top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 28, 2022




KATANUNGAN


  1. Nag-a-apply ako sa abroad ngayon, pero hindi ko pa alam kung makakaalis ako. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung may guhit ba sa aking mga palad na nagsasabing ako ay makapangingibang-bansa?

  2. Kung sakaling matuloy ako, kailan ito mangyayari, bago ba matapos ang 2022 o sa susunod na taong 2023?

KASAGUTAN


  1. Sabi nila, maraming kababayan natin ang nagpupumilit makapangibang-bansa dahil du’n nila nakikita ang pag-unlad ng kanilang kabuhayan kaysa sa sarili nating bansa. May ilan tayong mga kababayan na pinapalad sa ibayong-dagat, habang mayroon ding nabibigo o umuuwing luhaan.

  2. Samantala, Irish, ayon sa iyong kapalaran, hindi ka dapat mag-alala dahil walang duda na ang unang halimbawa na nabanggit ang matutupad. Ibig sabihin, positibo ang tugon at ito ang nais ipahiwatig ng malawak at mahabang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Tanda na sa panahon ding ito, hindi ka maiinip dahil mabilis na mapoproseso ang mga papeles mo patungong ibang bansa at hindi matatapos ang taong 2022, sa kalagitnaan o huling lingggo ng Disyembre, pinakamatagal sa first quarter ng taong 2023, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.

  4. Ang pag-aanalisang makakapag-abroad ka at susuwertehin ngayong panahong ito ay madali namang kinumpirma ang Chinese Animal sign mo na Dragon, kung saan sa taong 2023 o Year of the Rabbit, tulad ng naipaliwanag na, tuloy-tuloy kang susuwertehin at magtatamo ng magagandang kapalaran, lalo na sa aspetong paglalakbay at pangkabuhayan.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Sa panahon ngayon na maraming nag-a-apply sa abroad ang natutuloy, ang malungkot ay kaunti lamang ang umaasenso o nagkakaroon ng maunlad na pamumuhay. Pagbalik kasi sa ating bansa ay nagiging magastos at maluho sila, kaya nauubos agad ang naipong pera sa pangingibang-bansa. ‘Yung iba naman, hindi makaipon dahil padala nang padala sa mga hinihingi ng kamag-anak at mahal sa buhay na naiiwan sa Pilipinas.

  2. Dahil dito, mahalaga na bago makipagsapalaran sa ibayong-dagat, kailangan munang masuri kung mayroon bang “good looking Travel Line” (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ang isang indibidwal. Ibig sabihin ng good looking Travel Line (arrow a.) ay malinaw na linya na sumanga sa Life Line (arrow L-L arrow b.), na walang anumang guhit na distorbo, hindi nagkabilog, walang guhit na humadlang, hindi nalatid at hindi rin magulo. Kumbaga, isang Guhit ng Paglalakbay (Drawing A. at B. t-t arrow a.) na suwabeng-suwabe ang pagkakapinta at tuloy-tuloy na humaba at lumawak.

  3. Sa kaso mo, Irish, eksaktong nagtataglay ka ng good looking Travel Line (arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay nangangahulugan na ang inaasahang pag-a-abroad ngayong taon o sa first quarter ng 2023 ay matutupad, na nakatakdang magbunga ng mabiyaya at masuwerteng pangingibang-bansa.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 26, 2022




KATANUNGAN


  1. Ang gusto kong malaman mula sa inyo ay kung nakikita rin ba sa guhit ng mga palad ang pagkakaroon ng mga anak? Tatlong taon na kasi kaming nagsasama ng mister ko, pero hanggang ngayon ay wala pa rin kaming anak.

  2. Maestro, magkakaanak pa ba kami? Kung oo, kailan ito magaganap at ano ang kasarian ng unang magiging baby namin?

KASAGUTAN

  1. Dalawang malinaw na Guhit ng Supling o Children Lines (Drawing A. at B. 1-C, at 2-C arrow a. at b.) ang namataan sa dalawang salalayan ng Children Lines, sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na humigit-kumulang, dalawang beses kang mabubuntis o magkakaanak.

  2. Ang unang baby ay inirerepresenta ng mas makapal at mahabang guhit (arrow a.), na nagpapahiwatig ng isang lalaking sanggol, habang ang ikalawang guhit na mas manipis at maikli (arrow b.) ay siya namang inirerepresenta ng babaeng sanggol. Dahil kapwa malinaw at hindi nalatid o hindi magulo ang pagkakaguhit ng nasabing dalawang Children Lines (arrow a. at b.), ito ay malinaw na indikasyon na dalawang malusog at matalinong saangol ang magiging bunga ng inyong pagsasama, habang patuloy kayong nagmamahalan.

DAPAT GAWIN

Ayon sa iyong mga datos, Marife, walang sablay dahil sa first quarter ng susunod na taong 2023, tiyak na mabubuntis ka at pagkatapos ng siyam na buwan, isang lalaking sanggol ang iyong isisilang. Lalakad na naman ang ilan pang panahon sa taong 2025, muli kang mabubuntis at pagkatapos ng siyam na buwan, isang babaeng sanggol naman ang iyong isisilang, na lalo pang magdadala ng lubos na galak at saya, na siyang kukumplento sa pagmamahalan ng inyong pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | October 24, 2022




KATANUNGAN

  1. Ako ay dating may boyfriend at tumagal ang relasyon namin nang tatlong taon. Ang problema, bigla siyang nag-asawa nang umuwi siya sa kanilang probinsya dahil may nabuntis siyang babae, pero ngayon ay hiwalay na raw sila. Hindi ko alam kung totoo ang sinasabi niya dahil hindi naman ako makapunta sa kanilang probinsya. Nang magkita kami dahil nandito ulit siya sa Manila, nais niyang makipagbalikan dahil ako raw talaga ang mahal niya. Gayunman, mula nang mag-asawa siya, hindi na ako umibig muli dahil mahal ko siya at siya ang lalaking gusto kong makasama habambuhay.

  2. Sa ngayon, natutuwa ako na parang nalulungkot. Natutuwa ako dahil nakikipagbalikan siya, pero nalulungkot ako dahil kung hindi talaga sila hiwalay ng kanyang asawa, makakasira ako ng pamilya. Pero minsan ay naiisip ko na baka kaming dalawa talaga ang itinakda ng kapalaran, kaya muli siyang nagbalik sa aking buhay.

  3. Ano ang masasabi n’yo at ano ang dapat kong gawin? Sa ngayon, regular siyang pumupunta sa bahay at mistulang nanliligaw. Minsan ay gusto ko nang tanggapin siya ulit, pero may mga pagkakataon na natatakot ako na hindi ko maintindihan. Maestro, siya na ba talaga ang lalaking nakaguhit sa aking mga palad?

KASAGUTAN

  1. Binigyan ng Lumikha ang tao ng emosyon upang umibig at magmahal. Ang emosyon o damdamin na ito ang palaging nagpapasya sa malungkot na buhay ng isang nilalang. Kaya lang, bukod sa damdamin ay binigyan pa tayo ng Lumikha ng isip o rason upang kapag nagugulumihanan sa panahong umiiral ang matinding emosyon ay magamit naman natin.

  2. Sa maingat na pagtimbang ng isip at damdamin, makakabuo ang isang indibidwal ng sakto at katanggap-tanggap o tamang desisyon. Dianne, malinaw na nagmamahal ka pa rin sa ex-boyfriend mo, pero kasabay nito, dapat mo ring gamitin ang iyong isip. Ibig sabihin, mag-imbestiga ka at alamin mo ang katotohanan kung hiwalay na ba talaga sila ng kanyang napangasawa. Kapag hiwalay na sila, malaya n’yo na muling buuin ang dating masaya at naunsyami n’yong relasyon.

  3. Ito ang nais sabihin ng parang nagda-dalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Bagama’t sa biglang tingin, akala mo ay dalawa ang nasabing guhit ng pag-aasawa, pero dahil magkasing-haba at magkasing-kapal at masyadong malapit ang pagitan ng nasabing Marriage Line (arrow a. at b.) na muling nagdugtong at pag-ibig na matagal na panahong nangulila, ngunit kahanga-hanga, muling nagtagpo ng landas at habambuhay nang nagmahalan.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Minsan, sadyang nakakalimutan ng tao ang mga ibinigay sa kanya ng Dakilang Lumikha, kaya madalas ay hindi niya masolusyunan ang napakasimpleng problema dahil ayaw niyang magsaliksik o mag-imbestiga.

  2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Dianne, gamitin mo ang likas na talento ng iyong isip na mag-imbestiga, ‘wag kang gumawa ng konklusyon kung walang ka namang datos. Sa ganu’ng paraan, matutuklasan mo ang katotohanang hiwalay na talaga ang ex-boyfriend mo at ang kanyang asawa, habang kayo naman ay magkakaroon na rin ng lisensyang moral upang muling magmahalan at buuin ang naunsyami n’yong pag-iibigan upang magkaroon ng bago at mas maligayang pamilya habambuhay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page