top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | September 9, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Naisipan kong kumunsulta sa inyo para itanong kung kailan kaya ako makakapag-abroad? Sa ngayon, graduate na ako ng welder sa TESDA, at may isa na akong anak sa live-in partner ko. Ang birthday ko ay August 10. 1995, habang December 6, 1996 naman ang birthday ng live-in partner ko. 

  2. Gusto ko rin sanang malaman kung maiaahon ko ba sa kahirapan ang aking pamilya? 

 

KASAGUTAN

  1. Kapansin-pansin na medyo malabo at parang may hadlang ang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, mas maganda kung patuloy ka pang magte-training sa natapos mong kurso, at dapat mo ring dagdagan pa ang iyong experience upang marami ka pang malaman. Kapag ginawa mo ‘yan, darating din ang tamang panahon na makakapangibang-bansa ka, hanggang sa tuluyang umunlad ang inyong kabuhayan.

  2. Samantala, ang birth date mong 10 o 1 (ang 10 at 1+0=1), at kahit medyo manipis o hindi pa masyadong malinaw ang mga guhit sa kaliwa at kanan mong palad, na nagkataon pang 1 ang birth date mo, basta patuloy ka lang na magsumikap at umiwas sa tukso, tiyak ang magaganap, darating at darating din ang tamang panahon na sisikat at uunlad ka sa iyong larangan, dahil ang ruling planet ng birth date mong 1 ay isang Sun, tulad ng zodiac sign mong Leo. Kung saan, higit na nangingibabaw sa iyong tadhana, ang sikat at ningning ng haring araw na maghahatid sa iyo sa malaki at bultong suwerte sa malapit na hinaharap.

 

DAPAT GAWIN

  1. Kaya wala kang dapat gawin, Javie, kundi ipagpatuloy ang iyong naumpisahang propesyon bilang isang welder. Dagdagan mo pa nang dagdagan ang iyong kasanayan at karanasan, dahil tulad ng nasabi na, “may travel line” naman ang kaliwa at kanan mong palad, ngunit hindi pa ito malinaw ngayon, subalit umasa kang darating at darating din ang saktong panahon na lilinaw at kakapal din ang nasabing Travel Line (Drawing A, at B. t-t arrow a.) na nakatakdang mangyari at maganap humigit kumulang sa susunod na taong 2025 hanggang sa taong 2026, sa edad mong 30 pataas, may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran hanggang sa tuluy-tuloy mong maiahon sa kahirapan ang iyong pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | September 7, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN 

  1. May negosyo kaming internet café. Noong una ay malakas ang kita rito. Kaya lang mula nang pumasok ang taong 2023, hindi na ganu’n kalakas ang benta, at feeling ko nalulugi na rin kami. 

  2. Kung sakaling tuluyan nang malugi ang aming negosyo, gusto ko sanang muling mangibang-bansa. Dati na akong OFW at puwede pa naman ako bumalik doon, dahil nangako dati ‘yung employer ko na tatanggapin umano nila ako, kung sakaling maisipan kong mag-abroad muli.

  3. Gayunman, naisipan kong sumangguni sa inyo upang itanong kung ano ba talaga ang dapat naming gawin? Dapat ko na ba talagang isara ang aming negosyo at mag-abroad na lang o dapat ba akong kumuha ng puhunan, dahil baka ganito lang talaga ang negosyo, humihina at muling lalakas lalo na papalapit na ang Kapaskuhan?

 

KASAGUTAN

  1. Kung pagkain ang iyong produkto o ‘di kaya mga bagay na swak ngayong Pasko, tiyak na lalakas nga ang inyong negosyo pagdating ng Kapaskuhan. Pero dahil internet café ang inyong negosyo na ang karaniwang kliyente ay mga estudyante, malamang kahit na dumating pa ang Pasko at Bagong Taon, hindi na talaga lalakas o makaka-recover pa ang nalulugi n’yong negosyo, lalo na lahat ng tao ngayon ay may kani-kanyang ng cellphone at internet connection.

  2. Kaya ang pinakamabuti mong gawin ay ‘wag n’yo nang hintayin pang dumating ang Pasko. Kung hindi sapat ang inyong kinikita at nababaon lang kayo sa utang, tuluyan n’yo nang isara ang inyong negosyo. Ito ang nais sabihin ng Guhit ng Negosyo (Drawing A. at B. N-N arrow a.) na agad na nahulog sa pagitan ng palasingsingan at hinlalato (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Pero may isa pang guhit ng negosyo na medyo nag-stay at maayos ang pagkakalinya (N-N arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, kung mag-iiba ka ng produkto, may pag-asa pang maayos ang nalulugi n’yong kabuhayan.

  3. Samantala, kung mag-i-stay ka sa kasalukuyan mong negosyo na hindi naman talaga kumikita, darating ang takdang panahon na tuluyan na kayong malulugi hanggang sa lalo pa kayong mabaon at malubog sa pagkakautang. Gayunman, kung gusto mong ituloy ang pagnenegosyo habang wala pang offer sa abroad o nag-aayos ka pa ng mga papeles, mag-isip ka ng negosyong may kaugnayan sa online selling o kaya pagkain, dahil d’yan kayo aangat at mas kikita ng malaki. 

  4. Tungkol naman sa pangingibang-bansa, rito ka mas higit na papalarin kaysa sa negosyo, maliban na lang kung may kaugnayan ito sa pagkain at online business, na madaling kinumpirma ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, tama ang iniisip mong isara ang internet café at bumalik sa ibayong-dagat. Sa nasabing pagbabalik sa abroad upang magtrabaho, ang napakagandang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabi na sa muling pamamasukan sa ibayong-dagat, mas madali kang uunlad, makakapag-ipon ng maraming pera hanggang sa muli kayong sumagana at umasenso sa kabuhayan.

 

MGA DAPAT GAWIN

  1. Ayon sa iyong mga datos, Ravena, tulad ng nasabi na sa itaas, bago ka tuluyang malugi at malubog sa pagkakautang, isarado mo na ang iyong internet café at palitan ng negosyong may kaugnayan sa pagkain at online business. 

  2. Gayundin, simulan mo na mag-apply sa abroad at habang hindi ka pa tinatawagan, tulad ng nasabi na, unti-unti mong palakasin ang negosyong nabanggit. Kapag nagawa mo ‘yan, sa susunod na taong 2025 hanggang 2026, itatala ang ikalawang mas mabunga at mas mabiyayang pangingibang-bansa sa iyong kapalaran na malinaw na hudyat ng isang panibagong hamon na magreresulta sa iyong pag-asenso at pag-unlad hanggang sa tuluyan kang yumaman.  


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon Sa Palad | September 5, 2024



Kapalaran Ayon Sa Palad

KATANUNGAN

  1. Paano ba mawawala ang pagiging mahiyain at mahina ang loob? 27-anyos na ako ngayon, pero wala pa rin akong girlfriend. Maestro, kailan kaya ako magkaka-girlfriend at magkakaroon ng regular na trabaho?

  2. Tambay lang kasi ako ngayon, at minsan naman ay nagda-drive ako ng tricycle.

 

KASAGUTAN

  1. Kapansin-pansing may malinaw at mahaba kang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, maging torpe ka man o hindi, may babae pa rin na mahuhumaling sa iyong kaguwapuhan. Sa sandaling ginusto at minahal mo siya, tiyak na siya na ang iyong mapapangasawa at makakasama habambuhay. 

  2. Ang pag-aanalisang magkaka-girlfriend ka at tuluyang makakapag-asawa ay madali namang kinumpirma ng may lower loop mong pirma, na nagsasabing buo at buhay ang iyong libido. Sa sandaling magtuluy-tuloy ito, ang nasabing sexual energy na nabanggit ang siya ring magtutulak sa iyo upang manligaw ng kusa at mag-asawa sa takdang panahong inilaan ng kapalaran.

  3. Ang dapat mo lang gawin ngayon, Lawrence, ay maghanap muna ng regular na pagkakakitaan o matinong trabaho para kapag nagka-girlfriend ka na at nagplano na kayong magpakasal, mayroon kayong sapat na salaping madudukot o magagamit para sa itatayo at bubuuin n’yong pamilya.

  4. Ayon sa iyong Career Calendar, mas mainam at mas makakabuti kung maghahanap ka ng matatag na mapagkakakitaan sa pamamagitan ng pag-a-apply sa mga factory at iba pang kumpanya na tugma sa skill at kakayahan mo.

 

DAPAT GAWIN

Sa ganyang paraan at sa pagsunod sa mga binanggit ng paraan sa itaas, sa sariling diskarte at pagsisikap, ayon sa zodiac sign mong Capricorn, na kinumpirma ng matayog na Fate Line (Drawing A . at B. F-F arrow b.). Sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, sa taong ding ito ng 2024 – makakatagpo ka ng isang disente, regular, matatag na trabaho at sa trabaho mo rin makikilala ang isang babaeng magiging first and last girlfriend mo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page