top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 22, 2023



KATANUNGAN


  1. Kagagaling ko lang sa abroad bilang seaman at may inaalok na negosyo sa akin ang dating kasamahan ko sa trabaho. Magtayo raw kami ng auto-mechanic services, ako naman ay may kaunting alam sa nasabing trabaho.

  2. Naisipan kong sumangguni muna sa inyo upang malaman kung bagay ba sa akin ang negosyong ito o mas mabuting bumalik na lang ulit ako sa barko? Sana ay magabayan mo ako kung saang larangan ako uunlad at aasenso.

KASAGUTAN


  1. Magbalik ka na lang muna sa pagbabarko o pangingibang-bansa, sapagkat walang namataang maganda at makapal na Business Line (Drawing A. at B. N-N arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad sa kasalukuyan. Bagkus, ang nakasama pa nito, may tila maliit na guhit ng negosyo (arrow b.), na nahulog naman sa pagitan ng palasinsingan at hinalalato (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  2. Ibig sabihin, kung hahawak o magsisimula ka ng negosyo at bukod sa may kasosyo ka, hindi naman ikaw ang direktang mamamahala, malamang na bumagsak lang ito at sa bandang huli, baka magkagalit pa kayo ng kasosyo mo. Habang ikaw naman ay babalik sa mahirap na buhay dahil sa nahulog na guhit sa pagitan ng hinliliit (arrow b.), na nagbabadya rin na kapag nagpadalos-dalos ka ng desisyon sa career, mauuwi sa wala ang lahat ng naitatabi mong salapi o kinita mong pera sa pagbabarko.

  3. Sa madaling salita, kung sasabak ka sa negosyo, mas maganda kung misis mo ang iyong kasosyo o kayong dalawa ng misis mo ang magnenegosyo, habang siya ang magsisilbing finance manager o tagakontrol ng paglabas at pagpasok ng pera, lalo na kung wala naman siyang guhit na nahulog sa pagitan ng mga daliri (arrow b.) sa kaliwa at kanan niyang palad. Gayunman, ikaw ang trabahador o utusan ni misis. Sa ganyang paraan, mas mabilis kayong uunlad hanggang sa yumaman nang husto ang iyong pamilya.

  4. Sa kabilang banda, hindi mo ba napansin na sobrang lawak, maganda at talaga namang makapal ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad? Ito ay malinaw na tanda na sa patuloy na pabalik-balik sa ibayong-dagat, mas mabilis kang uunlad at aasenso hanggang sa tuloy-tuloy na ring yumaman.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Tunay ngang masarap magnegosyo dahil unang-una, wala kang amo at hawak mo pa ang oras mo. Gayunman, maganda lamang ang negosyo kung ang sisimulan mo ay hilig mo talagang gawin, habang wala kang nahulog na guhit sa pagitan ng iyong mga daliri (arrow b.). Pero kung may nahulog na guhit sa pagitan ng mga daliri (arrow b.), hindi naman natin sinasabi na huwag kang magnegosyo, sa halip, kailangang maging matipid ka sa paggastos o ang misis mo ang magma-manage ng financial transaction sa itatayo mong negosyo. Sa ganyang paraan, tulad ng nasabi na, mas madaling lalago ang kabuhayan ng iyong pamilya hanggang sa tuluyan kayong yumaman.

  2. Habang, ayon sa iyong mga datos, Jeremy, wala sa negosyo ang suwerte mo ngayon kundi nasa paulit-ulit na pagbabarko. ‘Yan muna ang gawin mo at makikita mo na paglipas ng lima hanggang pitong taon mula ngayon, maunlad na maunlad ka na hanggang sa tuluyan na ring yumaman ang inyong pamilya (Drawing A. at B. H-H arrow d.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 18, 2023




KATANUNGAN


  1. Magdadalawang taon na sana kami ng live-in partner ko at noong una ay okey naman siya at may pangako pa siya na magpapakasal kami. Sa totoo lang, gusto ko na siyang mapangasawa at makasama habambuhay, pero kailan ko lang natuklasan na niloloko niya pala ako dahil may iba na siyang babae at inililihim pa rin niya ito sa akin at ayaw niyang umamin.

  2. Ang balak kong gawin ay kausapin siya at makikipaghiwalay na ako habang wala pa kaming anak. Tama ba ang plano kong ito? Kung sakaling maghihiwalay kami, may pag-asa pa ba akong makapag-asawa ulit kaysa umasa ako sa kanya habang dalawa pala kami sa buhay niya?

KASAGUTAN


  1. Tama ka, Marianne, mas mabuti na kausapin mo nang mahinahon ang iyong live-in partner at bigyan siya ng ultimatum, na kung hindi niya hihiwalayan ‘yung isa pa niyang babae, ikaw ang hihiwalay sa kanya.

  2. Sa ganyang paraan, mas magiging klaro ang desisyon niya at sa parte mo naman, habang bata ka pa, maganda at sabi mo ay wala pa kayong anak, hangga’t maaga ay mas mapaplano mo na ang iyong future kaysa maging habambuhay kang kabit kung mananatiling dalawa kayo sa buhay ng live-in partner mo. Marahil ay ganyan din naman ang posibleng mangyari sa iyong love life.

  3. Ito ang nais sabihin ng ikalawang mas mahaba, malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na hindi ka nga susuwertehin sa unang pakikipag-live-in (1-M arrow a.), ngunit sa ikalawang pakikipagrelasyon, dahil mahaba at malinaw ang nasabing ikalawang Marriage Line (2-M arrow b.), tiyak na sa naturang pakikipagrelasyon, ang nakakatuwa pa ay may kasalang magaganap.

  4. Ang ikalawang pakikipagrelasyong ito ay magiging maligaya at panghabambuhay na at maaari pang may kasal o maiharap ka sa altar ng ikalawang lalaking paparating pa lamang sa kasalukuyan na nagtataglay ng zodiac sign na Libra.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Marianne, anuman ang mangyari, tiyak ang magaganap sa buwan ng Abril ngayong taon. Tuluyan na kayong maghihiwalay ng kasalukuyan mong live-in partner upang pagsapit ng last quarter ng 2023, sa buwan ng Oktubre o Nobyembre, may makikilala kang lalaki na isinilang sa zodiac sign na Libra.

  2. Ang naturang lalaki ay itinakda sa iyo ng kapalaran na makakasama mo sa pagbuo ng mas maligaya at panghabambuhay na pamilya, na nakatakdang mangyari sa taong 2024, sa buwan ng Perbrero at sa edad mong 29 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 16, 2023




KATANUNGAN


  1. Dalawa ang Marriage Line sa aking mga palad, pero may asawa na ako ngayon. Ibig sabihin ba nito, Maestro, ay dalawa ang mapapangasawa ko?

  2. Kung hindi naman, sa palagay n’yo, panghabambuhay na ba ang samahan naming mag-asawa at hindi na ba kami maghihiwalay kahit kailan? Kaya lang, bakit dalawa ang Marriage Line sa aking mga palad?

KASAGUTAN


  1. Hindi ka dapat mag-alala, Micca, dahil kahit sabihin pang dalawa ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a. at 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, hindi sa lahat ng pagkakataon, ang ibig sabihin ng Marriage Line ay pag-aasawa. Bagkus, ginamit lang ang salitang Marriage Line para sa kumbinyenteng usapan, pero ang totoo, ang Marriage Line ay siya ring tinitingnan para sa isang meaningful at long engagement o quality relationship na naranasan ng isang indibidwal.

  2. Ibig sabihin, ang tinatawag na mga relasyon na hindi malilimutan dahil nag-iwan ito ng ‘kilig factor’ sa puso at damdamin ng isang tao, siya ring tinatawag na Marriage Line. Kaya sa mga sandaling ito, alisin mo muna sa iyong isip ang paniniwala na ang Marriage Line sa Palmistry ay tungkol lang sa pag-aasawa.

  3. Kung palaging “asawa” ang nasa isip mo kapag sinabing Marriage Line, at dahil dalawa ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M at 2-M arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad, baka ang mangyari niyan, kahit hindi naman ‘yun ang nakatakda ay magiging dalawa nga ang asawa mo. Ang ibig kong ipaliwanag ay simple lang, ilang beses ka na bang na-in love o umibig nang tapat bago ka nakapag-asawa?

  4. Kung pangalawang long engagement o quality relationship mo na ang mister mo ngayon, dahil may nauna ka pang naging boyfriend bago mo siya napangasawa, tunay ngang hindi na kayo maghihiwalay pa dahil ang unang Marriage Line (1-M arrow a.) na nasa kaliwa at kanan mong palad ay nangyari o tapos na. Kaya nang dumating sa buhay mo ang iyong asawa, siya na ang naging ikalawang meaningful relationship na naging boyfriend mo at tuluyan na ring napangasawa. Siya ang ikalawang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.), na mas mahaba at makapal kaysa sa nauna sa iyong palad, na siya nang lalaki na nakatakda mong makasama habambuhay.

  5. At tulad ng naipaliwanag na, kung siya ang ikalawa na naging boyfriend mo nang seryoso, tiyak na hindi na kayo maghihiwalay pa at may pangako ng maunlad, maligaya at panghabambuhay na pagsasama.

DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, Micca, tulad ng paulit-ulit na nasabi na, kung pangalawang boyfriend mo ang iyong mister bago pa kayo nagpakasal, walang alinlangan na siya na ang lalaking itinakda sa iyo ng kapalaran upang makasama mo sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page