top of page
Search

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | September 11, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dexter ng Pampanga.


Dear Maestra,


Madalas kong mapanaginipan ang tungkol sa pag-ibig. Nu’ng nakaraang gabi naman, napanaginipan ko na inulan umano ako ng suwerte, at natupad ko na raw ang mga pinakamimithi ko.


Ano ang ibig sabihin ng aking mga panaginip?

Naghihintay,

Dexter



Sa iyo, Dexter,


Iba’t iba ang kahulugan kapag tungkol sa pag-ibig. Kung napanaginipan mo na maraming nagmamahal sa iyo at mahal na mahal ka rin ng karelasyon mo, ibig sabihin nito ay nariyan lang sa tabi mo ang iyong mga kaibigan na handang dumamay sa iyo. Huwag kang mag-alala, dahil hindi ka nila pababayaan, at handa silang tumulong lalo na kapag naipit ka sa isang sitwasyon. 


Pero, kung sa panaginip mo ay nabigo ka sa pag-ibig, at hindi tinanggap ng nililigawan mo ang pagmamahal na alay mo sa kanya ay kabaligtaran ang kahulugan, dahil ito ay senyales na magtatagumpay ka sa puso ng iyong minamahal. Sasagutin ka na niya at susuklian niya rin ang nararamdaman mo sa kanya. Samantala, kung napanaginipan mo na lahat ng mga kaibigan mo ay nagmamahal sa iyo at handa nilang ibigay anuman ang hilingin mo, ito ay tanda na magtatagumpay ka sa iyong negosyo at magkakaroon ka pa ng masayang pamilya. 


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna





 
 

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | September 10, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Leony ng Eastern Samar.


Dear Maestra,


Napanaginipan ko na pinatawag ako ng hari ng Saudi Arabia. Gusto umano niya akong makausap, kaya agad akong pumunta sa palasyo upang makausap siya.


Nagkagaanan kami ng loob habang kami’y nag-uusap hanggang sa nagulat ako na bigla niya na lamang akong hinalikan, at kasabay nu’n ay binigay niya sa akin ang lahat ng susi sa palasyo.


Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko? 

Naghihintay,

Leony



Sa iyo, Leony,


Napakaganda ng panaginip mo na pinatawag ka ng hari ng Saudi Arabia, at nagkagaanan kayo ng loob habang kayo’y nag-uusap, ito ay nangangahulugan na magiging mataas ang tingin sa iyo ng mga tao. Igagalang at ipagmamalaki ka rin ng mga kaibigan at kapamilya mo. May posibilidad din na maparangalan ka riyan sa lugar n’yo.


Ang nagulat ka, dahil bigla kang hinalikan ng hari ay depende sa kung ano ang naging reaksyon ng hari. Kung hinalikan ka niya na may halong pagmamahal, at ramdam mong iniibig ka niya, ito ay nagpapahiwatig na totoo ang pag-ibig niya sa iyo, at handa ka niyang pakasalan. Pero kung hindi siya kinilig habang hinahalikan ka niya, ito ay babala ng kalungkutan at kabiguan sa pag-ibig.


Samantala, ang binigay sa iyo ng hari ang lahat ng susi sa palasyo ay tanda ng kayamanan at kaligayahan sa buhay. Yayaman at uunlad na ang inyong negosyo. Lahat din ng iyong pinaplano ay  magkakaroon na ng kaganapan.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna






 
 

ni Maestra Estrellia de Luna @Panaginip Gabay ng Buhay | September 9, 2024



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Luis ng Isabela.

 

Dear Maestra,


Napanaginipan ko na na-assign ako sa isang liblib na pook upang makipaglaban sa mga taong labas o ‘yung tinatawag na New People's Army (NPA). 

Ang daming paniki sa paligid na nagliliparan at paikut-ikot pa ito.

Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?

Naghihintay,

Luis



Sa iyo, Luis, 


Ang ibig sabihin ng na-assign ka sa isang liblib na pook upang makipaglaban sa NPA ay may papalapit na gulo sa iyong buhay. Mapapaaway ka sa mga taong nakapaligid sa iyo, ito ay maaaring sarili mong pamilya o mga kaibigan mo na madalas mong makasama sa lakaran.


Samantala, ang maraming paniki na nagliliparan, at paikut-ikot ay senyales na mababagabag ka sa hindi mo maipaliwanag na puwersa ng kadiliman. Kung may dyowa ka na, ito ay tanda na may mahigpit kang karibal sa puso ng iyong dyowa, at may tsansa na maagaw niya ang pagmamahal ng iyong nobya.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna





 
 
RECOMMENDED
bottom of page