top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 11, 2022




KATANUNGAN


  1. Dati akong factory worker sa abroad at halos 10 taon ako ru’n, pero nagtataka ako dahil parang wala ring nangyari sa buhay ko. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung nasa guhit ba ng mga palad ko ang pagyaman?

  2. Mula nang umuwi ako noong 2020, ang dami ko nang nasubukang negosyo, pero walang umasenso, lahat ay nalugi dahil nasabay pa ito sa pandemya. Sabi ng misis ko, itigil ko na ang pagnenegosyo dahil baka hindi naman ito ang linya ko. Sinabi niya rin na bumalik na lang ako sa abroad.

  3. Sa palagay n’yo, Maestro, saan at paano ako yayaman, sa pagbabalik sa abroad o pagnenegosyo? Ano ang nakaguhit sa aking mga palad?

KASAGUTAN


  1. Tama ang misis mo. Kung sa pag-a-abroad ka sinuwerte at nakaipon ng malaking halaga sa panahong nasa ibang bansa ka, mas makabubuti siguro na habang hindi ka pa gaanong nagkakaedad at may kalakasan pa ang iyong pangangatawan, mag-abroad ka nang mag-abroad, hangga’t tinatanggap at kailangan ka pa ng inyong kumpanya. Ito ang nais sabihin ng malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Ang totoo nito, sa panahon ngayon, hindi pa nakalaan sa kapalaran mo ang umasenso o umunlad sa pamamagitan ng negosyo. Bagkus, tulad ng nasabi na, higit kang magtatagumpay at papalarin sa tuloy-tuloy na pangingibang-bansa.

  3. Ang pag-aanalisang paulit-ulit kang susuwertehin sa pag-a-abroad kaysa sa pagnenegosyo, lalo na sa panahon ngayon at sa iyong edad na 36, madali namang kinumpirma ng lagda mong umaalon na parang lumilipad at may anyo o hugis na parang dollar sa gitnang bahagi. Ibig sabihin, ngayon pa lang ay nasasagap na ng unconscious mong isipan ang muling pagsakay sa eroplano at pagtawid ng dagat hanggang sa makarating kang muli sa ibang bansa.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Sabi nga ni Haring Solomon, “For everything there is a season, a time for every activity under the heaven.” (Ecclesiastes 3:1 NLT). Tandaan mo na anuman ang binabalak o gusto nating gawin, sa totoo lang, ito ay kusa namang mangyayari sa tamang panahon na itinakda ng langit.

  2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Edmond, kung muli kang mag-a-apply sa abroad, tiyak na may pangako ng isa pang mas mabungang pangingibang-bansa sa iyong karanasan.

  3. Ang panahong ito sa iyong buhay ay ang tamang panahon na dapat kang maglakbay nang maglakbay hanggang sa makapagpundar ka ng mas produktibo at masaganang kabuhayan na magsisimulang mangyari sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 37 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 8, 2022




KATANUNGAN


  1. Maestro, tatlo ang nakikita kong Marriage Line sa aking mga palad, ibig sabihin ba nito ay tatlong beses akong makakapag-asawa? Dalawa na ang nagiging asawa ko, ‘yung una ay nakulong at namatay sa kulungan, habang ‘yung kinakasama ko ngayon ay nakilala ko sa aking trabaho. Pero ngayon, mukhang lumalabo na ang aming relasyon dahil pamilyadong tao siya.

  2. Kung halimbawa na makikipaghiwalay ako sa lalaking ito, makakapag-asawa pa ba ako ulit at sa ikatlong pag-aasawa, magiging maligaya na ba ako?


KASAGUTAN


  1. Tama ang nakita mo na tatlong Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M, arrow a., 2-M arrow b. at 3-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Gayundin, tama ang interpretasyon mo na tatlong beses kang makakapag-aasawa o huwag na nating sabihing “asawa” dahil ang depenisyon mo nito ay medyo magulo pa. Dahil sa panahon ngayon, ang nagli-live-in o nagsasama nang hindi kasal ay tinatawag pa ring “mag-asawa”, habang ‘yung magkasintahan na halos araw-araw magkasama at may nangyayari na sa kanila ay tinatawag na rin nilang “mag-asawa” at kasal na lang ang kulang.

  2. Para sa mas kumbinyenteng usapan, imbes na asawa, sabihin na lang natin na tatlong beses kang magkakaroon ng lalaking makakasama nang medyo matagal, meaningful at may kurot at anghang sa puso na mararanasan.

  3. Pansinin na ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanang palad, bagama’t mahaba ay unti-unting yumukayok hanggang sa kusang nahulog sa gilid na bahagi ng palad (arrow a.). Ito ay tanda na ang una mong asawa ay posibleng bawiin ni Lord sa maagang panahon, ngunit dahil mahaba ang nabanggit na Marriage Line (arrow a.), posibleng magkaroon ka ng mga anak sa kanya matapos kang mabalo. Ngunit matapos ang mahaba at masaya n’yong pagsasama, mawawala rin siya at ‘yun ang nangyari – nabalo ka. ‘Yan ang ibig sabihin ng unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Pansinin mo rin naman na ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.), bagama’t okey ang pagkakaguhit, ito ay medyo maikli at unti-unting nabiyak o nahati sa gitna (arrow b.). Ang tawag naman dito ay “open marriage” kung saan tulad ng nararanasan mo sa kasalukuyan, may asawa ka nga, pero may pamilya naman siya, kaya minsan ay umuuwi siya sa iyo at minsan naman ay sa orihinal niyang pamilya.

  5. Sa ganyang pangyayari, kapag wala naman sa iyong problema, gayundin sa orihinal niyang asawa, sapagkat masasabing kapwa n’yo tanggap ang ka-immoralan o sitwasyong namamagitan sa inyong tatlo. Samakatuwid, hindi rin naging maganda ang ikalawang pag-aasawa na kasalukuyan mong dinaranas.

  6. Subalit pansinin mo pang muli na ito namang ikatlong pag-aasawa, kung saan ang nasabing Marriage Line (Drawing A. at B. 3-M arrow c.) ay sadyang naging tuwid, makapal at maganda na (arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na sa ikatlong pag-asawa, tulad ng iyong inaasahan, ito ay magiging matagumpay at magiging masaya ka na sa bubuuin n’yong pamilya, na kinumpirma rin ng birth date mong 12 o 3 (1+2=3). Sa ikatlong pangyayari, sitwasyon o anumang ikatlong kaganapan sa iyong buhay, tulad ng nasabi na, susuwertehin at papalarin ka na.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Tama ang iniisip mong makipaghiwalay sa kasalukuyan mong kinakasama na may legal na asawa, sapagkat sa bandang huli, kahit naman hindi ‘yun ang desisyon mo, ganundin ang kusang mangyayari.

  2. Ayon sa iyong mga datos, Annalyn, sa kalagitnaang bahaging ito ng iyong buhay, matapos ang dalawang masasalimuot na pag-aasawang naranasan na puno ng tiisin at pagpapakasakit, gagantihan ka rin ng tadhana ng magandang kapalaran sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 39 pataas dahil muli kang makakapag-asawa ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra. Ang ikatlo at kahuli-hulihang pag-aasawang ito ay itatala nang maunlad, maligaya at panghabambuhay na pagsasama (Drawing A. at B. 3-M arrow c.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 6, 2022




KATANUNGAN

  1. May boyfriend ako noong high school at nagkaroon ulit kami ng komunikasyon sa pamamagitan ng Facebook hanggang sa nagpasya kaming magkita. Ang problema, may kani-kanyang asawa at pamilya na kami ngayon. Gayunman, palihim pa rin kaming nagkikita at nagkaroon na rin kami ng lihim na relasyon.

  2. Maestro, gusto kong malaman kung dapat ko pa bang ipagpatuloy ang lihim na relasyon naming ito at kung hindi na, paano ko mapipigilan ang aking sarili? Sa edad kong ito, aaminin ko sa inyo na kung kailan ako nagkapamilya, ngayon lang ako ulit nakadama ng ganitong klase ng pag-ibig. Alam kong bawal pero nakakapanabik at masarap pala dahil dama mo na nagmamahalan talaga kayong dalawa.

  3. Sa totoo lang, mixed feelings ang nararamdaman ko ngayon. Natatakot ako, pero masaya ako. Natatakot din ako na baka isang araw ay mahuli kami ng mga asawa namin, pero masaya ako dahil alam kong nagmamahalan talaga kami

  4. Sa palagay n’yo, Maestro, ano ang kahihinatnan ng lihim na relasyon naming ito?

KASAGUTAN

  1. ‘Ika nga, “Kapag naglalaro ng apoy at hindi tumigil, malamang na mapapaso.” Kaya kung ako sa iyo, bakit mo pa hihintaying mapaso ang isa sa inyo ng kalaguyo mo kung kaya n’yo namang iwasan ang kahangalan na ‘yan?

  2. Sabi nga sa isang sikat na awitin ni Barry Manilow, “We have the right love at the wrong time.” Minsan, tama ang pag-ibig dahil mahal n’yo ang isa’t isa, pero sa maling panahon at pagkakataon naman siya dumating. Tulad n’yo, masasabing bakit ba ganu’n ang buhay – kung kailan may asawa at pamilya na kayo pareho, saka pa kayo muling pinagtagpo ng social media, samantalang puwede namang noong dalaga at binata pa kayo?

  3. Pero kung tutuusin, hindi puwede dahil noong araw o nu’ng dalaga’t binata pa kayo, wala namang Facebook o social media, kung saan madali mong mahahanap ang dati mong girlfriend o boyfriend kapag tinipa mo na ang kanyang pangalan sa search engine.

  4. Samantala, ang maganda, wala namang babala na maghihiwalay kayo ng iyong asawa. Ito ang nais sabihin ng matatag at tuwid na kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  5. Tanda na sa kabila ng iyong illicit love affair ngayon, hindi naman ito makakaapekto sa relasyon n’yo ni mister, gayundin sa iyong pamilya. Uusad nang uusad ang panahon, hindi mabibisto ng asawa mo ang iyong lihim na relasyon sa ex-boyfriend mo at hanggang sa huli, manlalamig na rin kayo ng kalaguyo mo sa isa’t isa hanggang sa kusang maputol ang inyong lihim na ugnayan.

  6. Ang pag-aanalisang hindi magtatagal ang panlalalaki mo at pambababae ng karelasyon mo ay madali namang kinumpirma ng Infatuation Line (Drawing A. at B. I-I arrow b.), na agad ding naputol (arrow c.) sa kalagitnaang bahagi ng iyong palad. Ito ay tanda na hindi aabutin ng isang taon ang inyong relasyon, siguradong babalik sa katinuan ang inyong mga isipan hanggang sa tuluyan kayong magkasawaan. At kapag nagkasawaan na, kusa ring huhupa at ganap na matutunaw ang matindi n’yong pagnanasa sa isa’t isa, hanggang sa kapwa kayo bumalik sa maayos na pamumuhay kapiling ng inyong orihinal na pamilya.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Sabi nga sa kanta, “Sometimes, goodbyes are not forever,” “It doesn't matter if you’re gone,” “I still believe in us together,” “I understand more than you think I can,” “You have to go out on your own,” “So you can find your way back home.”

  2. Minsan ay nagkakasala tayo o nakakagawa ng ka-immoralan, pero sa mga pagkakataong ‘yun, dapat manatiling matatag at iprayoridad pa rin ang pamilya. Kumbaga, hindi ka dapat kabahan sa illicit love affair na iyong napasukan sa kasalukuyan dahil sa huli, matatapos at lilipas din ‘yan.

  3. Sa panahong tinuran, palalayain n’yo na ang isa’t isa upang magpakatino ulit sa kani-kanya at masayang pamilya. Sabi nga sa popular na kantang Somewhere Down The Road, “Letting go is just another way to say I’ll always love you so.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page