwa. Maging mahinahon ka para ‘di ka mapaaway at malagay sa panganib.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

 
 

ni Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | June 16, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Rudolf ng Batangas 


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na pumunta ako sa pastulan ng baka, pero nang makita ako ng baka, agad niya akong hinabol. Kaya naman napilitan tuloy akong bumalik sa bahay upang maiwasan lamang ito. Kaya lang pagdating ko sa bahay, hinabol naman ako ng alaga kong bulldog, at kinagat ako.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?


Naghihintay,

Rudolf



Sa iyo, Rudolf,


Ang ibig sabihin ng panaginip mo na pumunta ka sa pastulan at hinabol ka ng baka ay babala na may paparating na gulo sa buhay mo. Masasangkot ka sa isang kaguluhan. Ngunit, huwag kang masyadong malungkot dahil hindi naman magtatagal ang kaguluhang nabanggit. Matatapos at masosolusyunan mo rin agad ito. 


Samantala, ang umuwi ka sa bahay upang makaiwas sa baka, pero pagdating mo sa bahay ay hinabol ka naman ng alaga mong bulldog ay paalala na kung sino pa ‘yung kaibigan mo na inaakala mong lihim na kaaway ay siya pa palang tapat, maaasahan at handa kang damayan sa lahat ng sandali.


Ang kinagat ka ng bulldog ay senyales na mali ang himala mo sa iyong mga kaibigan, ito rin ay paalala na ‘wag maging judgemental. 


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna



 
 
RECOMMENDED
bottom of page