top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 4, 2023




KATANUNGAN


  1. May asawa na ako, pero naghiwalay kami dahil nang mag-abroad siya ay may nakilala siyang babae ru’n na may asawa rin. Ngayon, may nanliligaw sa akin na dati kong kaklase at binata pa hanggang ngayon, kaya unti-unti nang napapalapit ang loob ko sa kanya.

  2. Gusto kong malaman kung tuluyan na ba kaming maghihiwalay ng mister ko at kung ang dati ko na bang kaklase ang aking makakasama habambuhay kung sakaling sasagutin ko na siya?


KASAGUTAN


  1. Hindi kayo tuluyang maghihiwalay ng mister mong nasa abroad. Ito ang nais sabihin ng kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Tanda na maghintay-hintay ka lang ng tamang panahon dahil tuluyan ding maiiwasan ng iyong mister ang babae niya o ‘yung No. 2 niya ang kusang mawawala sa kanya. Kapag nangyari ang senaryong ‘yun, tiyak na babalik din ang mister mo sa inyong piling.

  3. Sa kanyang pagbabalik, muli niyang pupunan ang mga pagkukulang niya sa iyo, gayundin sa kanyang mga anak, kung saan hihingi siya ng kapatawaran upang tuluyan nang mabuong muli ang inyong pamilya.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Juliet, ayon sa iyong mga datos, mananatiling buo ang inyong pamilya hangga’t hindi ka gumagawa ng ka-immoralan. Ngunit sa sandaling sumabay ka sa pagkakasalang ginagawa ng iyong mister, pare-pareho kayong mawawasak at magiging luhaan, kung saan ang unang maaapektuhan ay ang inyong mga anak hanggang sa tuluyang na ring mawasak ang inyong pamilya.

  2. Ibig sabihin, mas makabubuting iwasan mo ang iyong manliligaw ngayon dahil ayon sa iyong mga datos, sa pagbungad ng taong 2023, babalik sa inyong piling ang minsang nagloko at nambabae mong mister upang muling buuin ang inyong masaya at panghabambuhay nang pamilya.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | December 29, 2022




KATANUNGAN


  1. Maestro, napansin ko sa aking mga palad na parang may island o bilog ang Heart Line ko at parang naputol pa ito na medyo magulo. Sa kasalukuyan, naghiwalay kaming mag-asawa. Naisip ko na baka ito na ‘yung kabiguan sa pag-ibig na ipinapakita ng island at putol na Heart Line sa aking palad.

  2. Natatakot ako na baka hindi na kami magkabalikan ng aking asawa. Nang huli kaming mag-usap, payag daw siya kung magmamahal ako ng ibang lalaki para lumigaya naman ako dahil ngayon ay may iba na siyang pamilya, pero tuloy pa rin ang sustento niya sa mga anak namin.

  3. Ang isa ko pang iniisip, kung maghahanap ako ng kapalit ni mister, baka naman matapat ulit ako sa bungi at hindi rin ako lumigaya? Ano ang dapat kong gawin, ang manatiling nag-iisa at alagaan kong mabuti ang mga anak ko o mag-asawa akong muli?

KASAGUTAN


  1. Dalawa ang pangunahing tinitingnan ng maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa. Una, ang Heart Line (Drawing A. at B. h-h) sa kaliwa at kanang palad, kung saan kapag walang bilog at hindi rin nalatid o nawasak ang Heart Line, ito ay tanda ng maligayang karanasan sa pag-ibig.

  2. Subalit dahil nagkabilog at talaga namang nabiyak o naputol ang iyong Heart Line (Drawing A. at B. h-h) sa gitnang bahagi (arrow a.), posibleng ito ang kabiguan sa pag-ibig na nararanasan mo sa kasalukuyan nang magkahiwalay kayo ng iyong asawa.

  3. Samantala, ang pangalawang tinitingnan ng maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa o pakikipagrelasyon ay ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M, 2-M arrow b. at c.) sa kaliwa at kanang palad. Kapag ito ay malinaw, makapal at walang bumangga o humarang na guhit at wala ring bilog sa kaliwa at kanang palad, ito ay tanda ng maligayang pag-aasawa (2-M arrow c.).

  4. Gayunman, balik tayo sa iyong Heart Line, kung saan mapapansing halos natapos na ang nagkabilog at nabiyak na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, habang pagkatapos ng bilog (arrow a.), unti-unting gumanda at kumapal ang nasabing Heart Line sa gitna (arrow d.) hanggang dulong bahagi (arrow e.) nito.

  5. Ibig sabihin, matapos mabigo at magkawindang-windang ang puso at damdamin mo sa larangan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon, sa ikalawang pagkakataon, muli kang makakasumpong ng maligayang pag-ibig at panibagong pakikipagrelasyon. Ito ay kinumpirma naman ng ikalawang mas malinaw at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  6. Tanda na kung nabigo ka sa unang pag-aasawa dahil naghiwalay kayo ng iyong mister, walang duda na sa ikalawang pag-ibig o pakikipagrelasyon, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Jenifer, tulad ng nasabi na, huwag kang matakot na muling mag-asawa, lalo na’t pinapayagan ka naman ng dating mister mo na maghanap ng sarili mong ikaliligaya.

  2. Sapagkat ayon sa iyong mga datos, kung nabigo ka sa unang pag-aasawa, sa ikalawang pakikipagrelasyon na nakatakdang dumating sa susunod na taong 2023, sa buwan ng Abril hanggang Mayo at sa edad mong 43 pataas, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa, hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | December 27, 2022




KATANUNGAN


  1. May live-in partner ako na may asawa, na isang negosyante at medyo mayaman. Sabi niya sa akin ay divorced na sila ng legal wife niya at may pangako siya na papakasalan ako. Kaya lang, nagtataka ako ngayon dahil hindi niya tinutupad ang pangakong kasal kahit halos limang taon na kaming nagsasama at may mga anak na rin kami.

  2. Gusto kong malaman kung bakit ayaw pa akong pakasalan ng lalaking ito? Minsan tuloy, hindi mawala sa isip ko na may iba pa siyang babae bukod sa akin. Sa palagay n’yo, dadating ba ang sandali na matutupad ang pangarap ko na yayain niya akong magpakasal upang maging legal ang aming pagsasama?

KASAGUTAN

  1. Masagwa o pangit ang Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.), na tinugon din ng pangit at may bilog na Marriage Line (Drawing A. at B.1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Ikinalulungkot kong sabihin na ito ay tanda na hindi mangyayari ang iyong inaasahan. Sa halip, ngayon pa lang ay dapat mo nang matanggap ang katotohanan na iyong kinakatakutan na posibleng habambuhay na manatiling hindi legal ang inyong pagsasama dahil sobrang labo na kayo ay makasal.

  3. Huwag na nating alamin kung may ibang babae ang iyong kinakasama, bagkus, malungkot ngang sabihin na may ibang babae man siya o wala, tulad ng nangyari at kasalukuyang nagaganap, ang inyong pamilya ay manantiling ilegal hanggang sa magka-apo at abutin na kayo ng pagiging senior citizen.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Hindi ba, noong una pa lang na ibinahay ka ng lalaki na iyong kinakasama, halos alam mo na ang kahihinatnan mong papel sa mundo? Kaya lang, dahil mahal mo siya o sa iba pang dahilan, umaasa kang magiging legal wife ka rin niya balang-araw. Ngunit tulad ng nasabi na, hindi ‘yun mangyayari, sa halip, ang pinakamaganda mong magagawa ngayon ay mag-ipon ka ng maraming pera at mag-isip ng sarili mong ikabubuhay para sa iyong mga anak.

  2. Sa madaling salita, Cathy, magpayaman ka at paunlarin mo nang husto ang sarili mong kabuhayan. Sa ganitong paraan, kahit hindi ka legal wife ng kasalukuyan mong kinakasama, dahil maraming-marami ka nang pera dahil inipon at pinalago mo ang mga ibinibigay niya sa iyo, yayaman ka at ang inyong mga anak, gayundin ang mga magiging apo mo ay makatitikim ng kariwasaan at kaligayahan sa buhay na dulot ng materyal na bagay (Drawing A. at B. H-H arrow c.).

  3. Sa ganu’ng paraan, tulad ng nasabi na, sa iyong pagtanda, wala kang pagsisisihan. Dahil sa pagiging kabit o kerida mo, yumaman at umunlad ang iyong kabuhayan, gayundin ang kabuhayan ng sarili mong pamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page