top of page
Search

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 11, 2023




KATANUNGAN


  1. Dati akong DH sa Oman, limang taon na ang nakakaraan. Naubos na ang naipon kong pera, kaya nag-a-apply na naman ako ngayon sa ibang agency. Gusto kong malaman kung muli pa ba akong makakapag-abroad?

  2. Pangarap ko kasing makapagpundar ng sariling bahay, lupa at negosyo kung sakaling suwertehin ako sa abroad. Matutupad ba ang pangarap kong ito para maiahon ko na sa kahirapan ang aming pamilya?


KASAGUTAN

  1. Pareho namang malawak at makapal ang dalawang Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na tulad ng unang pag-a-abroad mo, siguradong matutuloy ka sa pangalawang pangingibang-bansa na iyong binabalak.

  2. Madali namang kinumpirma na maaliwalas, malinaw at nag-aanyong papalipad na guhit ang dulong bahagi ng iyong lagda na matutuloy ka. Ito rin ay malinaw na tanda na ngayon pa lang, nasasagap na ng unconscious mong isipan ang napipintong mas mabiyayang pangingibang-bansa sa takdang panahon na inilaan ng kapalaran.

  3. Samantala, may malinaw ka ring Business Line (Drawing A. at B. B-B arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na bukod sa pag-a-abroad, malaki rin ang tsansa na susuwertehin ka rin sa pagnenegosyo, na madali namang kinumpirma ng birth date mong 17.

  4. Dagdag pa rito, sinasabi ring uunlad at aasenso ka sa mga produktong agrikultural o mga bungang kahoy, bunga ng halaman o mga produktong butil. Puwede mo ring isaalang-alang ang tindahan, grocery o mini-supermarket sa poblacion o bayan ng inyong lugar, sa mga nasabing paraan ka mas mabilis na aasenso at yayaman.

MGA DAPAT GAWIN

  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Imelda, sa last quarter ng taon, partikular sa buwan ng Setyembre o Oktubre at sa edad mong 34 pataas, tiyak na magaganap ang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.

  2. Dagdag pa rito, ang nakatakda ay mahabang panahon kang mananatili sa ibang bansa upang pagsapit ng taong 2030 at sa edad mong 41 pataas, makakaipon ka ng puhunan. Habang sa ating bansa, makakapagsimula kang magnegosyo ng mga nabanggit na kalakal sa itaas, na siya namang magiging simula upang mapalago mo nang husto ang inyong kabuhayan hanggang sa makabili ka ng pangarap mong bahay at tuluyan kayong yumaman (Drawing A. at B. H-H arrow d.), na nakatakda namang matupad sa taong 2041 at sa edad mong 52 pataas.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 4, 2023




KATANUNGAN


  1. Ako ay isang single mom sa edad na 23, at ang anak ko ay 2-anyos, sanggol pa lang siya ay iniwan na ako ng naging ika-limang boyfriend ko. Mula noon, hindi na ako nagtiwala pa sa lalaki dahil ang tingin ko sa kanila ay puro manloloko, hanggang may nakilala akong lalaki. Niligawan niya ako at kahit single mom ako, handa raw siyang pakasalan ako, pero hindi ko pa siya sinasagot.

  2. Maestro, siya na ba ang nakaguhit sa aking mga palad na makakasama ko habambuhay? Kapag kami ang nagsama, magiging maligaya at maunlad ba ang itatayo naming pamilya? Gayundin, compatible ba kami at dapat ko na ba siyang sagutin para may kilalanin nang ama ang anak ko at para makabuo na rin kami masayang pamilya?

KASAGUTAN


  1. Sinasabing kapag hindi mo sinubukan ang isang bagay, hindi mo malalaman kung ano ang magiging resulta nito, partikular kung ito ba ay makakasama o makabubuti sa iyong kapalaran.

  2. Gayunman, ang mahirap sa subok nang subok, sa bandang huli, kung sadyang pangit o negatibo ang kapalaran, parang nangongolekta ka lang ng kabiguan o “broken relationship” hanggang ito ay dumami. At sa bandang huli, sasabihin mo sa iyong sarili na, “Walang kuwenta ang mga lalaki, puro manloloko, pangako at magaling lang sa simula, pero sa huli ay iiwan ka rin pala!”

  3. “Hindi na ngayon!” Ito ang nais sabihin ng ikalawang mas malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mon palad. Ito ay nagpapahiwatig na sa susunod na pakikipagrelasyon, hatid ng lalaking malaki ang agwat ng inyong edad o mid-30s, habang ikaw naman ay 24 pataas, sa panahong ito ng tag-araw at pamumulaklak ng mga punong-kahoy sa kaparangan, muli kang makakaranas ng kakaiba at mas masarap na suyuan, na hahantong sa matimyas at panghabambuhay na pagmamahalan.


MGA DAPAT GAWIN


  1. Kapag summer at mahilig kang mag-obserba, habang nasa biyahe sa expressway at nakadungaw sa bintana, kitang-kita mo sa gilid ng highway ang mga punong-kahoy na hitik ng sari-sari at nakatutuwang iba’t ibang kulay ng mga bulalak. Sa Pilipinas, ito ay nagpapahiwatig ng Summer season at usong-uso na naman ang mga prutas, lalo na ng manggang hilaw na napakasarap isawsaw sa maanghang na bagoong na niluto ng aking Inang Talia.

  2. Sa Japan at sa iba pang karatig-bansa ng Pilipinas, ang mga cherry blossom na may iba’t ibang kulay ay nagiging tourist attraction, kung saan nagbabadya ng papalapit na spring time o tagsibol. Masaya na naman ang mga tao sa iba’t ibang lugar at sa lilim ng puno ng sakura, kani-kanyang selfie at post, na naka-upload agad sa kanilang social media account.

  3. Ganundin ang nakatakdang maganap sa iyong kapalaran, Maybelyn, sa panahong ito ng tagsibol, unti-unting mamumulaklak ang iyong karanasan at mahihitik ng nakakakilig na ugnayan sa kasalukuyan mong manliligaw. Ito ay hahantong sa masaya at panghabambuhay na pagpapamilya, hatid ng lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Aquarius.

 
 

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 3, 2023




KATANUNGAN


  1. May gusto akong malaman tungkol sa love life. Kapag bigla ka bang hinalikan ng isang lalaki, ibig sabihin ba nito ay mahal ka niya? May lalaki kasing gumawa sa akin nito nang minsang magkasarilinan kami sa computer room ng iskul namin.

  2. Madalas kaming dalawa lang sa computer lab kasi magkagrupo kami, pero hindi niya ginagawa sa akin ‘yun. Kaya lang, nang hapong ‘yun, bigla akong na-ground sa transformer ng computer at napayakap sa kanya, tapos bigla na niya akong hinalikan. Mula nang mangyari ‘yun, hindi na mawaglit sa isipan ko, palagi kong naaalala ang pangyayaring ‘yun, lalo na sa gabi kapag nakahiga ako

  3. Siya na ba ang magiging first boyfriend at mapapangasawa ko? Noon bata ako, naipangako ko sa aking sarili na kung sino ang lalaking unang makakahalik sa akin ay siya na ang gusto kong mapangasawa. Sa ngayon, magulo ang isip ko at laging siya ang naiisip ko.

KASAGUTAN

  1. May malinaw na Guhit ng Fling na Relasyon (Drawing A. at B. f-f arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na hindi maiiwasan na kapag patuloy kayong nagkikita ng naturang lalaki, kahit sabihin pang hindi kayo nag-uusap o nagbabatian, tiyak ang magaganap. Tulad niya, unti-unti na ring mahuhulog ang loob mo sa kanya, hanggang sa maipagtapat niya sa iyo ang katotohanang kaya ka lang niya nagawang halikan noong hapong ‘yun ay dahil sa tindi nang pag-ibig at pagmamahal na nadarama niya sa iyo.

  2. Sa sandaling maipagtapat na ito ng nasabing lalaki, kusang huhupa ang kinikimkim mong sama ng loob at pagkainis, at ang inis na ito ay mapapalitan ng kakaibang damdaming may halo nang pagmamahal.

DAPAT GAWIN


Habang, ayon sa iyong mga datos, Loraine, darating ang malapit na hinaharap, habang tumitindi pa ang panahon ng tag-init, ang Guhit ng Fling na Relasyon (f-f arrow a) ay matutupad, at tuluyan na kayong makakabuo ng lehitimo at totohanang relasyon. Sa sandaling nangyari ‘yun, hindi na aksidente ang magaganap – sa halip, kusa ka na niyang hahalikan at kusa ka na ring yayakap sa kanya, bilang natural na ekspresyon ng iyong nakakikilig at matimyas na pagmamahalan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page