top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 29, 2023




KATANUNGAN


  1. May babae ako ngayon, pero hindi ito alam ng misis ko. Kaya lang, kamakailan ay napapansin ko ang kanyang mga pagtatanong na parang nakakahalata na siya. Nagiging mausisa na siya at inaalam kung saan ako pumupunta, ngunit dati ay hindi naman siya ganu’n. Gayundin, palagi niyang tinitingnan ang cellphone ko kapag naibababa ko ito kung saan-saan.

  2. Naisipan kong kumonsulta sa inyo, Maestro, dahil nais kong malaman kung mapapanatili ko bang lihim sa aking misis ang relasyon namin ng isa sa mga kasamahan ko sa trabaho at hindi ba dadating ang panahon na mabisto kami? Tiyak na malaking eskandalo ang magaganap at baka ikasira pa ito ng aming pamilya.

  3. Ang totoo, wala naman akong intensyon na iwanan ang misis ko. Kaya lang naman ako nambabae ay dahil hindi sinasadya na nagustuhan ako ng dalagang kasamahan ko sa trabaho at parang hindi na kami makawala pa sa lihim na relasyong ito dahil mahal na namin ang isa’t isa. Sa inyong palagay, ano ang mangyayari sa magulong relasyon na napasukan ko?


KASAGUTAN


  1. Duwag at may kabog ka pala sa dibdib, pero bakit mo pa pinasok ang ganyang buhay? Samantala, bagama’t malinaw na nakikita ang Guhit ng Pambababae o Panandaliang Pakikipagrelasyon (Drawing A. at B. f-f arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, maliwanag ang tugon na panandalian lamang ang nasabing pambababae.

  2. Ibig sabihin, anuman ang mangyari, mabisto man ni misis o hindi ang ginagawa mong kalokohan ngayon, ang nasabing pambababae ay siguradong hindi magtatagal. At kung sa panahon ngayon, tunay ngang hindi ito makakaapekto sa inyong pamilya, gayundin sa relasyon n’yong mag-asawa. Pero hindi ‘yun ang delikado, bagkus, ang mas nakakatakot ay baka dumating ang sandali na mawili ka sa pambabae dahil hindi ito nabibisto ng iyong misis, na siya namang huwag mong gagawin.

  3. Sapagkat kahit matino at maganda ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, hindi mo naman dapat panghawakan ang pag-aanalisa na habambuhay na magiging matatag ang inyong pamilya. Dapat mo ring pansinin ang medyo nagulo o nabiyak na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad, na malinaw na indikasyon o tanda na bagama’t makakalusot ang pambababae mong ginagawa ngayon, ngunit kapag ito ay inulit-ulit mo pa, may tendency na manganib ang relasyon n’yong mag-asawa hanggang sa tuluyang masira ang iyong pamilya.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Sabi nga Takbar, “Once is enough,” at hindi mo na ito dapat sundan pa kung sakaling tuluyang maputol ang relasyon n’yo ng kasalukuyang babae mo. ‘Yun ang dapat at talagang mangyayari sa iyong kapalaran.

  2. Ayon sa iyong mga datos, hindi matatapos ang 2023, sa sandaling nalipat ng lugar ng trabaho ang kasalukuyan mong girlfriend, unti-unting lalabo hanggang sa lumamlam ang iyong relasyon. Sa panahong ‘yun, tulad ng naipaliwanag na, tuluyan na kayong maghihiwalay dahil sa malayong lugar, makakaroon siya ng bagong boyfriend at sa parte mo naman, muli kang makakabalik sa pagiging matinong ama ng iyong mga anak at ulirang mister, na walang ibang babae kundi si misis lamang.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 26, 2023




KATANUNGAN


  1. May kasamahan ako sa office at tawagin na lang natin siyang Jayson. Alam kong may crush siya sa akin dahil sa tuwing nasa office kami, madalas kong mapansin na nakatingin siya sa akin, pero hindi naman niya ako kinakausap. Sa jeep naman, kapag magkasabay kami ay tingin siya nang tingin sa akin, pero hindi naman kami nagkikibuan. May pagkatorpe at mahiyain siya, gayundin, bago lang siya sa office namin at mag-iisang buwan palang siyang pumapasok.

  2. Ang totoo nito, noong una ay nagdadalawang-isip pa ako na may crush siya sa akin dahil baka assuming lang ako. Pero na-confirm kong crush niya talaga ako dahil sinabi ng kaibigan niya na kaibigan ko rin na may gusto sa akin si Jayson, kaya lang, nahihiya ito kaya hindi ako magawang kausapin.

  3. Gusto kong maliwanagan kung may pag-asa na siya ang magiging first boyfriend ko. Sa totoo lang, hindi pa rin ako nagkaka-boyfriend kahit kailan at habang tumatagal, parang nagkakagusto na rin ako sa kanya kahit hindi kami nagkakausap.

KASAGUTAN


  1. Kahit pipe o mute si Jayson dahil sa kanyang pagiging mahiyain, tiyak ang magaganap sa susunod na mga araw. Ang malinaw at mahabang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. f-f arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, na sinabayan pa ng maganda at kaaya-ayang Heart Line (h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad ang mangyayari at masusunod.

  2. Ang naturang Marriage Line ay nagsasabing darating ang eksaktong panahon na hindi maiiwasan na kapag patuloy pa rin kayong nagkikita sa inyong opisina, tulad ng naipaliwanag sa itaas, kahit sabihin may torpe at mahiyain siya, tiyak ang magaganap — tuluyang mahuhulog ang loob mo sa kanya at ganundin siya sa iyo hanggang sa maipagtapat ang malaon na niyang kinikimkim na pag-ibig at pagmamahal sa iyo.

  3. Sa sandaling nagkabistuhan na ng kani-kanyang damdamin, kapwa kayo kikiligin sa isa’t isa, magkukulay rosas ang inyong paligid, hanggang sa natural na ring mabuo ang matimyas, maligaya at wagas na relasyon.

DAPAT GAWIN


Ayon sa iyong mga datos, Arianne, sa susunod na buwan ng Pebrero hanggang Marso, pinakamatagal na sa buwan ng Abril, habang patuloy kayong nagkikita, nagkakatinginan at nagkakasabay sa pampasaherong jeep, hindi magiging hadlang ang pagiging mahiyain ni Jayson. Tiyak na hindi n’yo na mapipigilan pa ang susunod na pangyayari, kung saan huhulagpos at huhulagpos ang kinikimkim n’yong damdamin sa isa’t isa, mabubuo ang matimyas at nakakakilig na pag-ibig, na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na relasyon.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | January 24, 2023




KATANUNGAN


  1. May dati akong live-in partner at halos pitong taon kaming nagsama. May dalawa kaming anak, pero naghiwalay din kami. ‘Yung bunso ay nasa pangangalaga ko, habang ‘yung panganay ay nasa kanya. Ngayon, may bago na siyang asawa at nagpakasal sila, pumayag ako dahil wala akong magagawa kung talagang ayaw na niya sa akin. Gayunman, hindi niya pinababayaan ‘yung anak namin na nasa pangangalaga ko.

  2. Sa ngayon, may bago akong boyfriend, balak naming magsama at kapag nagkasundo ay magpapakasal kami. Gusto kong malaman kung compatible ba kami ng boyfriend ko at magiging maligaya at panghabambuhay na ba ang papasukin kong pag-aasawa? September 29, 1983 ang birthday ko, habang January 25, 1979 naman ang birthday ng kasalukuyan kong boyfriend.

KASAGUTAN


  1. Sadyang tugma ang zodiac sign mong Libra sa zodiac sign na Aquarius ng kasalukuyan mong boyfriend dahil ang mga naturang zodiac sign ay kapwa nagtataglay ng elementong air o hangin. Gayundin, compatible sa isa’t isa ang birth date mong 29 o 2 (dahil ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2) sa birth date na 25 o 7 (ang 25 ay 2+5=7) ng iyong boyfriend. Ibig sabihin, sa Astro-Numerology na pag-aanalisa, walang duda na compatible kayo ng kasalukuyan mong boyfriend at sobrang laki ng tsansa na kayo ang magkatuluyan at magsama habambuhay.

  2. Ang nakakatuwa, ang pag-aanalisang Astro-Numerology ay kinumpirma ng datos sa iyong mga palad, kung saan pansinin mo na bagama’t nabiyak ang unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, ito ay tanda na sa unang pag-aasawa, hindi maiiwasang maghiwalay kayo ng unang lalaki na naging bahagi ng buhay mo.

  3. Ngunit pansinin mo rin ang ikalawang mas mahaba, malinaw at magandang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na sa ikalawang pag-aasawa, dahil mahaba, tuwid at malinaw ang nasabing guhit ng pag-aasawa (arrow b.), tiyak na may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa, na sadyang magiging maligaya at panghabambuhay.

DAPAT GAWIN


Habang, ayon sa iyong mga datos, Julie Anne, ngayong 2023, hindi na mapipigilan ang nakatakda dahil bago sumapit ang edad mong 40, habang 44 naman ang boyfriend mo, tuluyang matutupad ang malaon mo nang plano at pangarap – sa ikalawang pag-aasawa, makakaranas ka na ng masaya at panghabambuhay na pagpapamilya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page