top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 4, 2022




KATANUNGAN


  1. Naghiwalay kami ng misis ko. Mag-iisang buwan na siyang hindi umuuwi mula nang nalaman niyang lumabas kaming magkakaibigan at hindi naiwasang mag-night club kami. Katuwaan lang naman ‘yun dahil may kabarakda kami na galing abroad at nagyaya para magkita-kita kaming magkakabarkada at nag-inuman sa beer house at nag-table ng babae. Nang nalaman ito ng misis ko, nagalit siya at umuwi sa mga biyenan ko.

  2. Mahirap din pala na walang asawa o misis na nag-aasikaso sa iyo, kaya ngayon, naiisip kong sunduin siya sa mga biyenan ko. Sa tingin n’yo, sasama kaya siya? Sa ngayon, tine-text at tumatawag ako sa kanya, pero hindi na siya sumasagot.

  3. Sa palagay mo, Maestro, nasa guhit ba ng palad ko ang mahiwalay sa aking asawa o magkakabalikan pa kami? Maliit na bagay lang naman ang aming pinag-awayan.

KASAGUTAN


  1. Sabagay, buti na lang, isa at nanatiling mahaba ang makapal at matatag na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na mas tama ang una mong naisip kung saan sunduin mo na si misis sa iyong mga biyenan para hindi na lumala pa ang sitwasyon.

  2. Subalit ang totoo nito, anuman ang mangyari, sa bandang huli, ang takdang kapalaran pa rin naman ang mananaig, kung saan ang tadhana ang gagawa ng paraan upang magkabalikan kayo at mabuong muli ang inyong pamilya, na madali namang kinumpirma ng maayos at maganda ring Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Ito ay tanda na sa sandaling nagkabalikan kayong mag-asawa, lalong magiging masarap at mas magiging okey ang inyong relasyon at pagmamahalan ng inyong pamilya habambuhay.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Marco, kung hindi mo susunduin ang iyong misis sa iyong mga biyenan, ikaw din ang mahihirapan dahil mahirap talagang mamuhay mag-isa kung walang mag-aasikaso sa iyo.

  2. Ang pinakamaganda mong magagawa ngayon ay sunduin mo na si misis at humingi ka ng tawad at pabalikin mo na siya sa inyong tahanan upang ngayong malapit na ang Kapaskuhan, muling mabubuo at mas magiging maligaya ang inyong pamilya habambuhay.


 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 1, 2022





KATANUNGAN


  1. Ang problema ko ay dalawang beses na akong kumukuha ng nursing board exam, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako pumapasa.

  2. Sa ngayon ay nagtatrabaho ako bilang nurse sa isang private clinic, pero maliit lang ang suweldo ko dahil medyo mahina pa ang bagong bukas na clinic namin.

  3. Balak kong kumuha ulit ng board exam sa susunod na taong 2023, makakapasa na ba ako?

KASAGUTAN


  1. Maganda at tuloy-tuloy naman ang pag-usad pataas ng Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kahit hindi ka pa nakakapasa sa nursing board exam, hindi ka naman mawawalan ng trabaho o hanapbuhay. Sa halip, tuloy-tuloy ka pa ring makakapagtrabaho bilang nurse.

  2. Dagdag pa rito, bukod sa magandang Fate Line (F-F arrow a.), mayroon ka ring Effort Line (Drawing A. at B. E-E arrow b.) at Sun Line (Drawing A. at B. S-S arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Ibig sabihin, may isang panahon sa iyong buhay na itatala ang pagsikat o sabihin na nating pagpasa sa board exam at kaya ka sisikat ay dahil maipa-publish sa mga pangunahing pahayagan ang iyong pangalan. Ibig sabihin, tamang timing lamang ang kailangan sa pagkuha ng board exam at siguradong sa ikatlong pagkakataon, walang sablay, maluwalhati ka nang makakapasa sa board exam at magiging lisensyadong nurse.

DAPAT GAWIN


Daisy, ayon sa iyong mga datos, sa sandaling kumuha ka ng nursing board exam sa susunod na taong 2023, tiyak ang magaganap sa edad mong 27 pataas dahil maluwalhati kang makakapasa, hanggang sa ganap ka nang maging mahusay, lisensyado at propesyunal na nurse.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | November 29, 2022





KATANUNGAN


  1. Kasalukuyan akong nagtatrabaho sa call center, pero nahihirapan na ako, kaya balak kong mag-resign at maghanap ng ibang trabaho. Ang problema, nakita ko ang aking Fate Line na huminto, pero nagpatuloy din.

  2. Ano ang ibig sabihin ng ganitong Fate Line at dapat ba akong mag-resign sa kasalukuyan kong trabaho at maghanap ng ibang trabaho? Kung maghahanap ako ng ibang trabaho, makakahanap ba agad ako, lalo na ngayong magpa-Pasko?

KASAGUTAN


  1. Dahil ilang araw na lang ay Pasko na, imbes na ngayon ka mag-resign ay palipasin mo muna ang buwan ng Disyembre, Enero, Pebrero at Marso 2023. Sa halip, kung talagang hindi ka na mapipigilan sa balak mong pagre-resign, sa Abril 2023 mo na gawin ang pag-alis sa kasalukuyan mong trabaho o paglipat sa ibang kumpanya.

  2. Samantala, sinasabi na kapag huminto ang maganda at matayog na Fate Line, na tinatawag ding Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) at pagkatapos huminto ay nagpatuloy din (arrow b.) sa kanyang tinatahak na direksyon at maluwalhating nakatungtong Mount of Saturn (arrow c.), tiyak na sa ayaw at sa gusto mo, hindi mo ito mapipigilan o malabo mo itong mahadlangan.

  3. May isang panahon na kusa kang mawawalan ng regular na pagkakakitaan o trabaho (arrow a.), ngunit pagkatapos nito, kumbaga sa negosyante ay bumagsak ang career at kabuhayan mo, sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran, kusa kang makakarekober. Kapag nangyari ito at muli kang nagkaroon ng hanapbuhay, tuloy-tuloy na ulit ito hanggang sa umunlad nang umunlad ang iyong kabuhayan at kusa ka nang yumaman (H-H arrow d.).

MGA DAPAT GAWIN


  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Jenifer, kusang magaganap sa susunod na taong 2023 ang dapat mangyari. Pero hindi ka naman dapat malungkot o manghinayang kung sakali mang bigla kang mawalan ng career o trabaho dahil ang lahat ng ito ay pansamantala lamang.

  2. Sinasabing ang paghinto ng pagkakakitaan o trabaho ay buwelo o preparasyon lamang para sa mas malaking suwerte at magandang kapalaran na darating sa buhay mo. Ito ay magsisimulang mangyari sa susunod na taong 2023, sa buwan ng Mayo at sa edad mong 24 pataas. Sa nasabing panahon, sa mas maganda at malaking suweldo na kumpanya ka malilipat, kung saan ang iyong career o propesyon ay tuloy-tuloy nang uunlad, aangat at aasenso.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page