top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 13, 2022




KATANUNGAN

  1. Naisipan kong kumonsulta sa inyo dahil gusto kong malaman kung uunlad din ba ang pagsasama ng mag-asawa kahit hindi sila compatible? Gemini ang aking zodiac sign, habang ang mister ko naman ay Pisces. Sa pagkakaalam ko ay hindi ito compatible dahil ang Gemini ay air sign, habang ang Pisces ay water sign.

  2. Sa ngayon, hirap na hirap kami sa buhay, kaya nag-apply na rin ako ng trabaho kahit hindi ko naman ito dating ginagawa. Mahirap kasi kung mister ko lang ang aasahan ko dahil maliit lang ang kanyang suweldo, kaya palaging kapos ang pantustos namin sa aming mga pangangailangan.

  3. Nakapagtapos naman ako ng kolehiyo, pero matagal na akong nag-a-apply, ngunit hindi pa rin ako natatanggap. Ano’ng kapalaran ang nakikita n’yo sa guhit ng aking mga palad at sa paanong paraan kami uunlad at makakabayad sa mga utang?

KASAGUTAN

  1. Kung hindi ka makahanap ng trabaho rito sa ating bansa, bakit hindi mo subukang mag-abroad? Ito ang dapat gawin ng isang Gemini, dahil siya ay nagtataglay ng ruling planet na Mercury. Tunay ngang sa pangingibang-bansa, mas uunlad at aasenso ka, na madali namang kinumpirma ng malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Gayundin, ito ay tanda na kung hindi ikaw ang makakapag-abroad, maaaring si mister o ang isa sa inyong mga anak na magiging daan upang makaahon kayo sa kahirapan, hanggang sa tuloy-tuloy nang umunlad ang inyong kabuhayan.

  2. Hinggil naman sa tanong kung uunlad din ang pagsasama ng mag-asawa na hindi compatible sa isa’t isa, ang sagot ay oo. Ang totoo, may kani-kanya namang kapalaran ang bawat zodiac sign at kung ito ay susundin mo — tulad ng susuwertehin sa pag-a-abroad o pagnenegosyo ang isang Gemini — kumbaga sa pagmamaneho, ikaw ang magsisilbing giya o manibela upang marating ng inyong pamilya ang pag-unlad at ganap na kaginhawahan ng buhay.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Kung sadyang hindi ka matanggap sa mga local companies dito sa ating bansa, tulad ng nasabi na, Marissa, subukan mong mag-apply sa abroad, at kapag hindi ka pa rin natanggap, puwede namang si mister ang sumubok na mangibang-bansa.

  2. Sa ganyang paraan, ayon sa iyong mga datos, tiyak ang magaganap — sa kalagitnaan ng susunod na taong 2023, magbabago na ang inyong kapalaran, sapagkat isa sa inyo ni mister ang mangingibang-bansa, at ito ang magiging daan o susi upang tuloy-tuloy nang magsimula ang isang maalwan, bago at mas maunlad na pamumuhay.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 12, 2022




KATANUNGAN

  1. May crush ako ngayon at kaklase ko siya, tawagin na lang natin siyang Jerald. Maestro, gusto kong malaman kung crush din niya ako. Sa edad ko kasing 18, hindi pa ako nagkaka-boyfriend. Kailan ba ako magkaka-boyfriend at siya na ba ang magiging first boyfriend ko kung sakaling magkagusto rin siya sa akin at ligawan niya ako?

  2. Sa totoo lang, palagi siyang laman ng mga panaginip at alaala ko. Gayundin, sa tuwing nakikita ko siya, masayang-masaya ako at hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko.

KASAGUTAN

  1. Walang alinlangang sa kasalukuyan ay umiibig ka na o sabihin na nating nagkaka-crush ka. Ang problema na lang ay kung matutugunan din ba ng kapwa paghanga sa iyong hinahangaan ang kakaibang damdamin na iyong nadarama sa kasalukuyan.

  2. Positibo ang tugon ng kusang lumago, umusad at humaba na Infatuation Line (Drawing A. at B. I-I arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa malapit na hinaharap, matutupad ang iyong pinapangarap — hindi magtatagal, magiging boyfriend mo ang iyong crush.

  3. Ang pag-aanalisang sa semester na ito ay magiging maligaya ka at walang kasing saya ay madali namang kinumpirma ng lagda mong maganda at maayos, na kinakitaan din ng maliit na korteng puso. Ibig sabihin, hindi na maiiwasang ma-in love ka sa panahong ito ng iyong buhay upang minsan pa, ang nasabing paghanga o infatuation sa isang cute at poging lalaki ay matugunan din ng kapwa paghanga naman niya sa iyo, hanggang sa mauwi ang nasabing ugnayan sa romantiko at masayang pagmamahalan.

DAPAT GAWIN

Eleanor, ayon sa iyong mga datos, sa last quarter ng taong ito hanggang sa first quarter ng taong 2023, ang isa sa magiging pinakamapalad at pinakamasayang panahon ng iyong kabataan, sa nasabing panahon at sa edad mong 18, tiyak ang magaganap – sa wakas, magiging boyfriend mo na rin si Jerald, noon mo pa crush na crush.


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 10, 2022




KATANUNGAN

  1. Kung isa lang ang Marriage Line sa palad at pagkatapos ay nagka-boyfriend ka nang isang beses, ibig sabihin ba nito ay hindi ka na magkaka-boyfriend muli o makakapag-asawa? Isa lang ang Marriage Line sa kaliwa at kanan kong palad, at nagka-boyfriend na ako noong first year college ako, pero naghiwalay din kami. Siya na ba ang tinutukoy ng isang Marriage Line sa palad ko?

  2. Sa edad kong 34, pakiramdam ko ay tatanda na akong dalaga dahil wala namang nanliligaw sa akin ngayon. Ano ang masasabi n’yo sa aking mga palad, makakapag-asawa pa ba ako?

KASAGUTAN

  1. Hindi naman ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ang tinitingnan ng darating na relasyon ng isang indibidwal, bagkus, bukod sa Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.), may tinatawag pa sa Modern Palmistry na Infatuation Line o Guhit ng Panandaliang Relasyon (Drawing A. at B. f-f arrow b.).

  2. Sa kaso mo, Gwen, ito ‘yung sinasabi mong naging boyfriend mo (arrow b.), pero naghiwalay din kayo. Nangyari ‘yun dahil sa totoo lang, kahit hindi mo sabihin, hindi naman gaanong tumimo sa iyong puso at karanasan ang nasabing relasyon noong ikaw ay first year college pa lang, kaya hindi ito ang masasabi nating kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Dagdag pa rito, masyado namang malayo sa Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) ang nasabing Marriage Line (1-M arrow a.), na nangangahulugang aabot ka sa edad 35 pataas, at saka darating sa buhay mo ang nasabing lalaki, na maihahaka rin nating ngayon ka pa lang tunay na mai-in love o sa mga panahong ito, tunay ngang darating ang seryoso at pangmatagalang relasyon sa iyong karanasan.

  4. Sa nasabing pag-aanalisa sa itaas, hindi ka dapat mawalan ng pag-asa kahit wala na sa kalendaryo ang edad mo, pero nasa bolitas pa rin ng lotto at jueteng, tulad ng naipaliwanag na, hindi ka dapat kabahan dahil ang kaliwa at kanan mong palad, partikular ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) ang tumitiyak na hindi ka tatandang dalaga. Sa halip, magkaka-boyfriend ka pa, liligaya at panghabambuhay na makakaranas ng masaya at pag-aasawa.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Gwen, tiyak ang magaganap — sa last quarter ng taong ito, pinakamatagal na sa first quarter ng taong 2023, isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus ang makikilala mo.

  2. Siya ang tunay na nakatala sa kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, kung saan siya ang magiging second boyfriend mo, na mas seryoso at tunay, hanggang ang nasabing relasyon ay humantong sa pagbuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya. At tulad ng nasabi na, nakatakdang mangyari ang mga ito sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 35 pataas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page