top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | September 3, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. May ex-girlfriend ako sa aming probinsya. Pero sa kasamaang palad, hindi kami ang nagkatuluyan. Mga bata pa kasi kami noon at inosente pa. Siya talaga ang gusto kong mapangasawa. Kaya lang, wala kaming nagawa nang paglayuin kami ng tadhana at nu’ng panahong kailangan niyang mag-abroad. Mula noon, itinuring ko na lang na hindi kami talaga ang para sa isa't isa.

  2. Makalipas ang maraming taon, bigla akong nakatanggap ng friend request sa FB at nang tingnan ko ang pangalan, nagulat ako dahil pangalan 'yun ng ex-girlfriend ko.

  3. Nang makita ko 'yun, tuwang-tuwa ako at wala akong sinayang na pagkakataon. Kinamusta ko siya at nagkausap kami. Mula noon, muling nabuhay ang sigla ko sa bawat araw dahil naging magkaibigan ulit kami. Hanggang sa magpasya kaming magkita at nang magkita kami, alam ko sa puso ko na may gusto pa rin ako sa kanya at ganundin siya sa akin. Kaya lang, ang masakit ngayon ay pareho na kaming may sariling pamilya. Gayunman, paminsan-misan ay palihim pa rin kaming nagkikita.

  4. Ang gusto kong malaman, Maestro, kung sadya bang nakaguhit sa palad namin na muli kaming pagtatagpuin ng tadhana? Minsan, natatakot din akong mabisto ng asawa niya o asawa ko ang aming ginagawa. 

  5. Sa ngayon, some sort of advice lang ang kailangan ko para magkaroon ako ng peace of mind at sana ay magkita tayo nang personal para matingnan mo ang guhit ng aking palad.

  6. Masasabi ko ring masaya naman kami ng legal wife ko dahil mabait naman siya at maasikaso.



KASAGUTAN 

  1. Hindi ka dapat kabahan at wala kang dapat ipag-alala dahil anuman ang namamagitan sa inyong dalawa ng teenage sweetheart mo, hindi masisira ang inyong pamilya, sapagkat kung noong panahong pinaglayo kayo ng tadhana ay wala kayong nagawa, mauulit lang ang mga pangyayari — muli kayong pagtatagpuin at wala rin kayong magagawa para tanggihan ito.

  2. Nangyaring ganyan ang kinalabasan ng pag-aanalisa dahil kapansin-pansing nanatiling matino, buo, tuwid at maganda ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit magkatikiman pa kayo nang magkatikiman at paulit-ulit na magparaos ng sarap at ligaya, walang duda, mananatili pa rin ang dati mong ugali na mabait at tapat sa iyong asawa, kaya anuman ang mangyari, makakaya mo pa rin siyang iwasan.

  3. Ang ikinaganda pa nga nito, ganundin siya, mananatili ang pagiging mabait niyang ina ng tahanan at ulirang misis sa kanyang mister, kaya kapag nagpaalam na kayo sa isa't isa, kapwa kayo masayang babalik sa inyong pamilya.

  4. Tulad ng inaasahan, dahil 'yun naman talaga ang nakatakda – ang saglit na ugnayan sa kasalukuyan upang mairaos n'yo ang nausyaming suyuan at pagmamahalan n'yo sa isa’t isa. At kapag nairaos na ulit nang nairaos nang palihim ang sarap at romansa na hindi n'yo naman nagawa nang kayo’y mga bata pa, tulad ng nasabi na, parehong babalik ang katinuan ng isip n'yo, kaya pipiliin n'yong manatili sa orihinal n'yong mga pamilya habambuhay.

 

MGA DAPAT GAWIN 

  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Jack, matapos ang isa, dalawa, tatlo o mahigit pa na palihim n'yong pagkikita at pagde-date ng teenage sweetheart mo, at matapos n'yong mairaos nang paulit-ulit ang nausyaming pagmamahalan at init ng katawan, darating ang eksaktong panahon na maglulubay din kayo upang muling magbalik sa katinuan ang inyong isipan.

  2. Minsan, kapag ganu'n na nga ang nangyari, magpapasya na rin kayo na pigilan na muna ang inyong sarili, alang-alang sa inyong pamilya, ibabalik n'yo ang sitwasyon sa isang “ideal family” na tinitingnan ng lipunang inyong ginagalawan, na ang tingin sa inyo ay kapwa kayo mayroong isang simple, maligaya at panghabambuhay na pamilya.

  3. At kapag nangyari na 'yun, balik ulit ang inyong buhay sa masayang pamilya. Sa inyong pag-iisa, isang umaga habang nagkakape, sa terahe ng inyong bahay, minamasdan ang mga lantang tangkay ng mga bulaklak sa hardin, sasagi na lamang sa inyong alaala ang minsang kasalanan na inyong nagawa, subalit batid n'yong kailanma’y hinding-hindi na mauulit pa, sapagkat ang mga nakaw na sandali na masarap at maligaya ay sadyang lilipas at matatapos din (Drawing A. at B. h-h arrow b.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | September 1, 2024


Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN


  1. Matandang dalaga na ako, at magpo-49 na ako sa darating na ika-5 ng Nobyembre. Tapos ko nang pag-aralin ang aking mga pamangkin, at nag-focus din ako noon sa aking trabaho. Kaya naman nakalimutan ko rin ang sarili ko. I mean, hindi ko natutukan ang pag-ibig at pakikipagrelasyon noong mga panahong ‘yun.

  2. May boyfriend ako, half-Chinese siya at may pagkaseloso, kaya naman madalas din kaming magtalo dahil sa attitude niya. Ang nangyayari tuloy, para kaming aso’t pusa, pero hindi pa naman kami naghihiwalay dahil sa tuwing humuhupa ang sama ng loob namin sa isa’t isa, nagkakabati rin naman agad kami.

  3. Maestro, siya na ba ang lalaking makakasama ko habambuhay? Iniisip ko kasi na kung tuluyan kaming magkakahiwalay, baka wala nang ibang lalaki na dumating sa buhay ko. 

  4. Ano sa palagay n’yo, makakapag-asawa pa kaya ako o siya na talaga ang itinakda na makakasama ko habambuhay? October 26, 1970 ang birthday niya at mas matanda siya sa akin nang apat na taon.


KASAGUTAN


  1. Sa panahong may edad na ang indibidwal, masasabing mahirap maubusan ng lalaki at kung minsan nga, nauubusan talaga ng lalaki ang babaeng pihikan sa pagpili ng mapapangasawa.

  2. Kaya pansinin at bigyang halaga, na sadyang tugma ang zodiac sign n’yong pareho kayong Scorpio, gayundin ang birth date mong 14 o 5 (ang 14 ay 1+4=5) sa birth date na 26 0 8 (ang 26 ay 2+6=8) ng boyfriend mo.

  3. Kung saan, ang birth date mong 5 ay tugma sa birth date niyang 8. Kung saan, sa pagnenegosyo kayo kikita at tiyak na yayaman.

  4. Ibig sabihin sa pag-aanalisang Astro-Numerology walang duda, sadyang tugma at compatible talaga kayong dalawa, at sobrang laki ng posibilidad na maaaring kayo na nga ang magkatuluyan sa malapit na hinaharap.

  5. Kapansin-pansing din na itinakda sa iyo ng kapalaran na ang mapangasawa mo ay ang lalaking kasalukuyan mong karelasyon ngayon na madali namang kinumpirma at pinatunayan ng tuwid, mahaba at makapal na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung sino ang karelasyon mo ngayon, siya na nga ang nakatakda mong mapangasawa at makasama habambuhay na madali namang kinumpirma at pinatunayan ng maganda, walang bilog at malinaw na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, noon pa man ay may pangako na sa iyo ang kapalaran ng maligaya at panghabambuhay na relasyon na kahit sabihin pang madalas kayong mag-away, balewala ‘yun dahil habang tumatanda kayo, mapagpapasensiyahan n’yo rin ang isa’t isa hanggang sa tuluyan na kayong magkasundo at wala nang pamimilian pa kundi ang magmahalan kayo habambuhay.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Ayon sa iyong mga datos, Criselda, kasal man kayo o hindi, nakatakda na ang magaganap. Kayo na ang magsasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya na nakatakdang mangyari sa susunod na taon, sa edad mong 50 pataas at 54 naman ang karelasyon mo, na siya na ngang kaisa-isang lalaking itinakda sa iyo ng kapalaran upang makasama mo habambuhay na magsisimulang mangyari at maganap sa buwan ng Hunyo sa susunod na taong 2025.



 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | August 29, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Ano ang ibig sabihin ng Travel Line na malawak sa simula, ngunit unti-unting kumurba pasikip malapit sa Life Line. Paki-tingnan na lang ang aking mga palad, ganyan kasi ang nakikita ko.

  2. Kasalukuyan akong nag-a-apply bilang seafarer, matatanggap kaya ako sa barko at makakapag-abroad?


KASAGUTAN

  1. Kapag ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a. at b.) ay dating malawak o maluwag, ngunit biglang sumikip o lumiit (arrow b.), ito ay maliwanag na tanda na sa unang taon, sa ikalawa hanggang ikatlong taon ng pangingibang-bansa, susuwertehin ka o ang iyong asawa.

  2. Ngunit paglipas ng takdang panahon habang sinusuwerte ka abroad, tulad ng nasabi na, hindi kamalasan ang susunod. Sa halip, ang dating tinamasa n’yong suwerte ay hindi na kasing-suwerte sa darating na panahon kung ikukumpara sa mga nauna o sa dating mga pangingibang-bansa.

  3. Ibig sabihin, susuwertehin at papalarin ka talaga sa abroad sa isa hanggang ikatlong pagkakataon, ngunit pagpasok ng ika-apat na taon, unti-unti nang liliit ang iyong kinikita dahil sa mabilis na paglaki ng mga bata, at pagdami ng mga gastusin ng pamilya. Samantalang mabagal naman ang magiging pagtaas ng iyong suweldo o income. Kaya ang mangyayari, sa panahong tinuran ay hindi na masyadong magiging maalwan ang kabuhayan ng inyong pamilya. Kaya ang maganda mong gawin habang malakas pa ang kinikita sa panahon ika’y nasa abroad, mag-ipon ka nang mag-ipon upang kapag humina na ang inyong income sa pangingibang-bansa ay may madukot o may mapuhunan ka kung magbabalak kayong mag-negosyo at tuluyan nang tumigil sa pag-a-abroad.


MGA DAPAT GAWIN

  1. Samantala, ayon sa iyong mga datos, Jemuel, tiyak ang magaganap— matutuloy ka sa binabalak mong pangingibang-bansa, sa taong kasalukuyan, sa buwan ng Oktubre, at edad mong 31 pataas. Ngunit pagkatapos ng isa, dalawa o tatlong taong masaganang pag-a-abroad, pagsapit ng ika-apat na taon, bagama’t, makakapag-abroad ka pa rin, liliit na ang halaga ng iyong kinikita kaya mapipilitan kang tumigil.

  2. Sa sandaling nag-retire o umayaw ka na, ang negosyong grocery o tindahan ng bigas sa palengke at iba pang matataong lugar (Drawing A. at B. N-N arrow c.) sa nasabing kalakal, tiyak ang magaganap sa taong 2031, sa edad mong 38 pataas. Sa pamamagitan ng nasabing mga negosyo, magsisimula na muling lumago ang iyong kabuhayan hanggang sa tuluy-tuloy nang umunlad at yumaman ng inyong pamilya (Drawing A. at B. H-H arrow d.).



 
 
RECOMMENDED
bottom of page