top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 14, 2023




KATANUNGAN


  1. Dati na akong nagtrabaho sa Hong Kong at ngayon ay nag-a-apply ako bilang caregiver sa isang bansa sa Europe. Gusto kong malaman kung matutuloy ba ako? Kung sakaling hindi naman ako matuloy, saang larangan ako uunlad at yayaman, sa pagnenegosyo ba o pagtatrabaho?

  2. Ang dati kong trabaho sa Hong Kong ay domestic helper at nang matapos ang kontrata ko ay nagtraining ako para maging caregiver, magtatagumpay ba ako sa larangang ito?

  3. Hindi n’yo naitatanong, sa aming magkakamag-anak, kami na lang ang mahirap at halos lahat ng kasama namin sa compound ay may kaya na. Sana, sa pagke-caregiver kong ito ay maiangat ko na ang kabuhayan namin. Magtatagumpay ba ako sa simpleng pangarap kong ito?

KASAGUTAN


  1. Katherine, walang problema sa pinapangarap mong maging caregiver sa Europe. Ito ang nais sabihin ng ikalawa at mas malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa walang lubay na pangingibang-bansa, higit kang aasenso at sasagana kaysa sa pagtatrabaho rito sa bansa o maging sa pagnenegosyo.

  2. Ang pag-aanalisang mas papalarin ka sa abroad, lalo na sa Europe ay madali namang kinumpirma ng maaliwalas at maganda mong lagda. Tanda na sa panahon ngayon, nasasagap na ng unconscious mong pagkatao na buong-buo ang loob mo at anuman ang makursunadahan mong gawin, tiyak na ito ay iyong makakamit at walang duda na magkakaroon ng positibong katuparan ang nasabing mga pangarap, lalo na ang pagke-caregiver sa isa sa mga bansa sa Europe.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Ayon sa iyong mga datos, Katherine, ang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ay hindi pa magaganap sa taong ito ng 2023, kaya hindi ka pa ngayon dapat umasa kundi sa last quarter pa ng taong 2024. Ang nasabing pagke-caregiver sa isang bansa sa Europe ay magaganap sa buwan ng Oktubre at sa edad mong 34 pataas.

  2. Ang naturang pangingibang-bansa ay magbibigay sa iyo ng tuloy-tuloy na pag-unlad sa larangan ng materyal na bagay. Ito ay mangyayari hanggang sa medyo umangat na ang kabuhayan ng iyong pamilya kung ikukumpara sa iba mo pang mga kamag-anak at kapitbahay (F-F arrow b., H-H arrow c.), gayundin, hanggang sa tuloy-tuloy ka nang umasenso at lalo pang umunlad.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 10, 2023




KATANUNGAN


  1. May maganda naman akong trabaho ngayon bilang kontratista ng aluminum at glass supply sa mga bahay, opisina at tindahan. Maganda naman ang kinikita ko, kaya lang, nang minsang napansin ko ang aking Fate Line, nagulat ako dahil parang huminto ito.

  2. Gusto kong itanong sa inyo ang kahulugan ng aking Fate Line, na sinasabi n’yo ring Career Line. Maestro, ano ang ibig sabihin kapag ang Fate Line ay biglang huminto sa kalagitnaan ng palad nang ito ay lumagpas sa Head Line at hindi na nagpatuloy?


KASAGUTAN


  1. Sa sandaling huminto ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanang palad matapos itong lumagpas sa Head Line (H-H arrow a.), ito ay babala na maaaring sa rurok ng iyong career o propesyon, bigla kang mawawalan ng trabaho o ikabubuhay.

  2. Kapag hindi na ito muling nagpatuloy (arrow b.), ibig sabihin, habang ikaw ay tumatanda, wala ka na ring magiging regular o permanenteng hanapbuhay. Ngunit kung ang nasabing Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) na matapos huminto ay nagpatuloy, tiyak na kahit mawalan ka ng trabaho, sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran, muli kang magkakaroon ng matatag at magandang hanapbuhay.

  3. Sa kaso mo, Albert, ayon sa kaliwa at kanan mong palad, hindi na nagpatuloy ang nasabing Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.), kung saan ito ay malinaw na tanda na sa sandaling nawalan ka ng trabaho, hindi ka na muli pang magkakaroon ng regular na hanapbuhay. Sa halip, posibleng ang maging trabaho mo ay pa-sideline-sideline o pa-extra-extra na lang.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Kung ganyan ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) ng isang indibidwal, kung saan matapos gumanda ang guhit ay huminto rin (arrow b.) at hindi na nagpatuloy pa, walang dapat gawin ang indibidwal na may ganitong guhit ng palad kundi ang mag-ipon para sa kanyang future habang maganda at masagana pa ang kanyang trabaho.

  2. Sapagkat darating ang panahon na ang dating masagana at maunlad na hanapbuhay ay dagli ring maglalaho at mawawala. Kaya wala kang dapat gawin ngayon, Albert, kundi ang mag-ipon para sa kinabukasan ng iyong pamilya habang malakas pa ang iyong kinikita sa kasalukuyan mong trabaho.

  3. Sa ganyang paraan, tiyak na kahit mawalan ka ng regular na hanapbuhay sa susunod pang mga taon, walang pagsalang, hindi naman lumabas na magiging kaawa-awa at kahabag-habag ang iyong kalagayan, gayundin ang buhay ng iyong pamilya dahil tulad ng nasabi na, ngayon palang ay napaghandaan mo na ang panahong mawawalan ka ng hanapbuhay.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 8, 2023




KATANUNGAN


  1. Tawagin n’yo na lang akong Raquel at ang totoo nito ay matagal na kaming tagasubaybay ng inyong mga kolum mula noong binata ako at hanggang ngayong may pamilya na ako.

  2. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung matutuloy ba kami ng pamilya ko na mag-migrate sa Canada?

  3. Kung matutuloy kami, magiging successful ba kami ru’n? Gayundin, kailan ito mangyayari, ngayong taon na ba o sa susunod na taong 2024?


KASAGUTAN

  1. Napakaganda at malawak ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, Raquel. Kaya kung Travel Line (arrow a.) mo lang ang pagbabatayan, matutuloy ka talaga sa abroad. Gayunman, hindi lang natin alam kung ang misis mo at ang iyong mga anak ay may napakaganda ring Travel Line tulad ng kaliwa at kanan mong palad.

  2. Gayunman, tuturuan na lang kita ng pagtingin sa sinasabing Travel Line upang ikaw ang sumuri sa kaliwa at kanang palad ng misis mo at ang inyong mga anak. Ang Travel Line ay tila sanga na umusad palawak sa ilalim ng Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow a at b.). Kapag may ganyang nakasanga na korteng letrang “Y” na baliktad sa dulong bahagi ng Life Line (arrow a at b.) sa kaliwa at kanang palad, ito ay malinaw na tanda ng mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa.

  3. Dagdag pa rito, kapag natagpuan ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a. at b.) na nabanggit sa kaliwa at kanang palad na walang hadlang o krumokes na guhit, tulad ng nasabi na, ito ay tanda ng mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa. Kapag naman may nakahambalang na guhit (d-d arrow c.) sa kaliwa at kanang palad sa nasabing Travel Line (t-t arrow a. at b.), ito ay tanda ng dalawang bagay.

  4. Una, bago makapag-abroad, mabibigo o dadaan muna sa mga pagsubok ang indibidwal, ngunit sa paulit-ulit na pagtatangka, sa bandang huli ay makakapag-abroad din siya. Pangalawa, nagpapahiwatig na hindi masyadong magiging successful o mabunga ang nasabing pag-a-abroad. Ngunit tulad ng naipaliwanag na, kung malinaw at walang krumokes na guhit sa Travel Line (t-t arrow a. at b.) sa kaliwa at kanang palad, ito ay malinaw ding tanda o katiyakan ng mabunga at mabiyayang pag-a-abroad.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Raquel, ngayon ay wala kang dapat gawin kundi ipagpatuloy ang pag-a-apply at paghahangad na makapanirahan sa ibang bansa at lalo mo pang sipagan ang pag-aasikaso ng inyong mga papeles.

  2. Ayon sa inyong mga datos, maaaring sa taon ding ito 2023 at sa edad mong 34 pataas, matutupad ang malaon mo nang pangarap na makapag-Canada at matapos ng ilang taon, maaari ring sumunod ang iyong asawa at mga anak. Sa nasabing bansa, tuluyan nang magsasama at makakapanirahan nang maligaya ang iyong buong pamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page