top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 17, 2022




KATANUNGAN


  1. Gusto kong malaman kung ano ang mangyayari sa aking career, kaya sana ay maanalisa mo rin ang guhit ng aking mga palad. Nakatapos ako ng BS Marine Transportation at matagal na akong nag-a-apply sa abroad bilang seaman, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sinusuwerteng makasampa ng barko.

  2. Maestro, may pag-asa pa ba na magamit ko ang natapos kong kurso at ako ay maging ganap na seaman? May trabaho naman ako ngayon bilang factory worker, pero hindi related sa tinapos kong kurso.

  3. Sa palagay n’yo, matutupad ba ang pangarap ko na makasampa sa barko? Siya nga pala, March 7, 1995 ang birthday ko.

KASAGUTAN


  1. Sa mga tulad mong nagtataglay ng weak number na 7, ang kailangan mo ay maghanap ng mga taong tutulong sa iyo upang matupad ang iyong mga pangarap, lalo na sa career o pagba-barko. Sapagkat sa edad mong 27, ito ang pinakamagandang panahon upang paunlarin ang iyong career, hindi sa pamamagitan ng sarili mong diskarte o pagsisikap kundi sa tulong ng ibang tao na nagtataglay ng strong number, tulad nilang may mga birth date na 1, 10, 19, 28, 9, 18, 27, 8, 17 at 26.

  2. Kaya sa sandaling nakakita ka na ng backer, kaibigan, kakilala o mga taong malalapitan upang makasampa ka sa barko, tiyak na sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran, kusa ring matutupad ang malawak at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad – makakapagbarko ka.

  3. Ang nasabing malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) ay tanda ng mabunga at maluwalhating pagsampa sa isang passenger-vessel na barko. Ito ay madaling kinumpirma ng gitnang bahagi ng iyong lagda, na kinakitaan ng mga maayos na pagkakadugtong na buhol-buhol o bilog-bilog na animo’y alon ng dagat. Nangangahulugan ito na ngayon pa lang ay nasasagap na ng unconscious self mo ang maaaring susunod na kaganapan sa iyong career at kapalaran – ang makasampa sa barko at maglakbay sa malawak at malalayong karagatan.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Ibig sabihin, Denver, kung sadyang nangangarap kang makasampa sa barko at maging ganap na seaman, mas mainam kung bago ka mag-apply sa shipping companies o agencies na nagpapa-abroad, maghanap ka muna ng mga taong tutulong sa iyo o magpa-follow-up ng aplikasyon o mga papeles mo.

  2. Sapagkat sa ganyang paraan, ayon sa iyong mga datos, maluwalhati kang makakapagbarko, na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2023 at sa edad mong 28 pataas, kung saan sa nasabing panahon, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran.

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 15, 2022




KATANUNGAN


  1. May boyfriend ako, pero parang ayaw niya pang magpakasal dahil marami pa raw siyang pangarap bago siya mag-asawa. Sa edad kong 29, hindi maalis sa isip ko ang mag-alala. Paano kung hindi kami magkatuluyan? Sayang naman ang mahigit limang taon na pinagsamahan namin.

  2. Sa ngayon, isa lang ang gusto kong malaman, worth it ba ang paghihintay ko at siya na ba talaga ang lalaking nakaguhit sa aking mga palad at sa bandang huli ay kami ba ang magkakatuluyan?

  3. Minsan, naiisip kong pilitin siya na magpakasal, pero kung talagang ayaw pang mag-asawa ng isang tao, wala naman siguro akong magagawa. Sa palagay n’yo, Maestro, dapat pa ba akong maghintay kahit nararamdaman kong nagkakaedad na ako?

KASAGUTAN


  1. Sa aktuwal na pangyayari, may mga espisipikong sitwasyon na nagtutulak sa isang lalaki na mag-asawa at bumuo ng pamilya. Una, nakakapag-asawa ang isang lalaki dahil sa isang aksidente. Halimbawa, nabuntis niya ang kanyang girlfriend at hindi na niya ito matakasan pa.

  2. Pangalawa, kapag pinilit lang siya. Ito naman ‘yung nagdadalawang-isip pa siya o hindi pa siya desididong pakasalan ang kanyang nobya, subalit sa kakapilit ng kanyang karelasyon, gayundin ang kanyang mga magulang, pumayag din siyang mag-asawa.

  3. Pangatlo, dahil sa kapalaran. Halimbawa, nakipag-blind date siya at sa unang pagkikita pa lang nila ay nagmahalan agad sila, kaya matapos ang ilang araw ng napakasarap na romansa at nakakikilig na ugnayan, hindi na sila naghiwalay dahil dama nilang in love na in love sila sa isa’t isa. Gayundin, sila mismo ang nagpasya na magpakasal agad.

  4. Pang-apat, siya mismo ang nagdesisyon. May pagkakataon talaga sa buhay ng lalaki na nalulungkot na siya, maganda man ang career o posisyon niya sa lipunan, pero parang may kulang sa buhay niya. Sa panahong ‘yun, para siyang si Adan sa paraiso ng Eden, naghanap na ng Eva at nang nagka-girlfriend siya, nagpasaya siyang mag-asawa na.

  5. Ang pinakamabuti mong magagawa, Leah, ay hayaan mong magkusa ang iyong boyfriend na pakasalan ka. Ito ang pinakamagandang relasyon o pag-aasawang gagawin ng isang lalaki — ‘yung siya mismo ang nagpasya at may gusto na mag-asawa. Sa ganitong sitwasyon, mas magiging matatag, maunlad at maligaya ang bubuuin n’yong pamilya.

  6. Ganundin ang posibleng mangyari, basta huwag kang magmadali sa kasalukuyan n’yong relasyon ng boyfriend mo. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isa at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa pag-aasawa, huwag kang mainip at mamimilit dahil tiyak ang magaganap, sa piling ng kasalukuyan mong boyfriend, magtatagumpay ang papasukin n’yong pag-aasawa at habambuhay na kayong magiging maligaya.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Leah, ayon sa iyong mga datos, tulad ng nasabi na, huwag kang mainip. Bagkus, maghintay ka lang, sapagkat darating ang eksaktong panahon na ang boyfriend mo ang mag-aalok sa iyo ng kasal.

  2. Ito ay nakatakdang mangyari sa taong 2024 at sa edad mong 31 pataas, kung saan ang nasabing pag-aasawa ay walang duda na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at h-h arrow b.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 13, 2022



KATANUNGAN


  1. May sakit ang misis ko ngayon at sabi ng kanyang doktor, may cyst siya sa matris. Kailangan na raw siyang operahan, pero natatakot siya, kaya puro herbal at alternative medicine ang iniinom niya ngayon. Gustuhin ko man siyang maoperahan, natatakot talaga siya at kahit anong pilit ang gawin ko ay parang pag-aaksaya lang ng panahon.

  2. Naisipan kong sumangguni sa inyo para ipabasa ang guhit ng kanyang mga palad nang sa gayun ay masigurado namin na kung sakaling magpapaopera siya ay walang masamang mangyayari sa kanya.

  3. Sa madaling salita, sa inyong opinyon, kapag naoperhan ang misis ko, hahaba pa ba ang buhay niya at hindi tama ang kinakatakutan niya? Kung matitiyak sa guhit ng mga palad niya na hahaba pa ang kanyang buhay, ito ang magiging dahilan para mawala ang takot niya at makumbinsi ko siyang magpaopera bago tuluyang lumala o lumaki ang bukol sa matris niya.

KASAGUTAN


  1. Kung tiwala naman kayo ng misis mo sa doktor na pinagkonsultahan n’yo, mas mainam pa rin na sumunod kayo sa mungkahi o suhestyon niya, higit lalo kung may pera naman kayong pampaopera.

  2. Samantala, kung hindi naman kayo gaanong nagtitiwala sa inyong doktor, hindi naman masama na humingi o maghanap ng ikalawa o ikatlong pagkokonsultahang doktor para sa tinatawag na second opinion. Sa ganyang paraan, kung marami kayong nakausap na doktor, mas magiging maliwanag ang isip n’yo kung dapat ba talaga o hindi magpaopera sa misis.

  3. Ayon sa Palmistry, ganito naman ang nais sabihin ng malawak, mahaba, makapal, hindi dispalinghado, hindi lumabo at hindi putol na Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a.) sa kaliwa at kanang palad ng misis mo. Ito ay malinaw na tanda na hahaba pa ang kanyang buhay at kung sakaling magpapaopera na siya, hindi magiging dahilan ‘yun upang mawala na siya sa mundong ito o mabalo ka at maulila ang inyong mga anak.

  4. Ang pag-aanalisang hindi pa mamamatay ang misis mo ay madali namang kinumpirma ng malinaw, may sigla, buhay at gumagalaw niyang lagda. Ito ay nangangahulugang unconsciously, nasasagap ng kanyang inner self na hahaba pa talaga ang kanyang buhay. Mas malamang na ang totoong kinakatakutan niya na hindi mo napapansin ay hindi ang mismong pagbiyak sa kanyang tiyan kundi ang napakalaking gagastusin sa nasabing operasyon, lalo na sa panahon ngayong magpa-Pasko pa.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Samantala, Julius, kung may sapat naman kayong budget para sa pagpapaopera ng iyong misis, walang masama kung susundin n’yo ang advice ng kanyang doktor para mawala na ang inyong agam-agam at problema.

  2. Ayon sa datos ng iyong misis, anuman ang mangyari, walang problema dahil malulusutan niya ang nakatakdang operasyon at matapos nito, mabilis siyang makakarekober, muli siyang lalakas, lalo pang hahaba ang kanyang buhay, magsasama pa kayo nang matagal, mananatiling buo at masaya ang inyong pamilya habambuhay at hanggang abutin pa kayo ng pagtanda.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page