top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | March 25, 2023




KATANUNGAN

  1. Noong nagtatrabaho bilang factory worker, hindi umasenso ang buhay ko dahil sinisiraan ako ng mga kasamahan ko sa trabaho, kaya nagpasya akong mag-D.H sa abroad para magbago naman ang kapalaran ko.

  2. Nakapag-abroad ako at akala ko ay makakapagsimula na ako ng magandang kinabukasan, pero problema pala ang makakatagpo ko sa malupit at abusado kong amo, kaya hindi ko natapos ang kontrata at umuwi ako kaysa mapahamak lang ako ru’n.

  3. Nang makauwi ako, nakakilala naman ako ng lalaking OFW rin at nagkaroon kami ng relasyon. Nabuntis niya ako, ngunit huli na nang malaman kong may pamilya siya. Isang taon na ang anak namin, minsan ay nagpapadala siya, pero mas madalas ay hindi.

  4. Naglakas-loob ulit akong mag-apply sa Singapore bilang D.H. Sa palagay n’yo, Maestro, matutuloy ba ako at paano magbabago ang kapalaran ko? Pansin ko rin na puro kamalasan ang dumarating sa buhay ko, kaya sana ay matulungan n’yo ako.


KASAGUTAN


  1. Upang mawala na ang mga kamalasan at puro suwerte ang dumating sa buhay mo, mas makabubuting baguhin mo ang iyong lagda. Magulo, nababoy at medyo naburara kasi ang iyong pirma, kaya ang binababoy at binuburara ng tadhana ang kapalaran mo nang hindi naman sinasadya.

  2. Paano mo naman babaguhin ang iyong lagda? Huwag mo na kasing ibalikwas sa kaliwa ang dulong bahagi o guhit sa pinakapaa ng letrang “n”, na siyang bumababoy ng iyong lagda. Sa halip, ituloy mo lang ang pinakapaa ng letrang “n” sa kanan.

  3. Sa ganyang paraan ng pagpirma, ‘pag maayos at maganda na ito, makakatagpo ka ng mabait na employer at tapat na lalaking makakasama mo habambuhay, at tuluy-tuloy na rin gaganda ang iyong kapalaran.

  4. Marami pang pangingibang-bansa ang mangyayari sa iyong karanasan, ‘yan ang nais sabihin ng malawak at dalawang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ang nasabing hindi ka lang isang beses makakarating sa abroad, gayundin, hindi lang sa Middle East, bagkus, magagawa mo ring makapag-abroad sa Asia at ilang bansa sa Europe o Canada, basta nilakihan at pinaganda mo na ang iyong lagda.

  5. Habang, ang mahaba at makapal mong Marriage Line (Drawing A, at B. 1-M arrow c.) ay nagsasabing malaki rin ang pag-asa mong makatagpo sa abroad ng lalaking magmamahal sa iyo at makakasama sa pagbuo ng maligaya at maunlad na pamilya habambuhay.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Kung ‘yung iba ay minamalas o hindi nakakatagpo ng suwerte sa sinilangang bayan, maaari namang lumipat ng ibang bayan, probinsya o bansa. Malay mo, nasa malayong lugar pala ang naghihintay sa iyo na magandang kapalaran.

  2. Natutulad sa nasabing ehemplo ang magaganap sa iyong kapalaran, Mercy, kung saan ayon sa iyong mga datos, kung sisipagan mo sa pag-aayos ng mga papeles para magkapag-apply ka ngayon sa abroad, ngayong 2023, sa buwan ng Oktubre o Nobyembre, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong kapalaran.

  3. Lilipas ang mga tatlo hanggang apat, makakapagpabalik-balik ka sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa taong 2024 hanggang 2025, makakapag-asawa ka na at ito ang magiging daan upang tuluyan ka na ring suwertehin at makapanirahan sa ibang bansa, na sakop ng kontinente ng North America (Drawing A. at B. t-t arrow b., 1-M, arrow c. at k-k arrow d.).

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | March 22, 2023




KATANUNGAN


  1. Sa edad na 28, ako ay single pa rin. Noong 19 naman ako, nagka-boyfriend ako, ngunit mula nang naghiwalay kami ay hindi na ako nag-entertain ng manliligaw. Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil may nais akong linawin sa aking kapalaran.

  2. Una, bakit ako madalas managinip ng nakikipag-love making ako sa kapwa ko babae? Nagigising na lang ako na basa ang underwear ko, kaya minsan ay iniisip ko na may pagka-tomboy ako.

  3. May koneksyon din sa una ang pangalawa kong tanong — nakaguhit ba sa mga palad ko na magkaka-boyfriend ako o babae ang aking makakarelasyon?


KASAGUTAN


  1. Maaring kaya ka nananaginip na nakikipagtalik sa kapwa mo babae ay dahil sa ‘unfulfilled unconscious wish.’ Ibig sabihin, maaaring hindi ka naging maligaya sa dati mong boyfriend, kaya gusto ng unconscious self mo na sa kapwa babae ka na lang makipag-love making. Subalit kung makikipagrelasyon ka na ulit ngayon, makikita mo na unti-unting mawawala ang panaginip mo na nakikipagtalik ka sa kapwa mo babae dahil ang ‘unfulfilled unconscious wish’ ay direkta mo nang mararanasan sa iyong boyfriend.

  2. Hinggil naman sa iyong tanong kung may pagka-tomboy ka ba, siguradong hindi ang sagot dahil sa edad mong 28, kung lesbian ka talaga, malamang ay inilabas mo na ang iyong pagkatomboy o dapat may karelasyon ka na babae. Kung wala at hindi ka naman isinilang sa zodiac sign na Scorpio o sa buwan ng Oktubre, Nobyembre o Disyembre, walang duda na babaeng-babae ka, at ang kulang na lang sa iyo ay ang muling magka-boyfriend.

  3. Ang isa pang patunay na hindi ka tomboy ay madaling kinumpirma ng malinaw na Guhit ng Lalaki (Drawing A. at B. K-K arrow a.), na sumabay at tuluyang nakiisa at nakipagniig sa Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na sa malapit na hinaharap ay magkaka-boyfriend ka at ang makakarelasyon mo ay isang nakapagtapos ng pag-aaral, sikat o may matatag na trabaho. Ngayon ay kilala mo na siya, ngunit hindi mo siya masyadong in-e-entertain dahil kung anu-ano ang pumapasok sa isipan mo.

  4. Ngunit sa sandaling tuluy-tuloy na siyang nagpapansin, siya na ang tinutukoy ng kaisa-isang malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay nagpapahiwatig na ang ikalawang magiging boyfriend mo ay siya na ring iyong mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Criselda, ngayong 2023 at sa edad mong 28 pataas, hindi matatapos ang buwan ng Mayo, habang papalapit ang tag-ulan, magkaka-boyfriend ka.

  2. Sa sandaling nangyari ito, sa nasabing panahon, medyo may ambon at umuulan sa paligid, ito ang magsisilbing tanda na ang naturang lalaki ang iyong mapapangssawa at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.


 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | March 20, 2023




KATANUNGAN


  1. Wala akong boyfriend ngayon, pero may kasamahan ako sa trabaho at napapansin ko na nagpapa-cute siya sa akin kahit may girlfriend na siya. Madalas ay sabay kaming mag-lunch at palagi pa niya akong dinadalhan ng ulam at sabay din kami sa pag-uwi. Gayundin, ‘pag may problema ako sa work, siya ang laging tumutulong sa akin. Isang tawag ko lang, nand’yan na siya para tulungan ako.

  2. Ang ipinagtataka ko, bakit ganu’n siya sa akin at kung bakit niya ito ginagawa, samantalang may girlfriend na siya? Minsan ay naikuwento niya na nagbabalak na silang magpakasal ng girlfriend niya at nabiro ko pa siya na, “Wow, ang swerte naman ng girlfriend mo sa‘yo,” dahil bukod sa mabait siya ay masipag din siya at may savings na rin siya.

  3. Kaya ngayon, parang naguguluhan ako sa aming sitwasyon. Nararamdaman ko kasi na unti-unti nang nahuhulog ang loob ko sa kanya, pero pilit ko itong itinatago at hindi ko pinapahalata sa kanya. Maestro, may girlfriend na siya at ayaw ko namang makasira ng isang relasyon, ano ang gagawin ko?

KASAGUTAN


  1. Ang pinakamaganda mong magagawa ay pabayaan mo lang na magpatuloy ang pagiging mabuti niyang kaibigan sa iyo. Tiisin mo naman ang iyong damdamin o supilin ang iyong emosyon na huwag siyang mahalin dahil sa bandang huli, maaaring baka assuming ka lang at bigla ka lang masaktan.

  2. Ito naman ang nais sabihin ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) na nagkabilog nang maliit sa unang bahagi (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang inaakala mong pagkagusto sa iyo ng nasabing lalaki, sa bandang huli ay mauuwi rin sa wala.

  3. Nangyari dahil kahit magkaroon kayo ng relasyon at namili na siya sa inyo ng kanyang girlfriend, sigurado na hindi ikaw ang kanyang pipiliin kundi ang kanyang karelasyon. Sa ganitong paraan, matutupad ang nabanggit na maliit na bilog sa kaliwa at kanan mong Heart Line (arrow a.). Ito ay tanda ng manipis na kabiguan sa pag-ibig. Ngunit pagkatapos ng nasabing pagkabigo, sa susunod na pakikipagrelasyon, dahil naayos at gumanda na rin ang Heart Line (Drawing A, at B. h-h arrow b.) sa gitna hanggang sa dulong bahagi (arrow c.), may pangakong masaya at panghabambuhay na pag-ibig.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Habang, ayon sa iyo ang mga datos, Mayette, tulad ng naipaliwanag na, ang lalaking inisip at inakala mong napakabuti at napakabait sa iyo ay siya ring magpapaluha at magbibigay ng kabiguan sa iyo sa dakong huli.

  2. Ang sitwasyong ito ay hindi na maiiwasang mangyari sa taon ding ito ng 2023, upang matapos ito at sa buwan ng Oktubre, isang lalaking may zodiac sign na Taurus ang iyong makakarelasyon. Ang lalaking ito ang tunay na magmamahal sa iyo, na inilalarawan ng kaisa-isang malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Tulad ng nasabi na, si Mr. Taurus na paparating pa lamang ang iyong mapapangasawa at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya, na nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2024 at sa edad mong 27 pataas.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page